May magandang tanong si Morgan,
Sa iyong artikulo nuong 9/1/2009, “Mga Benepisyo ng Dugo ni Cristo: May Restriksiyon at Walang Restriksiyon” (silipin dito), may binanggit kang interesanteng sipi mula kay Chafer: “Madalas sabihin ni Lewis Sperry Chafer, ‘Dahil sa Kalbaryo, ang tao ay wala ng problema ng kasalanan. Sa halip sila ay may problema ng Anak.’” Alam mo ba kung saan ko masusumpungan ang siping iyan sa nakasulat na pormat, o ito ba ay isang kasabihang madalas niyang banggitin sa kaniyang mga klase sa DTS?
Hindi ako nagbigay ng dokumentasiyon nang una dahil hindi ko ito nasumpungan. Ngunit ngayong naitanong ako tungkol dito, nagsaliksik ako.
Sa ikatlong bolyum ng kaniyang Systematic Theology, madalas niyang banggitin ang “problema ng kasalanan,” at lagi niyang sinasabing dahil sa krus, ang solusyon ay pananampalataya kay Cristo. Sinulat ni Chafer, “Ang solusyon sa problema ng kasalanan ay perpektong nasolusyunan. Sa kaso nang mga hindi ligtas, ang tanging natitira ay ang pantaong responsibilidad ng nagliligtas na pananampalataya…” (p. 237). Nagpatuloy siya sa pagbanggit kay Cristo at sa Kaniyang kamatayan sa krus.
Sa mas unang bahagi ng ikatlong bolyum sinulat niya tungkol sa kaligtasan na dalawang bagay ang kailangan: “(1) isang matuwid na pagtugon sa problema ng kasalanan ng tao- at ito ay tinugunan ng Diyos sa Kaniyang regalo ng Kaniyang Anak bilang Korderong nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan- at (2) ang malayang pagpili ng kaligtasan sa bahagi ng tao… sila ay gumawa ng matalinong pagtanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas” (p. 210).
Sa ibang bahagi sinulat ni Chafer, “ang doktrina ng paghalili ay hindi lamang hinayag ng Diyos sa tao bilang Kaniyang mabiyayang solusyon sa problema ng kasalanan, kundi tunay, at nag-iiwan lamang ng isang obligasyon para sa mga taong kinamatayan ni Cristo, at iyon ay ang manampalataya” (p. 66).
Sa bawat halimbawa, tinutukoy ni Chafer ang problema ng kasalanan at binabanggit ang pananampalataya kay Cristo bilang solusyon.
Sa tingin ko tama si Morgan na ang tiyak na pahayag, “Dahil sa krus ni Cristo, ang tao ay walang problema ng kasalanan, kundi problema ng Anak” ay paulit-ulit na sinasabi ng mga propesor sa DTS. Namatay si Chafer nuong 1952. Nagsimula ako ng seminaryo sa DTS nuong 1978. Ngunit ang impluwensiya ni Chafer ay malakas na nararamdaman sa mga taong kaniyang tinuruan na nasa faculty (hal. Drs. Walvoord, Campbell, Ryrie, Hendricks, Pentecost, Witmer).
Kung ang sinuman ay may masumpungang sipi na mas malapit kaysa sa aking ibinigay sa itaas, mangyaring ipagbigay alam ninyo sa akin.