Nabasa ni Bill ang aking blog kamakailan tungkol sa gitnang kaalaman at ang kapalaran ng lahat nang hind nakarinig (tingnan dito). May tinanong siyang isang napakahusay na katanungan:
May ilang iniisip na kapag ang isang tao ay nakatanto sa Diyos at may pagnanasang makilala Siya, ang Diyos ay magpapadala sa taong iyang ng “malinaw na presentasyon ng ebanghelyo.”
Narinig ko ang ilang mga misyonaryo na nag-ulat na ilang tao sa malalayong lugar ang nagsabing naghihintay sila na may taong magsabi sa kanila tungkol sa Diyos.
Alam mo ba kung ang Biblia ay nabanggit ang ideyang ito?
Nang ako ay kawani ng Campus Crusade for Christ, tinuruan kaming sagutin ang tanong tungkol sa kapalaran ng mga hindi nakarinig sa paraang ito: “Anumang gawin ng Diyos sa kanila ay makatarungan. Ngunit ikaw ay nakarinig. Kaya kailangan mong manampalataya kay Jesus upang maligtas magpakailan pa man.”
Ang sagot na iyan ay mahusay. Ngunit hindi nito ipinapaliwanag kung ano ang makatarungang gawain ng Diyos at hindi nito binabanggit ang Kasulatan.
May mga sitas sa Kasulatang nagpapakita na inuugnay ng Diyos ang nagliligtas na mensahe sa mga taong bukas at naghahanap. Magbibigay ako ng ilang halimbawang mga pasahe.
Sinabi ni Pablo sa mga pilosopong Atenian na ang Diyos ay “nilikha mula sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda Niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan, upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling Siya’y mahagilap nila at Siya’y matagpuan, bagaman hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin” (Gawa 17:26-27).
Ang komento ni F. F. Bruce sa Gawa 17:27:
Mula pa nang pagkalalang sinabi niya [Pablo] sa Roma 1:20, an ang mga bagay na ginawa ng Diyos ay malinaw na nagtuturo sa “Kaniyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Kung ang mga tao, na nalinlang at nilito ng huwad na pagsamba, ay nabigong makita ang kalikasan ng Diyos sa mga gawa ng sangnilalang, sila ay walang maidadahilan. Ang saloobing hinayag sa sulat sa mga taga-Roma ay hindi nalalayo nang husto sa saloobin ng mga Areopagitika… maging ang ilang sa kanilang mga sariling guro ay natanto… gaano man kalabo, kung paano ang Diyos malapit sa mga taong tunay na humahanap sa Kaniya (Acts, p. 338).
Ang pahayag ni Pablo sa Roma 1:20, na sinipi ni Bruce, ay nagpapakita rin na ang mga tao ay may kakayahang tumugon sa nilalang ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanap sa Kaniya. Ang kabiguang gawin ito ay nangangahulugang “sila ay walang dahilan.”
Nagbigay si Lukas sa atin ng halimbawa ng uri ng kwentong binanggit ni Bill na paulit-ulit na naririnig ng mga misyonaryo sa nakaraang tatlong siglo. Isang hindi pinangalanang lalaki sa Macedonia ang nagpakita kay Pablo sa isang pangitain “at nakiusap sa kaniya, na nagsasabing, ‘Halika kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami’” (Gawa 16:9). Si Pablo at ang kaniyang grupo sa ministri ay “naniniwalang [sila’y] tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila [sa mga tao sa Macedonia] (Gawa 16:100. Ang Diyos ay nagbibigay sa naghahanap ng malinaw na kapahayagan ng ebanghelyo.
Ang pamosong mensaheng ASK ng Panginoong Jesus- Ask, Seek, Knock (Humingi, Humanap, Tumuktok)- ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay sumasama sa lahat ng naghahanap ng Kaniyang katotohanan. Binuod Niya ang Kaniyang mensahe, “gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa Kaniya!” (Mat 7:11). Ang mga “mabubuting bagay” na ito ay tiyak na kabilang ang regalo ng buhay na walang hanggan (cf. Juan 4:10-14).
Sa tingin ko ay mahalagang ipaliwanag sa mga taong nagtatanong ang paraan na ang Diyos ay magiging makatarungan sa lahat na hindi nakarinig. Hinihila Niya ang lahat patungo sa Kaniyang sarili (Juan 1:9; 12:32; 16:7-11). Ang sinumang tumugon sa Kaniya sa pamamagitan ng paghahanap sa Kaniya ay bibigyan ng mas maraming kapahayagan, kabilang na ang pangako ng buhay na walang hanggan sa sinumang sumampalataya sa Kaniya para rito. Walang sinuman ang hahatulan magpakailan pa man na hindi mabigyan ng pagkakataong tumugon sa Diyos. Ang mga tumugon sa pamamagitan ng paghahanap sa Kaniya ay makararating sa pananampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan kung ang kanilang paghahanap ay nagpapatuloy.i
- Posible na ang isang tao ay hanapin ang Panginoon ngunit kapag dating ng karagdagang kapahayagan, ay iwanan ang paghahanap. Ito ay ipinapahiwatig ng Gawa 17:11. Ang mga taga-Berea ay naghahanap. Ngunit kanilang sinuri ang mga Kasulatan upang kumpirmahin kung totoo ang sinasabi ni Pablo. Ganuon din ang Gawa 10. Hinahanap ni Cornelio ang Panginoon bago sinugo ng Diyos ang isang anghel upang suguin si Simon Pedro upang kanilang marinig ang nagliligtas na mensahe. Kung hindi nagpatuloy si Cornelio sa paghahanap, sa pamamagitan ng pagsugo upang sunduin si Simon Pedro, siya at ang kaniyang sambahayan ay hindi makararating sa pananampalataya.