Si Grant, isang tagapakinig ng aming Grace in Focus broadcast, ay may isang napakagandang tanong:
Mayroon akong tanong sa inyong podcast kamakailan tungkol sa Gawa 2:38. Sa katapusan ng tanong sagot sa isang tanong, sinabi ni Bob na kailangan ni Pablong mabautismuhan upang matanggap ang kapatawaran ng mga kasalanan, ngunit siya ay nakarating na sa pananampalataya at tatlong araw nang ligtas sa daan patungong Damasco. Maaari mo bang ipaliwanang ito nang mas malinaw?
Siguro ang aking tanong ay maaaring maihayag nag anito: Paano si Pablo naligtas bago napatawad ang kaniyang mga kasalanan?
Pinahahalagahan ko nang husto ang mga turo ng GES sa maraming nakalilitong pasahe ng kasulatan. Kamakailan lamang nasumpungan naming mag-asawa ang GES at nasumpungan naming ang mga aral na ito na nakatitighaw-uhay sa pagpapaalala sa amin kung gaano talaga kalibre ang regalo ng buhay na walang hanggan!
Malinaw na bukas si Grant sa gusto kong sabihin. Maraming tao ang hindi bukas sa anumang bagay na laban sa iniisip nilang tama. Sa kasong ito, kung tiyak akong ang kapatawaran ng mga kasalanan ay kailangan uang maligtas, si Pablo ay hindi pa ligtas sa daan patungong Damasco. Siya ay sinabihan tathlong araw makalipas na hugasan ang kaniyang mga kasalanan sa pamamagitan ng bautismo: “At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.” (Gawa 22:16). Ito ay lumilikha ng isa pang isyu. Hindi ba’t ang mga tao ay ipinanganak nang muli at pinatawad ng kanilang mga kasalanan nang sila ay manampalataya kay Cristo? Walang binanggit si Ananias tungkol sa pananampalataya kay Cristo sa Gawa 22:16.
Sinabi ni Pablo sa Gal 1:11-12 na hindi niya tinanggap ang kaniyang evangelio mula sa sinumang tao, kundi direkta mula kay Jesucristo. Nangangahulugan itong hindi dinala ni Ananias si Pablo sa pananampalataya kay Cristo. Ang Panginoong Jesucristo ang gumawa nito.
Ipinakita ng Gawa 2:38 at Gawa 22:16 na ang mga Judio ay may pananagutan sa kanilang bahagi sa pagpako kay Jesus at kailangan nilang mabautismuhan upang matanggap ang Espiritu at kapatawaran ng mga kasalanan. Ngunit sila ay naipanganak nang muli bago pa iyan, nang sila ya manampalataya kay Jesucristo. Si Lanny Thomas Tanton ay may sinulat na dalawang napakahusay na artikulo mula sa kaniyang master’s thesis sa Gawa 2:38 (tingnan dito) at Gawa 22:16 (tingnan dito). Nirerekomenda kong silipin ninyo ang mga ito.
Nang ang mensahe ay tumungo sa mga Samaritano, kailangan lamang nilang manampalataya kay Jesucristo upang maipanganak na muli at upang mapatawad. Subalit, kailangan nilang maghintay hanggan patungan sila ng mga kamay nila Pedro at Juan bago nila matanggap ang Espiritu Santo (Gawa 8:12-17). Tanging sa pagpasok ng mga Gentil sa loob ng Iglesia sila naipanganak na muli at tumanggap ng Espiritu at ng kapatawaran ng mga kasalanan nang sila ay manampalataya (Gawa 10:42-48; 11:14). Mula sa puntong ito, ito na ang naging normal na karanasan ng mga Judio at ng mga Gentil. Ngunit bago ito, may pagkakaiba sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano.
Alam natin sa 1 Juan 1:9 (at Lukas 15:11-24) na ang mga mananampalataya ay maaaring maiwala ang kapatawaran at makalabas sa pakikisama sa Diyos. Ang isang mananampalataya ay maaaring mamatay na hindi napatawad sa kaniyang mga kasalanan. Ngunit siya ay nananatiling naipanganak na mulo. Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay hindi kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Isang pagkakamali ang gawin ang kapatawaran ng mga kasalanan bilang tudlaan sa ebanghelismo. Ang tudlaan ay ang buhay na walang hanggan. Ang lahat ng nanampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggang hindi maiwawala.
Bakit isang pagkakamali ang gawin ang kapatawaran ng mga kasalanan bilang tudlaan? Una, ito ay mali dahil posibleng maniwala na ang kapatawaran ay maiwawala. Ngunit hindi sa buhay na walang hanggang tinuturo ng Panginoong Jesus. Gaya nang madalas sabihin ni Dr. Ryrie, Kung ang buhay na walang hanggan ay maiwawala, mali ang pangalan nito. Ikalawa, ito ay mali dahil binabalewala nito ang prinsipyo ng WWJD. Hindi Niya ginawang tudlaan ang kapatawaran ng mga kasalanan.
Grant, pagnilayan mo ang buong Evangelio ni Juan. Gaano kadalas sinabi ng Panginoong Jesus na, “Siyang nanampalataya sa Akin ay may kapatawaran ng mga kasalanan”? Hindi kahit minsan. Gaano kadalas sinabi Niyang, “Ang sinumang nanampalataya sa Akin ay may buhay na walang hanggan”? Lagpas dalawampung beses!1
Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay isang napakalaking pagpapala. Ngunit hindi ito laging pinagkakaloob sa sandali ng pananampalataya. Ang Gawa ay isang aklat na nagkukwento sa atin ng paglago at pag-unlad ng Iglesia. Ang mga bagay ay nagbago sa paglipas ng panahon. Kung hindi natin kikilalanin ito, tayo ay magkakaroon ng mensahe ng evangelio na sumasalungat sa mga aral ng Panginoong Jesus at ng mga apostol.
___________
1 Labing-isang beses sa NKJV, sinabi ng Panginoong Jesus na ang buhay na walang hanggan ang tudlaan (Juan 3:15, 16; 4:14; 5:24, 39; 6:40, 47, 54; 10:28; 12:50; 17:2). Labindalawang beses pang sinabi Niyang ang buhay (na walang kasamang pang-uri; sa konteksto ay tumutukoy sa buhay na hindi mababawi) ang tudlaan (Juan 5:21, 24, 40; 6:33, 35, 48, 53, 63; 10:10; 11:25; 14:6; 20:31). Hindi rito kabilang ang Juan 3:36, kung saan dalawang beses na binaggit ni Juan Bautista na ang tudlaan ay ang pananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan.