Sa Genesis 19 nabasa natin ang kwento ni Lot at ng pagkawasak ng Sodom at Gomora. Sa pamosong kwentong ito, si Lot, ang kaniyang asawa at ang dalawa nilang anak na babae ay sapilitang pinaalis ng mga anghel sinugo ng Diyos palabas ng kanilang bayan. Binigyan sila ng oportunidad na maligtas mula sa dumarating na paghuhukom sa lunsod. Subalit namatay ang asawa ni Lot nang siya ay lumingon sa lunsod. Matapos ang pagkawasak ng lunsod, si Lot at ang kaniyang mga anak ay nahulog sa kasalanang sekswal na nagresulta sa kapanganakan ng dalawang anak na lalaki. Sa pamamagitan ng mga anak na ito, dalawang masamang bansa ang ipinanganak din, at ang legasiya ni Lot at ng kaniyang pamilya ay nagtapos sa pagkawasak at kamatayan.
Ito ay isang interesanteng pag-aaral para sa mga teologong Reformed. Ang teolohiyang Reformed ay nagtuturong ang mga mananampalataya ay mabubuhay nang matuwid. Sinasabi nilang kung ang isang tao ay “tunay” na ligtas, hindi sila magpapatuloy sa kasalanan kundi magpapatuloy sa mabubuting gawa. Kung tayo ay aasa lamang sa kwento sa Genesis 19, wala tayong ebidensiya sa gawi ni Lot ng anumang matuwid na pamumuhay. Nagdesisyon siyang manirahan sa Sodoma at nang siya ay sinabihang umalis ng lunsod, nakipagtalo siya sa mga anghel. Gusto niya kung saan siya nakatira, at nakiusap sa isang mas maliit ngunit katabing bayan.
Ang sabi ni Ross:
“Ang nakagigilalas sa tema ng pagsaklolo ay ang kanilang paglaban- mas nais nilang huwag nang umalis. Sa puso ng tensiyon ay ang pagiging bahagi nila sa buhay ng Sodoma…” (Allen P. Ross, Creation and Blessing: A Guide to the Study and Exposition of Genesis, p. 355).
Ang konklusyon ng kwentong ito ay hindi maganda. Nalango si Lot at nakisiping sa kaniyang mga anak. Kung ang basehan ng mga mambabasa upang madetermina ang kapanganakang muli ni Lot ay ang kwento ng kaniyang mga gawa, sila ay mag-aakalang siya ay hind mananampalataya. Subalit, ang kapanganakang muli ay hindi nadedetermina ng mga gawa. Bukod diyan, sa 2 Pedro, ang apostol ay may nakakagitlang pahayag tungkol kay Lot, sinasabi niyang sa katotohanan si Lot ay isang matuwid na lalaki (2 Pedro 2:7-8). Base sa pahayag na it, karamihan sa mga teologong Reformed ay napipilitang amining ligtas si Lot.
Si Ross ay may napakatalas na obserbasyon tungkol kay Lot:
Ang tunay na pananampalataya ay madalas mahirap maobserbahan (Ross, Creation and Blessing, p. 357).
Samantalang ang mga teologong Reformed ay handang amining ipinanganak nang muli si Lot, may isa pang tao sa kwento na dapat na higit pagtuunan ng atensiyon. Paano ang asawa ni Lot? Ang Biblia ay walang depinitibong pahayag, gaya ng kay Lot, kung mananampalataya siya o hindi. Marami ang nag-aakalang siya ay hindi mananampalataya dahil siya ay lumingon sa Sodoma. Subalit, gaya ng pinatunayan ng kaniyang asawa, ang kabiguang sumunod ay hindi patunay na siya ay hindi ligtas.
Bukod diyan, sa Lukas 17:32-33, ang Panginoon ay may interesanteng pahayag tungkol sa asawa ni Lot:
“Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa’t ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.”
Sa pasaheng ito, ang Panginoon ay kausap ang mga alagad (v22) at tinatalakay ang mga huling araw. Sa konteksto, binabalaan Niya ang mga mananampalataya sa Tribulasyon ng panganib ng pamumuhay para sa mundong ito kaysa sa mundong darating. Ito ay isang babalang aplikable sa lahat ng mga dispensasyon. Ang BT ay puno ng mga babala tungkol sa distraksiyon ng kasalukuyang mundo (1 Juan 2:15-17; San 4:4). Ang mga mananampalataya ay pwedeng maakit ng mundong ito. Maaari tayong magkaroon ng mga matang magalaw na tumitingin sa kasalukuyan at sa mga walang lamang pangako, kaysa sa Panginoon at sa Kaniyang mga walang hanggang pangako. Ang punto ng Panginoon ay malinaw. Maaari tayong magaya sa asawa ni Lot.
Ito ay isang kakatwang pagkukumpara kung siya ay hindi mananampalataya. Kausap Niya ang mga mananampalataya at binabanggit siya bilang isang halimbawa sa atin. Maaari tayong mahulog sa parehong bitag na kinahulugan ng asawa ni Lot. Salungat sa sinasabi ng mga teologong Reformed, ang mga mananampalataya ay maaaring mahulog. Gaya ng asawa ni Lot, maaari tayong mabuhay para sa pangkasalukuyang mundong ito at pag ginawa natin ito, ito ay magreresulta sa ating pagkawasak at maging pisikal na kamatayan. Ito ang uri ng kaligtasang tinutukoy ng Panginoon sa v33. Ang kapahamakan para sa asawa ni Lot ay hindi eternal na kapahamakan. Ito ay ang pagkawasak ng kaniyang tahanan, pag-aari, at sa huli ay ng kaniyang pisikal na buhay. Kung paanong ang Sodoma ay nawasak, ang mundong ito ay mawawasak din. Bilang mga mananampalataya, kung- gaya ng asawa ni Lot- tayo ay mamuhunan ng lahat na gawa ng ating buhay sa napapahamak na mundong ito, mararanasan natin ang pagkawala ng lahat ng bagay na ating pinahahalagahan.
Marahil binabasa ninyo ito ay iniisip na ang asawa ni Lot ay hindi mananampalataya. May puwang sa talakayan sa puntong ito. Ngunit, ipinanganak man siyang muli o hindi, malinaw na siya ay paalala at babala sa mga mananampalataya. Maaari tayong matulad sa kaniya. Maiwawala natin ang mga benepisyo ng kahariang darating kung mabigo tayong magtiis (2 Tim 2:12). Maaari nating maranasan ang pagkawasak ng ating mga buhay kung tayo ay makasarili at naghahanap ng sariling kapakanan. Maaari rin nating maranasan ang wala sa oras na kamatayan kung tayo ay mabubuhay sa mundong ito sa halip na sa mundong darating. Ang kaniyang halimbawa ay nakalulungkot at seryosong babala sa lahat ng mga mananampalataya. Kung ganuon, makinig tayo sa aral ng Panginoon. Alalahanin ang asawa ni Lot!