Sa Estados Unidos, mayroon kaming pariralang madalas gamitin lalo na sa Timog. Karaniwang marinig mula sa isang taga-Timog ang, “Pagpalain ang iyong puso.” Sa unang tingin, ang parirala ay tila napakadiretso. Kung kukunin mo ito nang diretsahan, nangangahulugan itong pinagpapala ka ng nagbati. Ngunit ang pariralang ito ay mayroon pang ibang kahulugan bukod dito.
Halimbawa, kung ang isang kaibigan ay may sakit, maaaring sabihin ng isa, “Pagpalain ang iyong puso” upang ipahayag ang pag-aalala. Katumbas ito ng pagsabing, “Nalulungkot ako sa pinagdadaanan mo.” Sa madaling salita ito ay nagpapahayag ng pakikiramay. Bilang karagdagan, maaari rin itong gamitin sa pagpapasalamat. Kapag binigyan mo ng regalo ang isang taga-Timog, sa halip na “salamat” maaaring makatanggap ka ng mainit na “Pagpalain ang iyong puso.”
Ang parirala ay ginagamit din sa pagpaparamdm ng hiya. Halimbawa kung madapa at matumba ang isang tao, o natapon ang kaniyang pagkain sa damit, maaaring makaramdam ng hiya ang isa para sa kaniyang kaibigan at sabihing, “Pagpalain ang iyong puso,” bilang paraan ng pagpapahayag ng kanilang diskomportableng pakiramdam.
Sa bawat isa sa mga halimbawang ito, ginamit ang parirala sa positibo o mabuting paraan. Ngunit maaari rin itong gamitin bilang paraan ng panlalait. Kung iniisip ng isang taga-Timog na ikaw ay may ginagawang kamangmangan o nakaiirita, maaaring tamaan ka nila ng sarkastikong “Pagpalain ang iyong puso” bilang paraan ng pagsasabing hindi sila sang-ayon. Ito rin ay maaaring gamitin sa pagtatalo. Kapag ginamit sa isang pagtatalo, ang “Pagpalain ang iyong puso,” ay maaaring mangahulugan ng pagmumura sa halip na pagpapala.
Kung hindi ka galing sa Timog, ito ay tila kakaiba, at kailangan mo ng panahon bago mo maunawaan ang ibig sabihin. Ang susi sa pagkaunawa ay napakadali. Maaari mong maunawaan ang kahulugan kung iyong ikukunsidera ang konteksto ng pag-uusap.
May binigay bang regalo? Kung ganuon ito ay pagpapasalamat.
Nasa gitna ng pagtatalo? Kung ganuon ito ay panlalait.
Mayroon bang sakit? Kung ganuon ito ay pakikiramay.
Ang parehong prinsipyo ay ginagamit din sa Kasulatan. Maraming kahulugan ang mga salita at parirala sa Kasulatan. Ito ay may saysay kapag ating kinukunsidera ang lawak ng mga manunulat, mga kultura, lokasyon, paksa at mga mambabasa. Sa kabila ng mga isyung ito, ang pagdetermina ng kahulugan ng isang salita o parirala ay dumadali kapag ating kinunsidera ang konteksto. Ang konteksto ng pasahe ay tumutulong upang madetermina ang kahulugan. Napaalalahanan ako ng prinsipyong ito sa isang nakaraang pag-uusap tungkol sa salitang apoy.
Kapag ang pinag-uusapan ay Kasulatan, madalas isiping ang apoy ay nangangahulugang lawa ng apoy– ang huling hantungan ng mga hindi tumanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Jesus. Natutunan natin ang lawa ng apoy sa Pahayag 20. Ang konteksto ng pasahe ay nagsasabi sa ating ito ay ang huling kahatulan ng lahat ng hindi nasumpungan sa Aklat ng Buhay (v15). Ang mga taong ito ay mga namatay na (vv 12-13) at dinala sa harap ng Dakilang Puting Luklukan. Dahil hindi sila kailan man nanampalatay kay Jesus para sa kaloob ng buhay na walang hanggan, sila ay itatapon sa lawa ng apoy.
Sa pasaheng ito, malinaw na pinakikita ng konteksto na ang apoy ay nakareserba para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit hindi ito ang tanging gamit ng apoy sa Biblia. Halimbawa, sa Juan 21:9, nang ginawan ng Panginoon ng almusal ang mga alagad, sinabihan tayong niluto Niya ang mga pagkain sa ibabaw ng “apoy ng mga uling.” Ang konteksto ay nagsasabi sa ating ito ay isang literal na apoy na ginamit ng Panginoon sa pagluluto ng kanilang isda.
Isa pang halimbawa ng salitang apoy na ginamit sa ibang pamamaraan ay masusumpungan sa 1 Pedro 1:6-7. Sa pasaheng ito, kinakausap ni Apostol Pedro ang mga mananampalatayang (vv 1-2) “pinalulumbay ng iba’t ibang pagsubok (v6)”. Ito ay may ibang konteksto ikumpara sa Pahayag 20, kung saan pinag-uusapan ang kapalaran ng mga hindi mananampalataya sa hinaharap. Sa 1 Pedro, ang mga mambabasa ay mga mananampalatayang humaharap ngayon ng kapighatian. Hindi binabanggit ni Pedro ang kahatulan sa hinaharap kundi ang kasalukuyang pagsubok ng mga mambabasa. Sinabi ni Pedro na ang mga pagsubok na ito ay may gawaing naglilinis sa kanilang mga buhay. Gaya ng apoy na sumusubok sa ginto upang patibayin ito, ganuon din ang mga pagsubok ay nagsasakdal at nagpapagulang ng pananampalataya ng mga mananampalataya. Ang apoy sa kontekstong ito ay nangangahulugang mga pagsubok na kinahaharap ng mga mananampalataya na nagpapagulang sa atin at tumutulong upang lumago tayo. Ang layunin ng apoy na ito ay ang lumikha ng sakdal na pananampalatayang masusumpungang lumuluwalhati, pumupuri at nagbibigay-pugay sa Panginoon. Sa madaling salita ang apoy na ito ay para sa ikabubuti ng mananampalataya.
Isa pang halimbawa ng gamit ng Biblia ng salitang apoy ay masusumpungang sa 1 Corinto 3:15. Ang binabanggit ni APostol Pablo ay ang mga gawang ginagawa ng mga mananampalataya para sa Panginoon (v13). Binabanggit niya ang ang Araw kung saan ang mga gawang ito ay susubukin upang madetermina ang kanilang gantimpala (v14). Ang Araw dito ay tumutukoy sa Luklukan ni Cristo kung saan ang mga mananampalataya ay hahatulan upang madetermina ang kanilang mga gantimpala (2 Cor 5:10). Ito ay iba sa konteksto ng Pahayag 20 at 1 Pedro 1. Sa kontekstong ito ang pinag-uusapan ay mga mananampalataya. Kung ganuon, ang apoy ay hindi maaaring pantukoy sa lawa ng apoy gaya nang sa Pahayag 20, dahil ang mga mananampalataya ay hindi na hahatulan sa harapan ng Dakilang Puting Luklukan (Juan 5:24). Bilang kabalintunaan ng 1 Pedro 1:7- kung saan si Pedro ay tumutukoy ng mga pagsubok sa buhay na ito- sa 1 Corinto 3:13-15, si Apostol Pablo ay tumatalakay ng isang pangyayari sa hinaharap kung saan ang ating mga gawa ay susubukin ng apoy. Sa 1 Corinto, ang apoy ay tumutukoy sa hatol ng Panginoon para sa ating mga gawa upang madetermina ang ating mga gantimpala.
Marami pang paraan kung paano gamitin ng Biblia ang salitang apoy. Ito ay ginamit upang ilarawan ang buhay ng isang mananampalatayang hindi nananahan sa Panginoon (Juan 15:6). Sa LT, ang presensiya ng Panginoon ay madalas ilarawan bilang apoy, gaya ng nagliliyab ng puno o ng haliging apoy na gumabay sa mga Israelita. Ito ay ilan lamang sa kaunting halimbawa.
Isang kamaliang isiping ang apoy ay laging pantukoy sa lawa ng apoy. Kung paanong ang pariralang pagpalain ang iyong puso ay maaaring gamiting pantukoy sa dalawang magkaibang konsepto- parehong pantukoy sa pagpapala at sa sumpa- ang salitang apoy ay maaaring pantukoy sa positibo o negatibong konsepto. Sa ating paglapit sa Kasulatan upang alamin kung ano ang totoo (Gawa 17:11), alalahanin natin ang prinsipyo ng “Pagpalain ang iyong puso” at isipin lagi ang konteksto.