Sa isang nakaraang pakikipagkwentuhan sa isang kaibigan, nalaman kong ang mga Satanista ay may isang ritwal kung saan nilalapastangan nila sa publiko ang Diyos bilang bahagi ng kanilang seremonya ng pagsamba. Ginagawa rin nila ito sa social media, hindi lamang upang tuyain ang Panginoon at ang Cristianismo, kundi upang sila ay mapabilang “sa hindi maaaring maligtas.” Tinuruan silang kapag kanilang nilapastangan ang Panginoon, hindi sila kailan man maliligtas mula sa lawa ng apoy. Marami ang ginagawa ito bilang bahagi ng rebelyon nang kanilang kabataan.
Kahit sa loob ng simbahan ay may mga taong ganito rin ang linya ng pag-iisip. Nakumbinse silang ang kanilang paglapastangan sa Panginoon sa kanilang nakalipas ay napakalaking kasalanan at dahil dito hindi sila maaaring maligtas, kahit pa ngayon ay nanampalataya na sila kay Jesus. Ang resulta ay pamumuhay sa takot, walang katiyakan ng kaligtasan dahil minsan nilang nilapastangan ang Panginoon dala ng kanilang kahangalan at kapalaluan ng kabataan. Mabuti na lamang at iba ang kwento ng Biblia. Sa madaling salita, ang buhay na walang hanggan ay inaalok pa rin sa mga mamumusong.
Ayon sa diksiyunaryong Webster, ang mamusong ay nangangahulugang “magsalita sa paraang nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa Diyos o mga banal na bagay.”
Ang pangunahing kahulugan ay pagsalitaan ng masama, o tuyain, o murahin ang Panginoon. Ang Satanista ay isang malinaw na halimbawa ng lumalapastangan sa Panginoon at sa Cristianismo. Subalit, dapat pansining sinuman- mula sa nanunuyang ateista hanggang sa Calvinistang pinagtatawanan ang “mumurahing biyaya”- ay teknikal na masasabing mamumusong. Ang mga mamumusong ay dumarating sa iba’t ibang hugis at laki. Makikita natin ito sa pagpako sa Panginoon. Ang mga sundalong nanakit sa Panginoon ay tiyak na mamumusong (Lukas 22:63-65). Samantalang si Jesus ay nasa krus, nirekord ni Marcos na ang mga dumaraan ay inaalipusta Siya (Marcos 15:29), na iniiling ang kanilang mga ulo at inaalipusta ang Panginoon sa paghamon sa Kaniyang bumaba sa krus. Ang mga punong saserdote ay tinutuya rin ang Panginoon, sa pagsabing yamang niligtas Niya ang marami, iligtas naman Niya ang Kaniyang sarili (Marcos 15:31-32). Ang huling grupo ng mga mamumusong ay ang dalawang tulisan sa Kaniyang tabi, na “minura Siya.” (Marcos 15:32b).
Sa huling halimbawang ito makikita natin ang napakagandang larawan ng biyaya ng ating Panginoon sa mamumusong. Ayon sa Evangelio ni Lukas, samantalang ang unang tulisan ay patuloy sa kaniyang pagtuya sa Panginoon (Lukas 22:39), ang ikalawa ay nagbago ng kaniyang pananaw sa paglipas ng oras. Sa huli, ipinagtanggol niya ang Panginoon at sinaway ang isa pang tulisan (v40-41). Sa huli, sa v42, ang tulisan ay kumiling sa Panginoon at hiniling na alalahanin Niya siya kapag Siya ay pumasok na sa Kaniyang kaharian. Ang Panginoon, puno ng biyaya at katotohanan, ay tumugon sa pakiusap na ito at sinabihan ang dating mamumusong na siya ay makasasama niyang malaon sa paraiso.
Isa pang halimbawa ng dating mamumusong ay ang Apostol Pablo. Sa 1 Tim 1:12-13, nilarawan ng apostol ang kaniyang sarili bago maligtas sa pagsabing:
12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya; 13 Bagaman nang una ako’y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma’y kinahabagan ako, sapagka’t yao’y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya. (may dinagdag na diin).
Kapag ang isyung ito ay pinag-uusapan, marami sa Sangkristiyanuhan ang nagsasabing kapag ang isang tao ay nakarating sa pananampalataya sa huling bahagi ng kaniyang buhay, hindi niya “talaga” nilapastangan ang Panginoon. Subalit, ang pahayag ng Apostol Pablo ay nagpapakita ng kabaligtaran. Inamin niya ang kaniyang mga dating kasalanan, kabilang na ang pamumusong. Dapat ding pansining nilapastangan niya ang Panginoon nang mga araw ng kaniyang pag-uusig sa simbahan (Gawa 26:9-11). Samakatuwid, si Pablo ay hindi lamang mamumusong, siya rin ay nagtulak sa ibang mamusong. Subalit, sa kabila ng listahan ng mga deprabidad na ginawa ni Pablo bago nakarating sa pananampalataya, iprinesenta niya ang kaniyang sarili bilang isang halimbawa ng mga mananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan (v16). Samakatuwid, ang alok ng buhay na walang hanggan ay hindi mapapawalang bisa ng kaniyang kasalanan ng pamumusong.
Ang biyaya ng Panginoon ay para sa lahat, kahit sa isang taong minsang naging Satanista, legalistang Pariseo o mamatay-tao’t magnanakaw. Kahit minsan mong nilapastangan ang Panginoon, maaari ka pa rin, sa Kaniyang awa, makarating sa pananampalataya at tumanggap ng kaloob ng buhay na walang hanggan.