Si Nicholas [na aking gitnang pangalan nga pala] ay may pinadalang magaling na katanungan:
Hi. Sana lahat ay maayos sa iyo. Nag-aalala ako tungkol sa aking kaligtasan. May pananampalataya ako kay Jesus at sa Kaniyang natapos na gawa at sa Kaniyang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Diyos mula sa mga patay nang ikatlong araw. Ngunit sabi ng mga tao na ito’y hindi sa pananampalataya lamang at maaari mo itong maiwala. Kung maaari, gawan mo ako ng pabor. Tingnan mo ang channel na ito. Sinasabi niyang naiwala niya ang kaniyang kaligtasan at tumungo siya sa impiyerno. Labis akong nag-aalala. Pakiusap tulungan mo ako.
Ang sinasabi mong pinapaniwalaan mo Nicholas ay namatay si Jesus sa krus para sa iyong mga kasalanan at bumangon siyang muli sa ikatlong araw. Hindi mo sinasabing nanampalataya ka sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggang hindi maiwawala. Ang totoo, ipinapahiwatig mong hindi ka nananampalataya rito, bagama’t gusto mo.
Pinanood ko ang ilang bahagi ng video na hiniling mong aking panoorin. Ito ay tungkol sa 1 Cor 9:27. Sinabi ng nagsasalita na ang sitas na ito ay ganap na nagpapabulaan sa minsan maligtas, ligtas kailan pa man (once saved always saved OSAS). Hindi ganuon. Ito ay sumusuporta sa OSAS. Alam ni Pablo na siya ay naligtas minsan at magpakailan pa man (cf Roma 3:21-31). Ang hindi niya alam ay kung siya ay maaprubahan ni Cristo sa Bema. Tingnan ito para sa isang paliwanag ng 1 Cor 9:27.
Ipinapakita ng Juan 3:16-17 na ang kaligtasan mula sa walang hanggang kahatulan ay sinonimo (kasinkahulugan) ng pagkaroon ng buhay na walang hanggang hindi maiwawala. Ang Panginoon ay nangako na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak, ngunit may buhay na walang hanggan.
Si Nicholas ay may katiyakan tungkol sa dalawang mahalagang katotohanan tungkol sa Panginoong Jesus: 1) namatay Siya sa krus bilang ating kahalili minsan at magpakailan pa man (ang Kaniyang natapos na gawain) at 2) Siya ay bumangon mula sa mga patay sa ikatlong araw. Ang paniniwala sa dalawang katotohanang ito ay dapat maggiya sa kaniyang manampalataya sa Kaniyang pangakong ang nanampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak (Juan 3:16). Inulit ni Jesus ang pangakong iyan sa iba’t ibang paraan. Sinabi Niyang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay hindi darating sa kahatulan tungkol sa kaniyang eternal na kalagayan (Juan 5:24), ay hindi na muling magugutom o mauuhaw para sa buhay na walang hanggan (Juan 6:35), hindi itatakwil (Juan 6:37), at hindi na mamamatay espirituwal (Juan 11:26). Ipinangako Niya ring ang taong nanampalatayasa Kaniya ay may buhay na walang hanggan ngayon at nakalipat na mula sa kamatayan patungong buhay (Juan 5:24).
Ang tanong Nicholas ay kung naniniwala kang nagsasabi ng totoo ang Panginoong Jesus. Ang komento mo “sabi ng mga tao na ito’y [kaligtasan] hindi sa pananampalataya lamang at maaari mo itong maiwala.” Totoo. Maraming taong nagsasabi niyan. Kung ganuon, naniniwala ka ba sa kanila, o sa Panginoong Jesucristo? Hindi sila maaaring parehong tama dahil ang kanilang sinasabi ay magkasalungat.
Gusto kong pinanunuod ang CNN at Newsmax. Gusto kong binabasa ang USA Today at Breitbart News. Ang aking nasumpungan ay radikal na hindi sila magkasang-ayon sa maraming ganap sa ating araw. Ang isa ay tama, at ang isa ay mali. Ang aking paniniwala ay hindi ko dinedetermina ayon sa binabalita ng ilang organisasyong tagapagbalita, magpa-mainstream man o hindi. Binabase ko ito sa ebidensiyang available sa akin.
Ang mga Katoliko, Orthodox, at Protestanteng Arminian ay lahat naniniwala at nagtuturong ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at maaaring maiwala. Ang Paninoong Jesus at ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay lahat naniniwala at nagtuturong ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at hindi maiwawala. Ang ebidensiya ay sumusuporta sa Panginoong at sa Kaniyang mga apostol.
Hinihimok ko ang lahat na may pagdududa na gawin ang sumusunod: 1) manalangin araw-araw, na humihiling sa Diyos na bigyan ka ng katiyakang ikaw ay sigurado magpakailan pa man, at 2) magbasa ng isang kabanata ng Ebanghelyo ni Juan araw-araw, na naghahanap ng ebidensiyang ang kundisyon ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at ang konsekwensiya ay buhay na walang hanggang hindi maiwawala.