Nitong nakaraan sumulat ako ng isang blog na tumatalakay kung kailan ang labing-isang alagad naipanganak na muli. Silipin dito. Iminungkahi kong tatlo ang naipanganak na muli sa pinakasimula ng ministeryo ni Jesus sa Juan 1. May hindi nabanggit na bilang ng ibang alagad na nakarating sa pananampalataya sa kasalan sa Cana (Juan 2:11). Ngunit alam nating silang lahat ay naipanganak na muli bago magtapos ang ministeryo ni Jesus dahil sinabi ni Jesus na silang lahat ay malinis na (Juan 13:10; 15:3).
Ang blog na iyan ang nagtulak ng tanong na ito ni John:
Nabasa ko ang iyong artikulo tungkol sa kung kailan ipinanganak na muli ang Labing-isa at ako ay nakuryuso. Sapagkat hindi pa nila natanggap ang Banal na Espiritu hanggang Pentekoste, hindi ba nangangahulugan na ito ang teknikal na panahong sila ay naipanganak na muli? Kung sila ay namatay bago ang krus, hindi ba’t sila ay tutungo sa dibdib ni Abraham sa pag-asa ng pinangakong pagtubos? Maaari ba ang taong “maipanganak na muli” bago matanggap ang Banal na Espiritu?
Natapos ko ang isang artikulo sa katiyakan pagkatapos mapanuod ang bidyo ni John MacArthur na sumasagot sa tanong ng isang babae tungkol dito, kung saan kaniyang tinuro ang babae sa kaniyang mga gawa at pagnanais bilang patunay sa halip na tanungin siya kung kaniyang narinig ang ebanghelyo at nanampalataya, na sa aking paniniwala ay ang tanging saligan ng ating katiyakan.
May ilang kalituhan tungkol sa kapanganakang muli bago ang Pentekoste. Ang dahilan ay dahil sa inaakala ng mga tao na ang sitwasyon sa ngayon ay palaging umiiral. Kaya kung ang mga tao ngayon ay tumatanggap ng permanenteng paninirahan ng Espiritu nang sila ay maipanganak na muli, walang tao ang naipanganak na muli bago ang Pentekoste. Iyan ay dahil ang mga mananampalataya ay unang natanggap ang permanenteng paninirahan ng Banal na Espiritu noong Pentekoste.
Ngunit ang aklat ng Gawa ay nagpapakita na bago si Cornelio sa Gawa 10, ang mga tao ay naipanganak na muli bago tanggapin ang Espiritu. Ikumpara ang Gawa 8:12-17. Dinala ni Felipe ang mga Samaritano sa pananampalataya kay Cristo at binaustismuhan sila. Ngunit hindi nila natanggap ang Espiritu hangga’t hindi dumarating sila Pedro at Juan at magpatong ng kamay sa kanila.
Tinanong din ni John kung saan tumungo ang mga mananampalataya na namatay bago ang Pentekoste. Ayon sa Lukas 16:19-31, ang mga mananampalatayang namatay bago ang krus ay tumungo sa mabuting bahagi ng Hades, kung nasaan si Abraham. Alam nating ang magnanakaw sa krus ay kasama ni Jesus sa Paraiso, samakatuwid, sa mabuting bahagi ng Hades pagkamatay nilang pareho.
Bumangon si Jesus sa ikatlong araw. Ngunit kailan Niya dinala ang mga mananampalataya mula sa Hades patungo sa ikatlong langit?
Ang sagot ay hindi Pentekoste. Dinala ni Jesus ang lahat ng mga mananampalataya palabas ng Hades sampung araw bago ang Pentekoste, nang Siya ay umakyat sa ikatlong langit.
Tingnan ang Juan 3:16. Sinumang sumampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan. Kailan ba iyan nagkatotoo? Hindi iyan nagkatotoo pagkasabi ni Jesus. Totoo na ito nuon pa. Totoo na ito sa Gen 3:15 nang unang ipahayag ang ebanghelyo. Marahil nakarating sa pananampalataya si Adan at si Eba sa mismong araw na sila ay nahulog. Si Abraham ay siguradong naipanganak na muli (cf Gen 15:6; Juan 8:56; Roma 4:1-5), bagama’t ang terminong ginamit ay inaring matuwid.
Ayon sa Juan 3:17, ang maligtas sa espirituwal na diwa, ay ang magkaroon ng buhay na walang hanggan (v 16).
Kung ang mga banal sa Lumang Tipan ay hindi naipanganak na muli bago mamatay, sila ay namatay na hindi ligtas at patay espirituwal. Ngunit kung sila ay patay espirituwal bago mamatay pisikal, mananatili sila sa kalagayang iyan (Juan 5:39-40). Ang isang tao ay hindi na maaaring maipanganak na muli kapag siya ay namatay na. i
Gusto kong gamitin ang akronim na RIBS upang maalala ang gawain ng Espiritu sa sandali ng pananampalataya. Ang RIBS ay kumakatawan sa regeneration (muling kapanganakan), Indwelling (Paninirahan), Baptizing (Bautismo) at Sealed (Pagselyo). Sa pagitan ng Pentekoste at ni Cornelio, ang mga mananampalataya ay muling ipinanganak at sinelyuhan ngunit ang kapanganakang muli at pagbautismo ng Espiritu sa katawan ni Cristo ay naganap pagkatapos ng bagong kapanganakan.
Ako ay lubos na sumasang-ayon sa sinasabi ni John tungkol sa katiyakan. Ang katiyakan ng ating eternal na kalagayan ay hindi masusumpungan sa ating mga gawang imperpekto. Ang katiyakan ay masusumpungan sa pananampalataya sa pangako ng buhay na walang hanggan na ginawa ni Jesus sa lahat ng sumampalataya sa Kaniya.
Sana nakatulong ito John. Mahusay na mga tanong.
____
- Maliban na lang siyempre kung ang taong namatay ay isang bata sa ilalim ng edad ng pananagutan o isang taong walang mental na kakayahang sumampalataya kay Cristo. Ang mga taong ito ay maaaring magtamo ng buhay na walang hanggan pagkamatay, kapag naubos nila ang kanilang natural na buhay sa milenyo at nakarating sa pananampalataya rito o maaaring bigyan na lamang sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan.