“Kung kailan inakala kong nakalabas na ako, hinila nila akong pabalik!”
Alam na natin ang gasgas na linyang ito sa mga pelikula. Pagkatapos ng buhay ng krimen, sinubukan ng bida na iwanan ang lahat at mabuhay nang legal, upang muli lamang higupin sa isang “huling trabaho”- isa na lang na pagnanakaw sa bangko, pagtumba o pagbenta ng droga. Tumanggi ang bida ngunit ang kaniyang dating mga kasamahan ay ipinipilit na “utang” niya ito sa kanila. Kung kaya ang bida ay muling nahila pabalik sa kaniyang lumang pamumuhay.
Ang parehong dinamiko ay nakikita sa buhay Kristiyano.
Pagkatapos na manampalataya kay Jesus, sinubukan mong maging lehitimo at mamuhay nang tapat at matuwid na buhay upang lamang ang iyong lumang mga kasalanan ay dumating na kumakatok sa iyong pintuan, nakikiusap na gawin ang isang “huling trabaho.”
Ano ang masasabi ni Pablo dito?
Sasabihin niyang wala kang utang kahit na ano sa iyong lumang pamumuhay. Hindi ba’t ikaw ay namatay na?
Bilang bahagi ng iyong kaligtasan, ikaw ay nakiisa kay Kristo, nilublob sa Kaniya, at samakatuwid ay nilublob sa Kaniyang kamatayan. Ang iyong lumang pamumuhay ay wala nang lehitimong pang-aangkin sa iyo. Wala na kahit ano. Maaari ka nang maging lehitimo. Paano? Ipinaliwanag ni Pablo:
Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paano si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay (Roma 6:4).
Namatay si Jesus- ngunit hindi Siya nanatiling patay. Siya ay “nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama.” Iyan ay mabuting balita para kay Jesus, pagpapaliwanag ni Pablo, ang kaluwalhatian ng Ama ay may mga implikasyon din para sa Kristiyanong pamumuhay- ngayon, maaari ka nang lumakad sa panibagong buhay. Gaya nang sabi ni Hodges, “Samakatuwid, ang kaluwalhatian ng Ama ay ipinakilala bilang dinamikong kapangyarihan sa likod ng bagong pamumuhay ng Kristiyano sa sanlibutang ito” (Hodges, Roman, p. 168).
Ang katotohanang si Jesus ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama ay may mga implikasyon para sa mananampalataya. Sa pakikiisa kay Kristo- sa pamamagitan ng paglublob sa iyo sa Kaniya- ang layunin ng Diyos ay hindi lamang ang bigyan ka ng bagong posisyon kay Kristo, kundi bigyan ka ng bagong potensyal sa pamumuhay.
“Gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.” Ang paglakad ay larawan ng pamumuhay. Bilang isang mananampalataya, maaari ka nang makinabang sa kapangyarihan at impluwensiya ng pagkabuhay na maguli ni Kristo, kahit pa ang iyong literal na pagkabuhay maguli ay nasa hinaharap pa (cf. Moo, Romans, p. 367). Ang pagkalublob mo kay Kristo ay parehong nagwasak sa kapangyarihan ng kasalanan sa iyon at nagbigay ng kapangyarihan na lumakad sa panibagong buhay.
Kapag ang iyong lumang pamumuhay ay sumubok na hilahin ka pabalik para sa isang huling trabaho, alalahanin mo na ikaw ay hinila ni Kristo palabas at pinalaya ka.