Paulit-ulit na pinahayag ni Haring Solomon na ang lahat ng nasa ilalim ng araw ay walang kabuluhan- walang saysay. Sa isang naunang blog, sinabi ko na ang argumento ni Solomon ay maisusulat sa isang silohismo:
Unang premis: Ang lahat ng gawain ay nasa ilalim ng araw. (Mang 1:3).
Ikalawang premis: Ang lahat ng nasa ilalim na araw ay walang kabuluhan (Mang 1:14).
Pagbubuod: Samakatuwid ang lahat ng gawain ay walang kabuluhan.
Ngunit bakit ang mga ito ay walang kabuluhan? Anong mga argumento o pagdadahilan ang nagtulak kay Solomon sa ganitong katinding pagbubuod?
Sa paniniwala ko ito ay nauuwi sa isang problema: kamatayan.
Walang magagawa, maitatatag, matututunan, makokolekta, o malilibangan si Solomon na hindi mauuwi sa kamatayan (Ang Mang 2:14-15; 3:19-21; 12:2-8). Kaya sa kahulihulihan, hindi mahalaga kung si Solomon ay mabuhay na isang dakilang hari o isang hindi kilalang tambay, bakit kailangan pa ni Solomon na pagsikapang gumawa ng kahit ano? Hindi ba’t wala rin naming saysay?
Pasok si Leo Tolstoy.
Sa maraming bagay, si Tolstoy ay nahahawig kay Solomon. Isa siyang maharlika, napakayaman, at kinikilalang isa sa pinakadakilang manunulat sa lahat ng panahon.
Ano pa ang hahanapin mo?
Subalit, wala kahit alin man sa pagkilalang ito ang nagbigay sa kaniya ng kasiyahan. Sa kahulihulihan, pumasok sa isipan ni Tolstoy na magpatiwakal. Sa kaniyang aklat, A Confession– isang aklat na kahawig ng Ang Mangangaral at madalas banggitin si Solomon- ay binuod ang problema sa ganito:
Ang aking tanong, na siyang nagdala sa aking sa punto ng pagpapatiwakal nang ako ay limampung taong gulang, ay isang napakasimpleng tanong na nasa kaluluwa ng bawat isa, mula sa isang pilyong bata hanggan sa marunong na matandang lalaki. Ito ay ang tanong na kung hindi maitanong ang buhay ay imposible, gaya ng aking natutunan sa aking karanasan. Ito ang tanong: ano ang mangyayari sa aking ginawa ngayon o bukas? Ano ang mangyayari sa aking buhay?
Sa ibang pagpapahayag, ang tanong ay mailalagay na gaya nito: bakit ako nabubuhay? Bakit ako humihiling o gumagawa ng anuman? O ipahayag sa ibang paraan: mayroon bang kahulugan ang aking buhay na hindi buburahin ng napipintong kamatayan na nag-aabang sa akin? (A Confession, pp. 34-35, binigyang-diin)
Nasumpungan ni Tolstoy na walang anuman sa buhay na ito-gaano man ito kayaman sa material at kultural na aspeto- ang magbibigay kabuluhan sa harap ng kamatayan.
Ito rin ang pagbubuod ni Solomon.
Ano pala ang kasagutan? Bakit pa magpapatuloy na mabuhay?
Ang sagot ay masisimulang makita kung ating kikilalanin na ang mga pagbubuod ni Solomon at ni Tolstoy at nanggagaling sa panghahawak sa isang partikular na pananaw.
Sinulat ni Solomon ang Mangangaral mula sa pananaw ng isang uod, na tila ba ang tanging buhay lang na mayroon ay ang buhay sa lupang ito. At ang kaniyang mga pagbubuod ay isang reductio ad absurdum para sa lahat ng pagtatangka na maghanap ng kabuluhan ng buhay sa pananaw na ito.
Ngunit ito ay nagtataas ng isang katanungan- ang pananaw na panlupa lang ba ang tanging pananaw na maaaring panghawakan ng isang tao?
Hindi!
Mayroon pang isang pananaw- hindi sa ilalim ng araw ngunit sa kabilang ibayo nito.
Kung ang kamatayan ang kahulihulihang katapusan, tama si Solomon at si Tolstoy at ang lahat ng ating gawain ay walang kabuluhan. Ngunit ang kamatayan nga ba ang katapusan?
Maging sa Ang Mangangaral mayroon tayong mga pahiwatig- ngunit pahiwatig lamang- ng isang mas malawak na posibilidad:
Ginawa niya ang bawa’t bagay na maganda sa kapanahunan niyaon: inilagay rin niya ang eternidad sa kanilang puso, na anopa’t hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Dios mula sa pasimula hanggang sa wakas.
Oo, lahat ng bagay sa ilalim ng araw ay walang kabuluhan, at kung maghahanap ka ng kabuluhan dito, ikaw ay mabibigo. Ngunit hindi ka ba naghahanap ng higit pa sa mundong ito, bagay na mas tatagal, bagay na nagsasabi saiyo na mayroon kang eternal na halaga sa kabilang ibayo ng araw?
Iyan ang tinuturo ng Ang Mangangaral- ang paghahanap ng eternidad sa iyong puso.
Kunwari ang lahat ng bagay na iyong ginawa sa ilalim ng araw ay may eternal na kabuluhan sa kabilang ibayo ng araw; ang iyo bang buhay at gawain ay magkakabuluhan?
Itinaas ni Solomon ang tanong ngunit hindi niya ito sinagot. Hindi sa aklat ng Ang Mangangaral. Ayon kay Peter Kreeft ang Mangangaral ay nagtatanong ng malalaking mga tanong sa ating pag-iral na ang mga kasagutan ay nasa ibang bahagi ng Bibliya.
Kung ang tanong na ito ay nagbigay saiyo ng kuryusidad, ipagpatuloy mo ang pagbasa ng Bibliya (at pansinin kung anong aklat ang sumunod sa Mangangaral!)
Isipin mo ang Mangangaral bilang isang bangin- hindi bangin kung saan ikaw ay tatalon, ngunit isang hamon upang patuloy mong buklatin ang mga pahina na magbibigay sagot sa iyong pinakamalalalim na pagnanais.