Noong 1988, isang lalaking nagngangalang Nicholas Winston ang pumasok sa estudyo ng BBC at naupo sa mga manunuod. Ang tahimik na stockbroker, na nakasuot ng salamin at simpleng damit, ay walang ideya na ang susunod na programa sa talk show na That’s Life ay dedikado para sa kaniya. Si Winston ay may tinatagong sikreto, ngunit ang kaniyang sikreto ay nabunyag. Ang tila ordinaryong lalaking ito ay isa palang bayani, na nag-organisa at nagsagawa ng isa sa pinakadakilang gawang humanitaryanismo ng WW2.
Bago lumusob ang mga Nazi sa Czechoslovakia, inilipat ni Winston ang nasa 669 na batang Judio sa mga tahanan sa Britania. Inorganisa niya ang dokumentasyon, transportasyon at pagpapabahay ng mga bata, sa ganitong paraan nailigtas niya ang mga ito sa tiyak na kamatayan. Nakalulungkot na karamihan sa mga magulang ng mga ito ay namatay sa mga kampong konsentrasyon.
Sa huli, limampung taon na ang nakalipas, ang ginawa ni Winston ay nahayag sa liwanag. Kinilala ng talk show ng BBC ang kaniyang ginawa. Dose-dosenang mga bata- ngayon ay matanda na- ang nandoon upang parangalan at pasalamatan siya sa kaniyang mga gawang nagligtas ng kanilang mga buhay. Pagkatapos ng broadcast na ito, si Winston ay ginawang kabalyero ni Reyna Elizabeth, natanggap ang Orden ng Puting Leon (Order of the White Lions, ang pinakamataas na parangal ng Czechoslovakia), at binansagang “Schindler ng Britania” ng media. Ang mga papuri, karangalan at kaluwalhatian ay sumusunod sa kaniya hanggan sa kaniyang kamatayan noong 2015, sa edad na 106.
Ang karanasan ni Winston ay isang larawan ng doktrina ng gantimpala. Tinuturo ng Biblia na ang mga mananampalatayang matapas na naglingkod sa Panginoon sa buhay na ito ay gagantimpalaan isang araw sa kanilang mga pagpapagal sa Hukuman ni Cristo (2 Cor 5:10; Roma 14:10). Gaya ni Winston, tayo ay may oportunidad upang makapagligtas. Subalit, ang mga gantimpalang matatamo natin sa paglilingkod sa Panginoon ay higit pa kaysa pagiging kabalyero o medalya sapagkat ang mga gantimpalang ating hinahanap ay may eternal na halaga at hihigitan ang palakpak ng mga tao 91 Cor 9:24-27).
Subalit may isa pang elemento sa kwento ni Winston na nagbibigay ng isang nakatitinong paalala. Nadiskubre kalaunan na sa kaniyang mga pagpapagal upang makahanap ng tahanan para sa mga bata, humingi ng tulong si Winston sa Pangulong Roosevelt. Ang nakalulungkot, winalang bahala ni Roosevelt ang mga pakiusap ni Winston. Kalaunan, tantiya ni Winston, nasa 2000 bata ang maaaring naligtas kung tumugon ang pangulo sa kaniyang panawagan.
Sa 2 Ped 1:10 sinabi ng apostol sa kaniyang mga mambabasa na -gaya ng pangulo ng Amerika- sila ay tinawag. Lahat ng mga pinanganak na muli ay tinawag upang maging disipulo. Lahat ng mananampalataya ay inimbitahang maglingkod kasama ng Panginoon, mga kamanggagawa Niya habang naghihintay ng kaharian. Maaari tayong maging bahagi ng gawaing ito sa pagbabahagi ng nagliligtas na mensahe, pagdidisipulo sa iba, at pagdagdag sa ating pananampalataya ng mga katangiang sumasalamin sa Panginoon (2 Ped 1:5-8).
Nagkomento si Zane Hodges:
“… lahat ng Cristiano ay may ‘royal’ na panawagan mula sa Diyos mismo, ‘na tumawag [sa atin] sa Kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian’ (1 Tes 2:12). At isang napakalaking bahagi ng kaluwalhatiang iyan ay ang pribilehiyong magharing kasama ni Cristo (2 Tim 2:12; Pah 2:26-27; 3:21). Ngunit hindi lahat ng mga Cristiano ay pinili upang magharing kasama Niya… nais ni Pedrong likhain ng kaniyang mga mambabasa ang pamumuhay na nagpapatunay na sila ay mga ‘maginoong’ tao, nakatalaan sa mataas na karangalan sa darating na kaharian ng Diyos” (Hodges, Second Peter: Shunning Error in Light of the Savior’s Return, pp. 30-31).
Ang mga mananampalatayang nakinig sa panawagang ito ay pinangakuan ng “masaganang pagpasok sa walang hanggang kaharian” (2 Ped 1:11). Kung paanong si Winston ay nakatanggap ng masaganang pagpasok sa estudyo ng BBC, ganuon din naman ang mga mananampalatayang tapat na naglingkod sa buhay na ito ay tatanggap ng masaganang pagpasok sa Kaniyang kaharian. Ito ay hindi larawan ng pagpasok lamang sa kaharian. Sinumang nanampalataya kay Jesus para sa regalo ng buhay na walang hanggan ay papasol sa kaharina (Juan 3:16; 5:24; 6:40). Tinatalakay ni Pedro ang ibang uri ng pagpasok na maaari nating matanggap. Kung paanong si Winston ay pinarangalan sa maraming paraan dahil sa kaniyang paglilingkod, ganuon din ang ilang mananampalataya ay papasok sa kaharian ng may buong karangalan dahil sa kanilang paglilingkod. Ang ganitong uri ng pagpasok ay nangangailan ng pakikinig sa panawagan na maging disipulo, tapat na naglilingkod sa Panginoon at sa iba (2 Ped 1:5-11).