Sa mga sumusunod sa aming blog, alam ninyo marahil na ang aking ama, si Ken Yates, at ako ay nakaiskedyul na tumungo sa Kenya sa katapusan ng Hulyo. Aming kakatagpuin ang aming kaibigang si Kristina, na manggagaling sa Italya, at magkakaroon ng isang linggong gawain at kumperensiya ng mga pastor. Kami ay nakipartner sa Acres of Mercy, isang ministeryong Free Grace na nasa labas ng Nairobi. Ligtas na nakarating si Ken sa Kenya. Nagsalita siya nuong Linggo sa isang simbahan, at Lunes hanggang Myerkules sa isang grupo ng mahigit isandaang mga pastor at kanilang mga asawa. Maayos ang lahat. Matatapos siya sa pagsasalita sa isang kumperensiya ng mga pastor sa Huwebes at Biyernes, kukuha ng test sa COVID sa Sabado, magsasalita sa isang simbahan sa Linggo, at kung papaladin lilipad pauwi Linggo ng gabi.
Sa kasamaang palad, kami ni Kristina ay hindi nakarating dahil sa mga restriksiyon sa pagbibiyahe dala ng COVID. Pareho kaming hindi bakunado laban sa COVID. Ngunit ito ay hindi naging isyu dati, at hindi ito dapat maging isyu ngayon. Sa loob ng 48 oras, sinabihan kami ng higit sa walong kailangan upang makabiyahe patungong Kenya.
Hindi ko alam kung paano simulang sabihin sa inyo kung ilang oras, kagamitan, at tulog ang nasayang dahil sa hindi kami nakalipad patungong Kenya. Sabihin nang hindi lamang ito nakakawalang-gana, ito rin ay nakayayamot at nakakagapi. Lahat ng aming pagpapagod, pagpaplano, mga PCR tests, pag-eempake, mga visas, at iba ay nawala. Hindi lang kami ang naapektuhan kundi pati ang grupo sa Kenya. Lahat ng mga gawaing plinano para sa amin ni Kristina ay kailangang kanselahin, at kalahati ng aming mga libro ay hindi nakarating! Sa simpleng pananalita, nakakaasar!
Hindi namin alam kung ano ang totoo. Sa lahat ng kaguluhan at halo-halong mensahe, hindi namin alam kung sino o ano ang paniniwalaan. Sino ba talaga ang tunay na awtoridad? Natanto ko sa katapusan ng linggo, na ganito ang nararamdaman ng maraming tao pagdating sa kaligtasan. Pag dating sa kaligtasan, ang mundo ay puno ng halo-halong mensahe. Sino ang iyong paniniwalaan?
Paniniwalaan ba natin ang mga Katoliko na nagsasabing ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng mga sakramento? O ang mga Mormons na nagsasabing ito’y sa pamamagitan ng mga gawa at espesyal na panloob? O marahil ang mga tagataguyod ng Lordship salvation na nagsasabing ang buong buhay ng mabubuting gawa ay kailangan upang patunayan ang iyong kaligtasan? O ang mga Arminian na nagsasabing kailangan mong magpatuloy upang maingatan ito. At ito ay ilan lang sa mga pagpipilian sa loob ng Sangkristiyanuhan pa lamang. Lahat sila ay tila alam kung ano ang kanilang sinasabi. Ngunit sila ay hindi nagkakasundo sa bawa’t isa.
Iniiwan nito ang maraming taong makaramdam ng kaparehong pakiramdam na aking naramdaman nuong Biyernes- nag-aalala, nayayamot at nagagapi.
Ang nakalulungkot, ganito ang nararamdaman ng maraming tao patungkol sa kaligtasan. Sumuko na sila. Sino ang iyong titiwalaan? Sa linggo lang na ito, may nagpaalam sa akin na may grupo sa social media na dedikado para sa mga taong lumaki sa simbahan ngunit umalis dala ng lahat ng kalituhan.
Bagama’t ang aking pagtitiwala sa mga paliparan at mga giya sa paglalakbay ay nabawasan, mas nagpapasalamat ako ngayon kaysa sa nakaraang linggo dahil alam ko kung saan nakalagak ang tunay na awtoridad. Maaari nating tiwalaan ang Salita ni Jesucristo. Sa Ebanghelyo ni Juan, tayo ay paulit-ulit na sinabihang tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Jesus para sa buhay na walang hanggan (Juan 3:16; 4:10, 14; 5:24; 6:40, 47; 11:25-27). Hindi ito pinaghalo-halo ng Panginoon. Hindi Niya tayo binigyan ng walong kailangan mula sa walong magkakaibang pinanggalingan. Siya ang pinanggalingan. Hindi Niya sinasalungat ang Kaniyang sarili. Siya ay hindi nagbabago.
Isang katotohanang hindi maitatanggi na ang isang tao ay naligtas sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Siya ang awtoridad: “ang patotoo ng Diyos ay mas dakila [sa patotoo ng mga tao]” (1 Juan 5:9). Ang Kaniyang patotoo ay nagbibigay Siya ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Panginoong Jesus (1 Juan 5:11).
Salamat sa Diyos na mayroon tayong katiyakan sa Kaniyang patotoo. Bagama’t maaaring hindi ko malaman kung kailan ako pahihintulutang pumasok sa Kenya muli, nalalaman ko nang walang bahid ng pag-aalinlangan na hindi ako dapat mag-alala sa aking pagpasok sa paparating na kaharian. Hindi ko kailangan ng QR code, visa, bakuna, booster, PCR test o pasaporte upang makapasok sa kahariang iyan.
Taglay ko ang Kaniyang Salita, at ito ay totoo at hindi nagbabago.