Iilang tao ang pamliyar kay Isaac Gonzales, isang lalaking nakatira sa Boston sa katapusan ng ika-20 siglo. Si Gonzales ay isang lalaking nababalisa. Nagtatrabaho siya sa isang kumpanyang nagtatago ng pulot katabi ng pier ng Boston. Ang mga barko ay nagbababa ng mga pulot sa malalaking tangkeng metal na kapag napuno ay naglalaman ng 2 milyong galon ng likido.
Napansin ni Isaac na ang tangke ay tumatagas sa ilang bahagi. Naririnig niya ang mga metal na dumadaing sa bigat ng mga pulot. Nang kaniyang inspeksiyonin ang walang lamang mga tangke mula sa loob, nahuhulog sa kaniyang buhok at damit ang mga pirasong metal. Sa tuwing mapupuno ang tangke napupuno siya ng takot na ito ay bibigay at papatay ng mga taong malapit.
Nagkakaroon siya ng kahilahilakbot na mga bangungot. Magigising siya sa gitna ng gabi at tatakbo mula sa kaniyang bahay patungo sa tangke upang tiyaking ito ay nakatayo pa rin. Minsan natutulog siya sa opisina upang mabalaan ang mga tao kung maganap ang katastropiya, at minsan ay naiisip na matulog sa tabi mismo ng tangke. Lumapit siya sa maraming mga superbisor at mga taong nasa katungkulan upang sabihin ang kaniyang takot. Sinabihan siya ng mga boss na kung lilikha siya ng maraming problema dahil sa kaniyang mga reklamo, mawawalan siya ng trabaho. Pinaalalahanan nila siya na ang mga pulot ay ginagamit sa paggawa ng mga amunisyon o bala (sino ang nakaaalam ng tribyang ito?!), na mahalaga para sa digmaan sa Europa at kung ganuon ay mahalaga para sa pambansang seguridad. Ang kaniyang asawa ay tinakot siyang ididiborsyo dahil sa tinatawag nitong walang saysay na obsesyon. Sinabi nitong wala rin naman silang magagawa tungkol dito.
Nangyari ang kinatatakutan niya noong Enero 15, 1919. Ang tangke ay bumigay at nawasak. Ang baha ng pulot ay bumaha sa mga kalsada at pinabagsak ang mga gusali. Dalawampu’t isang tao ang namatay at 150 ang nasugatan. Winasak ng pulot ang isang riles, at kung hindi dahil sa mabilis na pag-iisip ng isang inhenyero, mas tataas pa ang bilang ng mga patay. Maraming hayop, kasama na ang mga kabayo, ang namatay din sa baha.
Kapag naiisip ko ang kwentong ito, naalala ko si Isaac Gonzales. Nakita niya ang mangyayari. Ngunit walang gusting makinig sa kaniya. Gumugulo ito sa kaniya at hindi niya ito maalis sa kaniyang isipan. Napapaisip ako kung pareho ba ang aking magiging reaksiyon. Marahil magdadahilan akong kung sakali mang masira ang tangke, tanging isang bahagi lamang ang masisira at ang pinsala ay hindi naman malala. Marahil masisira ito kapag walang laman o kaunti lang ang laman. Marahil, sasabihin ko, gaya ng sinabi ng asawa ni Isaac, na nagawa ko na ang lahat ng aking magagawa at hindi magagawa. Natupad ko na ang aking tungkulin at makatutulog na akong mahusay sa gabi. Hindi interesado ang mga tao sa aking babala, kaya ang sisi ay sa kanila.
Natanto ko na sa ilang pagkakataon, ang mga mananampalataya ngayon ay hawig kay Isaac Gonzales. Ang kapahamakan ay darating sa ating mundo. Ang Panginoon ay nagbanggit ng isang darating na Tribulasyong makaaapekto sa buong mundo (Mat 24-25). Kung si Isaac ay 80% tiyak na darating ang isang kapahamakan, tayo ay 100% tiyak. Tinawag tayo upang balaan ang mga nasa paligid natin na nalalamang marami ang hindi makikinig sa ating sasabihin.
Sa Biblia, kapag alam ng bayan ng Diyos na darating ang isang kapahamakan, may mga taong maka-Diyos na kumilos nang gaya ni Isaac. Nakita ni Jeremias ang kapahamakang darating sa kaniyang bansa mula sa mga taga-Babilonia at nabantog bilang “Umiiyak na Propeta.” Patuloy siyang nagbababala sa mga tao sa kaniyang paligid; nakulong pa nga siya dahil sa kaniyang mga salita.
Ang mga salita ng nakabalumbong aklat ay nagpapahayag ng isang darating na Tribulasyon na dahilan upang makaramdam si Juan ng pait sa kaniyang tiyan (Pah 10:10). Natutuwa si Juan na darating na ang Panginoon ngunit ang isipin ang kapahamakang darating bago ang Kaniyang pagdating ay nakatatakot.
Maidaragdag natin ang halimbawa ng Panginoon sa mga halimbawang ito. Nang matanto Niya kung ano ang mangyayari sa Jerusalem dahil sa pagtanggi nito sa Kaniya, bagama’t ito ay sinasadyang pagtakwil, umiyak Siya para sa lunsod (Lukas 19:41-44).
Paano tayo? Marapat lamang naisin natin ang mabilis na pagbalik ng Panginoon ngunit tayo ba ay nag-aalala sa mga tatangayin ng darating na kahatulan? Bilang mga taong nanghahawak sa Free Grace, taglay natin ang mensaheng tiyak na magliligtas sa kanila mula sa kapahamakan. Alam kong karamihan sa mga tao ay hindi makikinig ngunit aaminin ko: kapag tinitimbang ko ang bigat ng sitwasyon, nahihiling ko na sana ay mas hawig ako kay Isaac Gonzales.