At sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa Iyong kaharian”. At sinabi Niya sa kaniya, “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Ngayon ay kasasamahin Kita sa Paraiso” (Lukas 23:42-43).
Si Casey ay aktuwal na nagpadala sa akin ng sulat na sulat-kamay. Nagtanong siya ng serye ng mahuhusay na tanong tungkol sa pag-uusap na ito.
Ang tulisan ba sa krus naniwala sa eternal na seguridad nang hilingin niya sa Panginoon na alalahanin siya? Naniniwala siyang posible ang buhay na walang hanggan dahil kung hindi hinsi siya hihiling. Naniniwala siyang inosente si Jesus at marahil marami pang bagay tungkol sa Kaniya ang kaniyang pinaniniwalaan. Naniwala Siyang may kakayahan si Jesus na iligtas siya. Siya ay mapagkumbaba at nanawagan kay Jesus na iligtas siya.
Nais kong saligan ang mungkahi ni Casey na ang tulisan sa krus ay “marahil marami pang bagay tungkol sa Kaniya ang kaniyang pinaniniwalaan.”
Siyasatin natin ang hiling ng tulisan at ang sagot ni Jesus.
Ang sabi ng lalaki, “Panginoon, alalahanin mo ako pagdating Mo sa Iyong kaharian.”
Malinaw na siya ay naniniwala:
- Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos (cf Juan 20:31).
- Babangon muli si Jesus mula sa mga patay at muling babalik.
- Si Jesus ay maghahari magpakailan man.
- Siya mismo ay muling babangon mula sa mga patay.
- Maaaring bigyan siya ni Jesus ng maraming gantimpala sa darating na kaharian.
Oo, naniwala ang lalaki sa eternal na seguridad nang hilingin niya kay Jesus na alalahanin siya ng Panginoon kapag Siya ay pumasok na sa Kaniyang kaharian. Ang tulisan sa krus ay nanampalataya na para sa buhay na walang hanggan. Alam niyang hindi siya kailan man magugutom, mauuhaw, mapapahamak, makaaalis, o mamamatay espirituwal.
Hindi sa atin sinabi kung paano siya nakarating sa pananampalataya sa pangko ni Jesus ng buhay na walang hanggan. Posibleng dati na niyang narinig si Jesus na magbahagi ng pangako ng buhay. Maaaring narinig niya ang madlang kumukutya sa Kaniya, “Niligtas Niya ang iba; ang sarili Niya hindi Niya mailigtas. Kung Siya ang Hari ng Israel, bakit hindi Siya bumaba mula sa krus at maniniwala kami sa Kaniya” (Matt 27:42). Siyempre, may nilagay ding karatula si Pilato sa itaas ng Kaniyang ulo na nagsasabing, “Hari ng mga Judio.” Sa pagmamasid niya kung paano kumilos si Jesus sa krus, naniwala siyang si Jesus talaga ang Mesiyas at Siya ang tagagarantiya ng buhay na walang hanggan sa lahat ng sumampalataya sa Kaniya.
Hindi siya nananawagan kay Jesus na iligtas siya. Alam na niyang niligtas na siya ni Jesus, at ang kaniyang kahilingan ay patunay niyan.
Naalala ninyo si Heneral MacArthur? Nangako siyang babalik sa Pilipinas nang siya ay mapalayas ng mga kaaway. Sabihin nating may kabataang Filipinong tumulong sa kaniyang makatakas. Sabihin nating sinabi niya, “Heneral, alalahanin mo ako sa iyong pagbabalik.” Humihingi siya ng gantimpala mula sa heneral sa kaniyang pagbalik dahil sa kaniyang paglilingkod. Totoo, kaunti lang ang naitulong ng lalaki. Tinulungan niya lang si MacArthur ng ilang oras. Ngunit alam niyang babalik ang heneral at umaasa siyang mayroon siyang gantimpala kapag ito ay nagbalik.
Ang sagot ng Panginoon ay may pinahahayag din sa atin. Hiniling ng lalaking alalahanin siya ng Panginoon sa hinaharap kapag Siya ay nakapasok na sa Kaniyang kaharian. Subalit, ang Panginoon ay hindi nagbabanggit ng hinaharap at ng kaharian. Ang binabanggit Niya ay ang araw na iyon mismo: “Ngayon ay kasama Ko ikaw sa Paraiso.” Sa tingin ko ang diin ay sa mga salitang kasama Ko. Ang lalaki ay malapit kay Jesus sa Paraiso sa araw na iyon mismo, Biyernes bago lumubog ang araw.
Sa panahong iyan, ang Paraiso ay hindi ang ikatlong langit. Ito ay bahagi ng Sheol/Hades na para sa mga ligtas, kung saan naroroon si Abraham (Lukas 16:19-31) at kung saan tutungo ang Panginoong Jesus at ang lalaki.
Ang katotohanang siya ay malapit kay Jesus ay dagliang nagpapahiwatig na siya ay magiging malapit din kay Jesus kapag Siya ay dumating na sa Kaniyang kaharian. Ibig sabihin, marahin sinasabi ng Panginoong ang dating tulisang ito ay isa sa magiging kapwa pinuno ni Jesus sa kaharian!
Alalahaning sinabi ni Jesus na ang sinumang maghayag sa Kaniya sa harap ng mga tao, Kaniyang ihahayag sa harap ng Kaniyang Ama (Mat 10:32). Ininterpreta ito ni Pablong ang sinumang makatagal sa kaniyang paghahayag kay Cristo ay maghaharing kasama Niya sa buhay na darating (2 Tim 2:12). Ang tulisan sa krus ay nagpahayag kay Cristo hanggang sa siya ay mamatay. Sa krus siya lamang, maliban sa senturion, ang gumawa nito. Bagamat pinahayag niya si Jesus ang Cristo sa loob lamang ng ilang oras, siya ay nakatiis hanggan sa katapusan.
Ang aral ng tulisan sa krus ay hindi an gating kapanganakang muli sa pamamagitan ng pananampalataya lamang hiwalay sa mga gawa. Iyan ay totoo (Juan 3:16; Ef 2:8-9; Pah 22:17). Ngunit ang tulisan ay may ginawang mabuting gawa- isang napakabuting gawa. Buong tapang niyang pinahayag si Cristo at tinanggap ang pangungutya ng isa pang tulisan at ng karamihan sa madla. Ang aral ng tulisan sa krus ay inaalala ng Panginoong Jesus ang lahat nating ginawa para sa Kaniya at gagantimpalaan tayo para sa mga ito sa Kaniyang pagbabalik.