Isang babae sa iglesiang aking dinadaluhan (tawagin natin siyang Betty) ay kamakailan nagkwento sa akin ng isang pag-uusap niya at ng kaniyang kaibigan. Ito ay may kakaibang pihit sa Santiago 2:19 na nagsasabing, “kahit ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig.” Madalas, sinasabi ng mga taong ang sitas na iyan ay nagsasabing ang pananampalataya kay Jesus ay hindi sapat upang iligtas sila mula sa lawa ng apoy. Kailangan mong gumawa ng mabubuting mga gawa. (Para sa isang napakainam na pagtalakay ng sitas na ito na madalas mali ang pagkaunawa, ang mga mambabasa ay hindi makasusumpong nang mas iinam pa kaysa aklat ni Zane C. Hodges, The Epistle of James. Ito ay makukuha mula sa website ng GES.)
Sinabi ni Betty na sa pag-uusap na iyan, nabanggit ng kaniyang kaibigan ang isang kakilalang minamaltrato ang kaniyang ina, bilang karagdagan sa iba pang bagay, sa pamamagitan ng pagpasok sa kaniya sa isang ampunan. Sinabi ng kaniyang kaibigan na ang taong kagaya nito ay tiyak na tutungo sa impiyerno.
Pinunto ni Betty na hindi niya masisiguro iyan. Marahil ang babaeng nagmamaltrato sa kaniyang ina ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Kung ganuon, siya ay makapapasok sa kaharian.
Subalit, ayon sa kaniyang kaibigan ito ay imposible. Sinabi niya kay Betty na ang pananampalataya lamang ay hindi sapat. Ang mga demonyo ay nananampalataya. Ngunit kung gusto nilang pumunta sa langit, kailangan nilang gumawa ng mabuti. At kung ang mga demonyo ay kailangang gumawa ng mabuti upang makapunta sa langit, lalo na tayo. Ang babaeng masama sa kaniyang ina ay marapat lamang na tumungo sa impiyerno, at ang kaniyang masasamang mga gawa ang magsisigurong tutungo nga siya sa impiyerno.
Una sa lahat, ang tugon ni Betty sa kaniyang kaibigan ay nagbigay sa akin ng kasiyahan. Naunawaan niyang ang buhay na walang hanggan ay isang libreng regalong hindi maiwawala, kahit pa ang tumanggap ng kahangahangang regalong iyan ay minamaltrato ang kaniyang ina. Ngunit nais niyang malaman kung paano tutugon sa argumento ng kaniyang kaibigan, na dahil sila ay nanampalataya na, ang mga demonyo ay tutungo sa langit kung sila ay gagawa ng mabubuting mga gawa.
Naalala ko, matagal na, nang ang aking kasama sa silid sa kolehiyo, ay nagbigay ng parehong pahayag. Wala siyang alam tungkol sa Santiago 2, ngunit sinabi niyang ang Diyos ay napakabuti at napakamabiyaya, na kahit ang Diablo ay tutungo sa langit kung siya ay “magsisisi at mamumuhay nang tuwid.” Sa panahong iyan, hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Tila tinataas nito ang biyaya ng Diyos, at alam ng lahat na mabiyaya ang Diyos.
Siyempre ang pahayag na ito ay hindi nagtataas ng biyaya ng Diyos. Mangangahulugan itong ang isang tao, kabilang na kahit ang Diablo, ay maaaring matamo ang walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Ito ay kabaligtaran ng biyaya (Roma 11:6).
Kung ang Diablo ay maaaring magtamo ng buhay na walang hanggan, ito ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit hindi ito maaari. Ang may-akda ng Hebreo ay nagsasabing si Cristo ay hindi namatay para sa mga anghel, at si Satanas ay isang nahulog na anghel (Heb 2:16). Ang kamatayan ni Cristo ay nagbayad sa kasalanan ng sanlibutan, na inalis ang hadlang sa anumang kakayahan ng taong tumanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya para rito.
Dahil si Cristo ay hindi namatay paa sa mga kasalanan ng Diablo, o ng sino pa mang nahulog na anghel, sila ay hindi makatatamo ng regalong iyan. Ang lahat ng mga nahulog na anghel ay nanininiwalang si Jesus ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng taong nanampalataya sa Kaniya para rito. Ngunit alam din nilang wala silang taglay nito. Kung ang Diablo ay magdesisyong magbagong buhay at mamuhay nang matuwid, wala pa rin siyan taglay na buhay na walang hanggan.
Ito ang sagot sa argumento ng kaibigan ni Betty. Ang ilan ay magsasabing hindi patas na ang mga nahulog na anghel ay hindi kayang makuha ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsisisi at mabubuting gawa. Maaaring nalulungkot pa sila para sa mga ito. Hindi ko alam kung bakit hindi namatay si Jesus para sa mga nahulog na anghel. Ngunit kung oo man, ang mga ito ay maaari lamang maipanganak na muli sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya para sa buhay na walang hanggan, hindi sa pagsisisi at mabubuting gawa.
Alam ko ring kapag aking pinagninilayan ang mga katotohanang ito at iniisip kung ano ang ginawa ng Diyos para sa atin diyan kay Cristo, ang biyaya ng Panginoon para sa mga mananampalataya ay mas lalong nagniningning.