May ilang taong naniniwala na hindi ka maliligtas malibang ikaw ay makumbikta muna ng iyong kasalanan. Itinatanggi nila na ang sinuman ay maaring manampalataya kay Jesus kung wala ang kumbiksiyong ito. Para sa kanila, ang kautusan ay dapat dumating muna bago ang pangangaral ng biyaya- walang eksempsiyon. Kung hindi, ang pananampalataya kay Jesus ay hindi binibilang na totoo.
Hindi ako sang-ayon.
Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay nananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Ang kumbiksiyon ng iyong kasalanan ay isa lamang sa mga ito. Ito ay maganda, ngunit mayroon pang iba.
Sa kaniyang aklat na Existential Reasons for Belief in God, itinataltal ni Clifford Williams, “Karamihan sa mga tao ng pananampalatay ay nakamit ang kanilang pananampalataya dahil sa isang banda, pakiramdam nila tumutugon ito sa tinatawag kong pangangailangang eksistensiyal at sa isang banda, dahil iniisip nila na ito ay may katuturan o ito ay totoo” (p. 17).
Ano ang mga pangangailangan eksistensiyal?
Nagbigay si Williams ng mga halimbawa gaya ng pangangailangan sa “kasiguruhang kosmik,” “isang paghahanap sa langit,”, isang pagnanasa sa “kabutihan,” isang pagnanasa sa “mas malawak na buhay,” o ang mahalin nang walang kapalit (pp. 23-24). Kung iniisip ng isang tao na ang Diyos ay magagawang tugunan ang isa o higit pa sa mga pangangailangang iyan, resonable ang manampalataya sa Kaniya para sa mga ito.
Bilang paglalapat ng kabatiran ni Williams sa pangako ni Jesus ng buhay na walang hanggan- hindi ba maaaring marinig ng isang tao ang pangako at sampalatayahan ito sa iba’ibang dahilan? Narito ang apat na posibilidad.
Una, ang isang tao ay maaaring nakarating sa pananampalataya dahil ramdam niya ang kaniyang kasalanan at guilt at alam niyang ang kamatayan ay darating. Kaya ang pangako ni Jesus ng buhay na walang hanggan ay isang kahanga-hangang kasagutan sa pangangailangang ito.
Pangalawa, marahil ang isang tao ay medaling napaniwala dahil hindi siya nakaranas ng pagmamahal sa mundong ito at nais niyang mahalin nang walang kapalit. Kaya nang ihayag ni Jesus na mahal ng Diyos ang sanlibutan, kabilang na siya, ito ay kasagutan sa kaniyang pagnanasa ng pagmamahal, at siya ay nanampalataya.
Ikatlo, marahil iniisip ng isang tao na ang kaniyang kasalukuyang buhay ay walang halaga, walang narating, at walang katuparan, at nahihirapan siyang paniwalaan na siya ay inilagay lang sa mundong ito para maghirap, mamatay at malimutan, hinahanap niya ang mas mahabang panahon, mas malalim na kahulugan, at mas maiiging hinaharap. At ang pangako ni Jesus na buhay na walang hanggan ay nagbibigay-kahulugan sa mga pagnanasang ito. Kaya sabik siyang marinig ang pangako at sampalatayahan ito.
At pang-apat, naiimagine ko na ang isa ay nakararamdam ng desperasyon at walang katiyakan. Tila wala katiyakan ang buhay. Hindi ang ating kalusugan, trabaho, pananalapi o relasyon. Ang lahat ay bumabagsak o maaaring bumagsak anumang sandali. Kaya nang marinig niya ang pangakong ang mga mananampalataya ay may kasiguruhan magpakailan man at hindi mapapahamak, anumang mangyari, ang pangako ng kasiguruhan ay may tunog na katotohanan, na nagtulak sa kaniya sa pananampalataya kay Cristo.
Nakikita mo ba kung paano ang alin man sa mga dahilang “eksistensiyal” na ito ay maaaring magtulak sa isang tao na manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan? Ang mga ito ay apat lamang na halimbawa. Sigurado akong marami ka pang maiisip. Maaaring gamitin ng Diyos ang lahat ng ito upang dalhin ang isang tao sa pananampalataya kay Cristo.
Oo, mayroon lang nag-iisang mensaheng nakapagliligtas, ngunit maraming dahilan para sampalatayahan ito.