Sa unang bahagi, inargumento kong ang senturion sa paanan ng krus ay may karunungang pinagnilayan ang kadiliman sa oras ng kamatayan ni Cristo at siya ay nakarating sa ilang nakakagitlang konklusiyon tungkol sa kung sino si Jesus. Dapat din nating tanungin ang signipikansiya ng kadilimang ito.
Subalit, una sa lahat, nais kong bigyang pansin ang ilang popyular na mga opinion tungkol sa kahulugan ng kadiliman. Bagama’t ang mga ito ay nagsasalamin ng ilang katotohanang biblikal, sa tingin ko hindi nila naibibigay ang mga dahilan kung bakit ang liwanag ng araw ay nawala sa tatlong oras sa gitna ng umaga nang araw na ang Hari ng Israel ay namatay.
Mataas ang aking kumpiyansang nasabihan na rin kayo ng parehong bagay na nasabi na sa akin tungkol sa kakaibang kadilimang ito. Naglalarawan ito ng katotohanang ang Diyos Ama ay tinalikuran ang Kaniyang Anak. Kinuha ni Jesus ang mga kasalanan ng sanlibutan sa Kaniyang sarili at hindi makatingin ang Diyos sa kasalanan. Hindi Siya makatingin sa Kaniyang Anak. Nang ilayo Niya ang Kaniyang paningin, nagdilim ang kalangitan. Marami na akong narinig na mga sermon na naglalahad ng dahilang ito sa kung ano ang nangyari.
Ang pangunahing dahilan sa pananaw na ito ay ang paghiyaw ni Jesus na Siya ay pinabayaan ng Ama sa krus (Marcos 15:34). Pakiramdam Niya inabandona Siya ng Ama ng sandaling iyon, at hindi pa naranasan ni Cristong mahiwalay sa Kaniyang Ama. Tayo ay naiwang may kaalaman na hindi natin maunawaan ang pinagdaanan ng ating Panginoon. Ang kadiliman ay isang akmang larawan ng napakalalim na karanasan ng Panginoon.
May katotohanan ang pananaw na ito. Walang kasalanang masusumpungan sa Diyos (1 Juan 1:5). Hindi Siya mananatili sa kasalanan. Marahil mabubuod nating ito ang kaniyang tugon kung ang Kaniyang Anak ay maging kasalanan para sa atin (2 Cor 5:21). Ito ay tila resonableng pananaw.
Subalit, sa katunayan ang Diyos ay tumitingin sa kasalanan. Nakikita Niya ang kasalanan ng mga tao sa lahat ng sandali. May pagkakaiba sa kakayahang makita ang kasalanan at sa pagiging makasalanan. Kayang gawin ng Diyos ang una. Hindi Niya magagawa ang ikalawa.
Marahil ang pananaw na ito ay hindi makakakalap ng maraming tagataguyod kung hindi dahil sa hiyaw ng Panginoong pinabayaan Siya ng Ama. Wala sa kontekstong nagmumungkahi nito. Interesanteng si Lukas, sa kaniyang ulat sa pagpako sa krus, ay hindi inulat ang hiyaw na ito ng Panginoon. Sa halip, binanggit ni Cristo ang Kaniyang malapit na ugnayan sa Ama (Lukas 23:43, 46). Isusulong ko sa susunod na blog na ang hiyaw ng Panginoon ay hindi hiyaw ng pag-aabandona kundi hiyaw ng tagumpay. Kung titingnan sa liwanag na ito, ang ideya na tinalikuran ng Ama ang Kaniyang Anak sa krus at ito ang nagpadilim sa kalangitan ay isang hindi kaaya-ayang pagpipilian.
Isa pang laganap na pananaw ay ang kadilima’y nagdadala sa atin sa Genesis 1. Kung paanong ang sanlibutan ay nababalot ng dilim bago nilikha ng Diyos ang ating kasalukuyang sanlibutan, gayon din kay Cristo, ang Diyos ay lumilikha ng bagong sanlibutan. Ang mga propeta sa LT ay nagbabanggit ng oras ng kadiliman bago ang pagdating ng Panginoon (Joel 2:31). Ang mga huling araw ay nasa atin na. Si Cristo ay namamatay, ngunit ang kaharian ay dumarating. Ito ay ang kadiliman bago ang liwanag ng bagong paglalang.
Mayroon ding katotohanan sa turong ito. May kadiliman bago ang pagdating ng Panginoon upang itatag ang Kaniyang kaharian. Ipangangaral ni Pedro ang katotohanang ito limampung araw ang makalipas (Gawa 2:20). Ilang dekadang makalipas, babanggitin ni Juan ang kaparehong bagay (Pah 6:12-13). Ang problema sa pananaw na ito ay hindi agad nangyari ang pagdating ng kaharian matapos mamatay ni Cristo sa krus. Ang kadilimang hinula ni Joel at ng ibang propeta ay mangyayari pa sa hinaharap. Ang kaharian ng Diyos na agad na darating matapos ang kadiliman ay hindi dumating. Ang bagong paglalang ay hindi dumating. Ilalaban ko ring wala sa konteksto ng Marcos 15 ang nagbabanggit ng bagong paglalang.
Bagama’t may mga katotohanang biblikal na nakakabit sa mga laganap na pagkaunawang ito ng kadiliman sa krus ng Panginoon, sa tingin ko may mas mahusay na paliwanag ang kadiliman. Mayroon itong kahulugan para sa bansang Israel, at may kahulugan ito para sa mga mananampalataya. Ito ay ang tema ng paghuhukom.