Si M. E. ay may magandang tanong:
Maaaring natalakay mo na ito dati ngunit ano sa paniniwala mo ang gampanin ng pagsisisi sa buhay ng isang mananampalataya? Sa tingin ko ito ay hindi hinihingi para sa kaligtasan/pag-aaring-ganap, maliban kung iniisip ng isa na ito ay pagtalikod sa walang kabuluhang pagtitiwala sa sarili patungo sa pagtitiwala lamang sa natapos na gawa ni Cristo. Ngunit, sigurado, na bagama’t ito ay indi nag-aari sa ating matuwid, ang pagsisisi ay bahagi ng normal na karanasang Cristiano, at bahagi ng proseso ng sanktipikasyon. Marami na akong narinig na iba’t ibang pananaw tungkol dito at nais kong marinig ang iyong pananaw. Sang-ayon ako na ang kaligtasan ay hindi maiwawala, kahit pa tayo ay mahulog sa kasalanan, bagama’t tiyak na ito ay makasisira saa ting patotoo, makaaapekto sa kalidad ng ating buhay at marahil ay makawawala ng gantimpala sa Bema kung hindi natin seseryosohin ang banal na pamumuhay. Sa parehong nota, bakit sinabi ni Jesus na magsisi at manampalataya (na tila baga nagsasabi sa isang mambabasa na may dalawang kundisyon ang buhay na walang hanggan) sa mga Evangeliong Sinoptiko?
Sinulat ko ang aking disertasyon tungkol sa pagsisisi, at kalaunan ay sumulat ng isang aklat tungkol dito. Sa tingin ko may malaking kalituhan hindi lamang tungkol sa pagsisisi bilang isang kundisyon ng bagong kapanganakan (hindi) kundi tungkol din sa pagsisisi bilang kundisyon sa nagpapatuloy na pakikisama sa Diyos (hindi rin).
Narito ang isang simpleng paliwanag:
Ayon sa 1 Juan 1:9, ang kundisyon sa pananatili sa pakikisama sa Diyos ay ang patuloy na paglakad sa liwanag (1 Juan 1:7) at patuloy na pagkukumpisal ng ating nalalamang mga kasalanan (1 Juan 1:9). Ang mananampalatayang yumayakap sa solidong aral ng Biblia at nagkukumpisal ng kaniyang nalalamang kasalanan ay nananatili sa pakikisama sa Diyos.
Ang pagsisisi ay hindi nabanggit sa 1 Juan dahil ito ay hindi kundisyon para sa isang taong may pakikisama sa Diyos na manatili sa pakikisamang iyan sa Diyos.
Ayon sa Panginoon, sa tatlong parabula sa Lukas 15, ang pagsisisi ay ang paraan upang ang isang mananampalatayang walang pakikisama sa Diyos ay makapapasok sa pakikisamang iyan. Ang alibughang anak ay anak bago siya umalis, samantalang siya ay nasa malayong lugar, at nang siya ay magsisi at bumalik. Hindi siya naging anak sa pamamagitan ng pagsisisi.
Samantalang siya ay nasa malayong lugar, ang alibughang anak ay walang pakikisama sa Diyos. Sa sandaling ang alibughang anak ay bumalik sa ama, nakabalik siya sa pakikisama sa kaniya. Ang sabi ng ama, “Ito ang aking anak na patay at muling nabuhay; siya ay nawala at ngayon ay nasumpungan” (Lukas 15:24). Dito, ang patay at buhay ay patungkol sa loob o labas ng pakikisama.
Sa sandaling bumalik ang alibugha, hindi na niya kailangang magsisi. Hindi na niya kailangang manatili sa pakikisama sa kaniyang ama.
Naririnig ko na ang argument ngayon: “Ngunit hindi ba’t ang pagsisisi ay bahagi ng pagkukumpisal?” Hindi. Ang pagsisisi ay hindi pagsang-ayon na tayo ay nagkasala. Ang pagsisisi ay hindi ang kalungkutang dala ng pagkakasala. Ang pagsisisi ay pagtalikod sa paghihimagsik laban sa Diyos. Kung hindi ako naghihimagsik laban sa Diyos, hindi ko kailangang magsisi.
Sabihin nating ang iyong anak ay bumalik sa iyon paulit-ulit sa isang araw at nagsabi: “Humihingi ako ng paumanhin sa aking ginawa. Ako ay patay na sa iyo. Tatalikod na ako sa aking mga kasalanan at nais kong bumalik sa pakikisama sa iyo. Tatanggapin mo ba ako sa pakikisama sa iyo?” Iyan ba ay magbibigay-kasiyahan sa iyo. Hula ko hindi. Hula ko tuturuan mo ang iyong anak na kapag siya ay nakagagawa ng mali, hindi nangangahulugang wala na kayong pakikisama. Nawawala lang ang iyong pagsasamahan kung siya ay naghimagsik laban sa iyo.
Sinabi sa akin ni Zane Hodges na ang isang mananampalataya ay maaaring manatili sa pakikisama sa Diyos sa loob ng maraming taon o dekada. Sa madaling salita, iniisip niyang ang isang mananampalataya ay maaaring hindi mangailangang magsisisi sa loob ng mahabang panahon. Sang-ayon ako sa kaniya.