Ang nag-iisa at tanging kundisyon upang maligtas magpakailan pa man ay ang manampalataya. Ang manampalataya ay ang makumbinse na ang isang bagay ay totoo (tingnan dito). Kung nananampalataya kang ang nagliligtas na mensahe ay totoo, ikaw ay ligtas. Wala nang natitira para sa iyong gagawin. “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, siyang nananampalataya sa Akin ay may buhay na walang hanggan,” sabi ni Jesus (Juan 6:47).
Bagama’t ang nag-iisang kundisyon ng kaligtasan ay ang manampalataya, gaya ng ibang mahuhusay na manunulat, ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay gumagamit ng mga metapora, mga ilustrasyon at mga kasinkahulugan para sa pananampalataya. Ngunit hindi ito nangangahulugang ang mga ito ay karagdagang kundisyon sa kaligtasan. Halimbawa, sinulat ni Juan:
Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, samakatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan (Juan 1:12).
Ginagamit ni Juan ang “pagtanggap” bilang metapora sa pananampalataya. Ang pananampalataya kay Jesus ay gaya ng pagtanggap sa isang tao. Ngunit hindi pinapakahulugan ni Juan na kailangan mong gawin ang dalawang bagay para maligtas: manampalataya at tumanggap.
Subalit, minsan nangyayaring ang mga makabagong ebanghelista ay kinukuha ang mga metapora, ilustrasyon at kasinkahulugang mga ito ay ginagawang karagdagang kundisyon sa kaligtasan. Ang paraan nila ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay tila nagtuturo na kailangan mong manampalataya at gumawa ng maraming bagay. Kapag nangyari ito, lumalabo o nawawala ang nakaliligtas na mensahe.
Halimbawa, narito ang sipi mula sa isang aklat tungkol sa nagliligtas na layunin ng Diyos. Ang mga siping ito ay mula sa iisang pahina sa aklat:
“Ang ebanghelyo ay ang katotohanang ang sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon (sa pamamagitan ng paghahanap sa Kaniya sa pananampalataya) ay maliligtas…
“Walang sinuman ang naligtas labas sa ebanghelyo, dahil “ito ang kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan sa lahat ng nanampalataya” (Roma 1:16-17). Ang ebanghelyo ay nananawagan sa lahat na magsisi at magtiwala sa Panginoon para sa kaligtasan…
“Ang sinumang nagsisi at nagtiwala sa Panginoon para sa kanilang kaligtasan at tumawag sa Kaniyang pangalan sa panananampalataya ay pinatawad at ibinilang sa kaniya ang katuwiran, yamang sila ay naitalaga sa Anak…
“Ang kaligtasan ay dumarating sa pakikinig at pagtitiwala sa ebanghelyo, ang mabuting balita ng kabaitan ng Diyos at Kaniyang probisyon…”
Narito ang mga kundisyon ng kaligtasan na ipinakita bilang kailangan sa kaligtasan:
- Pagtawag
- Pananampalataya
- Paniniwala
- Pagsisisi
- Pagtitiwala
- Pakikinig
Marahil, iniisip ng may-akda na ang mga salitang gaya ng pagtitiwala at pagsisisi ay mga kasinkahulugan ng pananampalataya at ang “pagtawag sa Panginoon” ay metapora sa pananampalataya. Marahil nanghahawak siya na ang tanging kundisyon sa kaligtasan ay manampalatya. Kung ganuon, ito ba ang pinapakita ng kaniyang paghahayag? Ang kaniya bang ebanghelismo nagpapahayag ng mensahe sa pananampalataya lamang?
Hindi.
Isipin mo ang isang hindi mananampalatayang nakarinig ng ebanghelistikong mensaheng ito. Magiging malinaw ba sa iyo kung ano ang dapat na gawin upang maligtas? O sa tingin mo bahagyang nakalilito?
Sa tingin ko maraming tao ang malilito.
Sa tingin ko ang magiging konklusyon nila ay hindi sapat ang manampalataya lamang. Ang taong nakarinig ng mensaheng ito ay iisiping kailangan niyang manampalataya para maligtas, ngunit ang pananampalataya lamang ay hindi sapat- kailangan ding magtiwala, magsisi, at tumawag sa Panginoon.
Walang ebanghelista na nagnanais na maging malabo. Kaya ito ang pangkalahatang mensahe: iwasan ang mga metapora, kasinkahulugan o mga ilustrasyon sa pananampalataya na tila ba ang mga ito ay karagdagang kundisyon sa kaligtasan.
Gumamit ka ng ibang mga salita para ipaliwanag o isalarawan ang kahulugan ng pananampalataya. Ngunit kailangan mong linawin na hindi ka nagbibigay ng dalawa o higit pang kundisyon sa kaligtasan kundi nagpapaliwanag lamang ng iisang kundisyon. At kung may pag-aalinlangan, huwag kang gumamit ng metapora, mga kasinkahulugan o ilustrasyon.