Ang salitang hiwaga (mustērion) ay ginamit nang dalawampu’t pitong beses sa BT. Dalawampu sa mga ito, o pitumpu’t apat na porsiyento, ay masusumpungan sa mga sulat ni Pablo. Ito ay masusumpungan lamang ng maikatlo sa Mateo, Marcos at Lucas. At ito ay masusumpungan ng apat na beses sa Pahayag.
Itutuon natin ang ating pansin sa dalawang bagay na tinatawag ni Pablo na hiwaga.
Una, sinasabi ni Pablo na ang Iglesia ay isang hiwaga sa LT (cf Ef 3:9; 6:19). Bago ang kapanganakan ng Iglesia, walang nakaaalam na ang mga Judio at mga Gentil ay papag-isahin sa iisang katawan; kahit nang maipanganak na ang Iglesia, walang agarang nakaalam nito. Ang mga unang Cristiano ay nag-aakalang bagama’t ang mga Samaritano’t mga Gentil ay maaaring magkaroon ng buhay na walang hanggan, hindi sila maaaring maging bahagi ng Iglesia. Naniniwala silang ang Iglesia ay para lamang sa mga Judio.
Ang mga Samaritano ay dinala sa Iglesia sa Gawa 8 ngunit nangyari lamang ito matapos na pumunta si Pedro at Juan sa Samaria upang ipatong ang kanilang mga kamay sa mga bagong mananampalataya. Kailangang makita mismo ng mga apostol na nais ng Diyos na ang mga Samaritano ay maging bahagi ng Iglesia.
Ang mga Gentil ay dinala sa Iglesia sa Gawa 10. Muli, nariyan si Pedro. Siya ang nanguna sa pagdala sa kanila sa pananampalataya kay Cristo (Gawa 10:43-48; 11:14; 15:7-11).
Ang LT ay nagbabanggit na ang mga Gentil ay magiging bahagi ng kaharian. Ang ilan ay naniniwalang kahit ang Iglesia ay tinalakay sa LT. Narinig ko si Zane Hodges na magbigay ng isang mahusay na mensahe sa Awit 45. Iniisip niyang ang asawang babae sa Awit ay ang Iglesia, ngunit ito ay hindi malalaman hanggan sa BT. Iniisip niyang ang “mga anak na babae ng hari” ay patungkol sa Israel.
Maraming naniniwalang mayroon ding mga tipo ng Rapture ng Iglesia sa LT (hal. si Eva ay dinala kay Adan sa Gen 2, si Enoc ay buhay na dinala sa langit sa Gen 5, si Lot at ang kaniyang pamilya ay nilabas sa Sodom bago ito was akin sa Gen 19 at marahil ay si Noe at ang kaniyang pamilyang niligtas mula sa pandaigdigang pagkawasak sa Gen 6-9). Subalit ang iglesia at ang rapture nito ay mga hiwaga bago nasulat ang BT.
Ang “hiwaga ng evangelio” (Ef 6:19) ay ang hiwaga ng mabuting balita na ang mga Judio at mga Gentil ay pinagkaisa sa Iglesia. Sinabi ni Pablo sa Ef 3:2-6 na ang Diyos ay “ipinakilala sa akin ang hiwaga… Na ang mga Gentil ay tagapagmana, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio.”
Ganito rin ang ibig sabihin ni Pablo nang kaniyang banggitin ang “hiwaga ni Cristo” (Ef 3:4; Col 4:3; 1 Tim 3:16). Ito ay ang hiwagang ang mga Judio at mga Gentil ay pantay sa isang bagong katawan, ang Iglesia. Tingnan dito at dito para sa mga artikulo tungkol sa “hiwaga ni Cristo.”
Ang Cristianismo ay hindi isang “relihiyon ng hiwaga.” Wala tayong sikreto’t kumplikadong mga ritwal para sa mga bagong anib. Wala tayong espesyal na kaalaman na natatago maliban sa nakatataas na miyembro ng ating panig. Ang mga relihiyon ng hiwaga na lumago sa unang tatlong siglo ay gumaya sa Cristianong pananampalataya. Ayon sa Gotquestions.org, “… maraming mananalaysay at mga iskolar ang nagsasabing ang Cristianismo ay nanghiram sa mga relihiyon ng hiwaga o naimpluwensiyahan ng mga ito ang Cristianismo; subalit, ang kabaligtaran ay maitatatag- na ang mga relihiyon ng hiwaga ang nanghiram sa Cristianismo upang idagdag sa kanilang mga mitolohiya. Isa pa, ang pagkakapareho ng Cristianismo at mga relihiyon ng hiwaga ay napakasuperpisyal” (tingnan dito).
Sa susunod na makita mo ang salitang hiwaga sa mga sulat ni Pablo o sa ibang sitas ng BT, isipin mo ang Iglesia, ang pagkakaisa ng mga Judio at Gentil sa iisang katawan. Ang Iglesia ay isang hiwaga sa LT. Kailangan natin ng karagdagang kapahayagan upang maunawaang ang mga Gentil ay “kapwa tagapagmana sa parehong katawan.”