Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso sapagkat pagkasubok sa kaniya siya’y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa Kaniya.
Gagantimpalaan tayo kapag tayo’y nagtitiis ng mga pagsubok nang may pag-ibig sa Kaniya. Iyan ang mahalagang punto na binigay ni Santiago sa San 1:12.
Kailangan nating panghawakan ang mga pagsubok sa paraang nakararangal sa Diyos at iyan ay nagreresulta sa pagtamo ng Kaniyang pagsang-ayon. Ikumpara ang Roma 5:3-4 kung saan ang pagtitiis ay lumilikha ng subok na katangian, ang parehong salitang ginamit dito sa pagkasubok (dokimos).
Ang putong o korona ng buhay dito ay maaaring tumutukoy sa paghaharing kasama ni Cristo sa buhay na darating. Maraming pasahe na nagbabanggit ng mga posibleng putong sa hinaharap ay tungkol sa walang hanggang gantimpala (hal 1 Cor 9:25; 2 Tim 4:8; 1 Ped 5:4; Pah 2:10; 3:11). Ang eksaktong ekspresiyon na putong ng buhay ay naganap lamang minsan pa sa BT, sa Pah 2:10. Bagama’t ang ekspresiyon ay tumutukoy nga sa walang hanggang gantimpala sa Pah 2:10 ang konteksto ay iba sa San 1:12.
Iminumungkahi ni Hodges na ang putong ng buhay ay malamang na tumutukoy sa mga pagpapala sa buhay na ito dahil sa koneksiyon ng 1:12 sa San 5:11 kung saan ang pagtitiis ni Job sa mga pagsubok ay kinabit sa mga pagpapala sa buhay na ito.
Komento ni Hodges:
Ang buhay ay mas magiging mayaman, malalim at puno para sa kaniyang mambabasang Cristiano kung sila ay kabilang sa mga taong, gaya ni Job, ay nakarating na matagumpay sa dulo ng kanilang mga pagsubok. Tunay, sa tuwing matagumpay nating natiis ang panahon ng kaguluhan, ang putong ng buhay ay ibibigay muli sa atin. Sa ganitong aspeto, gaya ng sa iba, ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na na sumisilang nang higit at higit sa sakdal na araw (Pah 4:18)(James, p. 26, binigyang-diin).
Si Ron Blue sa Bible Knowledge Commentary, ay sumasang-ayon, sa kaniyang pagsipi nang may pagsang-ayon kay Curtis Vaughn, “Ang buhay na ipinangako ay marahil ang buhay dito at ngayon, ang buhay sa kaniyang kapunuan, buhay sa kaniyang kakumpletuhan” (cf San 1:4) (Curtis Vaughan, James: Bible Studies Commentary, p. 28)(“James,” p. 821).
Subalit, ang ilang komentarista ay iniisip na ang walang hanggang kaligtasan mismo ang gantimpala. Sinabi ni Adamson, “Ang putong ang gantimpala sa pagpapagal ng isang Cristiano, na laban sa kapangayarihan ng kasamaan, ay hindi madali gaya ng pagpapagal ng isang atleta laban sa kaniyang kumpetisyon: ang putong bilang kaniyang gantimpala ay ang buhay na walang hanggan” (James, p. 68). Gayon din si Peter Davids ay sumulat, “Ang aktuwal na gantimpala ay ang kaligtasan mismo, sapagkat ang buhay (na walang hanggan) ay tiyak na nilalaman ng putong” (James, p. 80). Sumasang-ayon si Richardson, na nakikita ang pagkakaiba ng pangkasalukuyang buhay at ang buhay na darating: “Ang mga habambuhay na pagsubok ay matatapos sa katapusan ng buhay sa gantimpala ng dibinong buhay” (James, p. 77).
Siyempre, kung ang putong ng buhay ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan, ito kung ganuon ay hndi na libreng regalo; hindi na ito sa pamamagitan ng pananampalataya lamang; hindi ito matatanggap bago mamatay; at mangangailangan ito ng pagtitiis sa mabubuting gawa hanggang kamatayan. Maraming komentarista ang hayagang nagsasabi na ang kanilang tinatawag na eskatolohikal na kaligtasan ay hindi matatanggap bago mamatay at ito ay nangangailangan ng pagtitiis sa pananampalataya at mabubuting gawa hanggang kamatayan.
Hindi tayo dapat lumalapit sa Santiago upang madetermina ang pananaw natin ng nagliligtas na mensahe at ipatong ito sa ating pagkaunawa ng Ebanghelyo ni Juan at ng mga epistula ni Pablo. Dapat nating gawin ang kabaligtaran. Kailangan nating itatag ang ating pananaw ng nagliligtas na mensahe mula sa malilinaw na pasahe ng Kasulatan, lalo na sa Ebanghelyo ni Juan, ang tanging aklat ebanghelistiko sa Biblia (Juan 20:31). Saka lamang natin mauunawaan ang Santiago.
Dapat ko ring banggitin na ang ilang mga komentarista ay nakikita ito bilang tumutukoy hindi sa buhay na walang hanggan o sa kapunuan ng buhay ngayon, kundi sa gantimpalang walang hanggan na karagdagan ng buhay na walang hanggan. Si Moo, halimbawa, ay sumulat:
Malinaw na ang pangkalahatang layunin ni Santiago sa sitas na ito ay ang palakasin ang loob ng mga mananampalataya na tiisin ang mga pagsubok nang may katapatan upang matamo ang gantimpalang ipinangako ng Diyos. May ilang Cristianong nahihirapan sa mga gantimpala, na tumututol na ang ating pagsunod kay Cristo ay dapat puro at walang bahid na interes, hindi namomotiba ng garapal na konsiderasyon gaya ng gantimpala. Ang pagtutol na ito ay madaling maunawaan, at tunay na maraming kaso ng mga Cristianong nagdadala ng makasarili at mapagbilang na mentalidad na “sa bandang huli” sa kanilang paglilingkod sa Panginoon, na nagtatanong, “Ano ang mayroon dito para sa akin?” sa bawat hakbang. Ngunit ang pagmumuni-muni sa mga gantimpala ng langit ay masusumpungan sa buong BT bilang pantulak sa ating katapatan sa gitna ng mahirap na sirkumstansiya dito sa lupa. Ang paglagak ng ating mga mata sa premyo ay makatutulong na magmotiba sa atin na panatilihin ang ating espirituwal na integridad kapag nahaharap ng mga tukso at kahirapan ng buhay sa lupa. Bilang karagdagan, gaya ng obserbasyon ni Mitton, ‘ang mga gantimpala ay ang uri na tanging ang tunay na Cristiano ang maaapresyar’ (Moo, James, pp. 70-71).
Tumutukoy man ang putong ng buhay sa kapunuan ng buhay ngayon o sa buhay na darating (o pareho), malinaw na ang pagtanggap ng putong ay nakakundisyon sa ating pag-ibig sa Diyos. Gusto ko ang komento ni Zane Hodges tungkol sa ating pangangailangang ibigin ang Diyos sa gitna ng mga pagsubok:
Sa katotohanan, maihahayag na ang bawat isa sa ating iba’t ibang pagsubok ay sa isang paraan o iba, ay pagsubok ng ating pag-ibig sa Diyos. Sa bawat pagsubok ay dumarating ang tuksong labanan ang kalooban ng Diyos sa pagpapadala ng mga pagsubok, o ang tuksong kamuhian ito at tumangging hayaan ang Diyos na gawin ang gawaing nagtatayo ng karakter na nais Niyang gawin sa atin. Tanging kapag tayo ay nagpasakop nang may pag-ibig sa makapangyarihang kamay ng Diyos, saka lang natin masusumpungan ang putong ng buhay na naghihintay sa atin sa katapusan ng pagsubok [James, p. 26].
Sa katotohanan ang mga pagsubok ay maaaring maging dakilang pagpapala sa ating mga buhay kung ating aalalahanin na ginagamit ang mga ito ng Diyos upang lumikha ng pagtitiis at karakter sa ating buhay. Habang ating pinanatili ang ating pag-ibig sa Panginoong Jesus sa gitna ng ating mga pagsubok, ang ating buhay ay puputungan ngayon at dito (at puputungan sa Bema kung magtitiis tayo sa pag-ibig natin sa Kaniya).