Hindi lamang kailangan ni Jesus na maging tamang Persona, at gumawa ng tamang mga gawa upang tayo ay maligtas, ngunit kailangan Niya ring magbigay ng tamang pangako. Kung wala ang pangako ng buhay na walang hanggan, walang tao ang maliligtas.
Bakit ang pangako ni Cristo ay mahalaga sa ating kaligtasan? Sapagkat ang pangako ng buhay na walang hanggan ay isa sa dalawang bagay na dapat nating sampalatayahan upang tayo ay maipanganak na muli (Juan 4:10).
Pinahayag Niya ang pangako sa mga sitas gaya ng Juan 3:16; 4:1-14; 5:24; 6:47; 11:26; Pah 22:17.
Sa Bagong Tipan (BT) ang pangako ay tinawag na “ang pangako ng buhay” (2 Tim 1:1; tingnan din ang Gal 3:21; Titus 1:2) o “ang salita ng buhay” (Gawa 5:20; Fil 2:16; tingnan din ang 1 Juan 1:1).
Ang pangako ay masusumpungan din sa LT, simula sa Gen 3:15 at nagpapatuloy sa Gen 15:6. Ang Panginoong Jesus ay nagsabi na ang LT ay nagpahayag na ang sinumang nanampalataya sa Kaniya ay may buhay na walang hanggan (Juan 5:39-40). Ang Hebreo 11 ay nagbigay ng maraming halimbawa ng mga tao sa LT na nanampalataya kay Jesus para sa kanilang walang hanggang kapalaran. Tingnan din ang Juan 8:56.
May ilang nagmumungkahing hindi na kailangan ng isang taong manampalataya sa pangako ni Cristo upang maipanganak na muli. Iminumungkahi nilang ang pananampalataya sa Persona at gawa ni Cristo ay sapat na.
Sa kaniyang aklat, The Future of Justification: A Response to N. T. Wright, si John Piper ay may seksiyon na nagtatanong ng tanong na ito, “Hindi Tayo Nahayag na Matuwid sa Pananampalataya sa Pag-aaring Matuwid?”i Sinipi niya si Wright na nagsasabing, “Hindi tayo inaring matuwid sa pananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya sa pag-aaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Tayo ay inaring matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa pananampalataya sa ebanghelyo mismo- sa madaling salita, na si Jesus ay Panginoon at ang Diyos ay binangon Siya mula sa mga patay.”ii Nagpatuloy si Piper,
Tila tama ito sa pakinig. Siyempre hindi tayo naligtas ng doktrina. Naligtas tayo sa pamamagitan ni Cristo. Ngunit ito ay mapanligaw sapagkat iniiwan nitong malabo ang kahulugan ng “pananampalataya sa ebanghelyo.” Pananampalataya sa ebanghelyo para sa ano? Kasaganaan? Pagpapagaling? Bagong trabaho? … kailangan nating ipahayag kung bakit ang kamatayan at pagkabuhay na maguling ito ay mabuting balita para sa kanila (ang paghihilis ay kaniya).iii
Kung ang isang tao ay hindi nanampalataya kay Jesus para sa pangako ng hindi mababawing pag-aaring matuwid/kaligtasan, kung ganuon hindi pa nila sinampalatayahan ang mensahe ng Juan 3:16 o ng iba pang pasahe ng Biblia. Ang Panginoon ay malinaw na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak, hindi mamamatay espirituwal, hindi itatakwil, hindi maaagaw sa Kaniyang kamay, at hindi na magugutom o mauuhaw para sa buhay na walang hanggan.
Ang Panginoon ay nagsabi sa babae sa balon na kailangan niyang manampalataya sa dalawang bagay: ang regalo ng Diyos at ang Tagabigay ng regalo (Juan 4:10). Nagpatuloy Siya sa pagsabing ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggang hindi maiwawala (Juan 4:14) at Siya, ang Tagabigay, ay ang Mesiyas (Juan 4:25-26). Kung ang isang tao ay hindi nanampalataya sa regalo ng Diyos na ipinangako ng Panginoong Jesucristo, hindi pa siya nakainom ng buhay na tubig.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ng Panginoon na bahagian ang sinuman ng mabuting balita. Maaari Niyang ipagkatiwala sa mga apostol at sa mga mananampalataya ang pangangaral ng pangako ng buhay na walang hanggan. Ngunit bahagi ng tinakda ng Ama para sa Kaniya ang ipangaral ang pangako ng buhay na walang hanggan (Juan 5:24; 6:35-40). Nagsilbi Siyang halimbawa kung ano ang nais Niyang ipahayag ng Kaniyang mga tagasunod.
Ang mga apostol ay hindi ulo ng iglesia; ang Panginoong Jesus ang ulo. Bilang ulo, Siya ang buhay na walang hanggan (Juan 14:6; 1 Juan 5:20); ganap Niyang isinabuhay ang buhay na iyan; ibinigay Niya sa atin ang pangako ng buhay na dapat ipahayag ng lahat ng mananampalataya; namatay Siya sa krus para sa ating mga kasalanan; at nagbuhay Siyang maguli sa mga patay.
Ang pangako ni Cristo ang target. Ito ang nagbabago ng isang hindi mananampalataya upang maging mananampalataya. Kapag ang isang tao ay nanampalataya na ang sinumang sumampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan, siya ay “lumipat mula sa kamatayan patungo sa buhay” (Juan 5:24).
Huwag kalimutan ang pangako ni Cristo.
__________________
- John Piper, The Future of Justification (Wheaton, IL: Crossway, 2007), p. 20
- Ibid.
- Ibid