Minsan may nakita akong larawan ng dalawang kuneho na nakatayo sa tabi ng kanilang mga tanim na karot. Sa tabi ng kuneho sa kaliwa ay isang mapusyaw ang pagkaberdeng supling na tumubo sa lupa. Ito ay halos tangkay lamang, ni hindi nga umabot sa tainga ng kuneho. Malungkot siya. Sa kabilang banda, ang kuneho sa kanan ay may malaking supling. Sa tabi ng may-ari, ito ay tila puno, na natatakpan ang kaniyang ulo at nagbibigay sa nagmamapuring kuneho ng lilim.
Subalit, alam ng tumitingin sa larawan, na hindi alam ng mga kuneho, ang nasa ilalim ng lupa. Ang maliit na supling ay nakakabit sa isang karot na halos limang beses ang laki sa nagmamay-aring kuneho, samantalang ang malaking karot ay nakakabit sa napakaliit na karot, halos isang guhit lamang. Ang kahulugan ay malinaw: huwag hatulan ang gawa hangga’t hindi naaani ang tanim, dahil ang anyo ay nakakalinlang. Gaya ng kasabihan, “Huwag hatulan ang libro nang dahil sa kaniyang pabalat,” ang mga kunehong magsasaka ay hindi dapat hatulan ang kanilang mga tanim nang dahil sa supling.
Bagama’t ito ay nakaaaliw na larawan, ang imaheng ito ay nagpapaalala ng mga salita mula sa Isaias 49. Sa kabanatang ito, nakita ng propeta ang pagdating ng Lingkod, si Jesucristo. Ang Lingkod na ito ang tutupad sa layon ng bansang Israel (v3), magliligtas sa bansa, at magiging liwanag sa mga Gentil (v6). Subalit, nagbabanggit din si Isaias ng pagtakwil sa Lingkod na ito. ang darating na Lingkod ay magsasapo, itatakwil, kakamuhian at sa huli ay papatayin ng Kaniyang bayan.
Sa liwanag ng pagtakwil na ito, ang Lingkod ay humiyaw sa 49:4a, na nagsasabing,
Nguni’t aking sinabi, “Ako’y gumawang walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan…”
Nagdadalamhati ang Lingkod dahil, sa unang tingin, ang Kaniyang gawa ay tila walang kabuluhan. Ang Kaniyang gawa para sa bansa ay walang nakikitang halaga, sapagkat itatakwil Siya nito (53:3-12, Juan 1:11). Gaya ng kuneho sa kaliwang ang maliit na supling ay nagpahina ng kaniyang loob, ang gawain ng Panginoon ay tila walang kabuluhan. Ngunit, hindi tinapos ng Nagbabatang Lingkod ang Kaniyang paghiyaw sa notang ito ngunit nagpatuloy, na nagsasabing,
“Gayon ma’y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios (may dagdag na diin).” Is 49:4b
Sa kabila ng panlabas na anyo, ang Panginoon ay kumpiyansado sa isang mabungang pananim. Tiwala Siyang ang Kaniyang tunay na kahatulan o tamang gantimpala ay mula sa Ama, sapagkat ang Kaniyang gawa ay ginawa para sa Panginoon. Kalaunan, sa kabanata 50, gumawa Siya ng kahalintulad na pangungusap, na nagsasabing:
“Sapagka’t tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya’t hindi ako nalito: kaya’t inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya” (IS 50:7)
Ito ay nakakagulat na pahayag sa liwanag ng lahat ng pagdaraanan ng Panginoon. Ang Anak ay nagtitiwala sa Ama at nakasisiguro sa Kaniyang kaligtasan at bindikasyon. Samantalang ang Panginoon ay nagsapupo ng kahihiyan ng Krus, alam Niyang hindi hahayaan ng Amang manatili ang kahihiyan. Gagantimpalaan Siya sa Kaniyang pagpapagal, una sa Resureksiyon, at sa huli sa Kaniyang Ikalawang Pagbabalik, kapag Kaniyang hinatulan ang sanlibutan at maghari sa buong eternidad.
Nagkomento si Constable sa Is 49:4:
Nang mamatay si Jesucristo, tila napakaunti ng Kaniyang nagawa. Maraming tao ang tinitingnan ang Kaniyang buhay bilang kasayangan… Subalit, ang trabaho ng Lingkod ay pasiyahin ang Ama, hindi ang mga tao. Ang katarungan ng Tao ay nagbigay sa Mesiyas ng Krus, ngunit ang katarungan ng Diyos ang nagbigay sa Kaniya ng korona. Ang Lingkod ay ititiwala ang Kaniyang gawa sa Diyos at magtitiwala sa Kaniyang para sa matuwid na kagantihan.” (D. L. Constable, “Isaiah 49,” Lumina).
Ang katiyakan ng Tagapagligtas sa katapatan at katarungan ng Kaniyang Ama ay isang malalim na halimbawa para sa mga mananampalataya ngayon. Ang awtor ng Hebreo ay nagsasabi sa ating tumingin, bilang ating halimbawa, sa Panginoon, na nagtiis ng kahihiyan ng krus para sa kasiyahang nilagay sa Kaniyang harapan (Heb 12:1-3). Alam ng Panginoong ang Kaniyang pagbabata ay magreresulta sa korona, at na Siya ay uupo sa kanang luklukan ng Diyos. Habang pinagninilayan ng mga tapat na mananampalataya ang kanilang gawa at pagbabata, dapat nilang alalahaning sila rin ay binigyan ng pangako ng gantimpala at bindikasyon sa tapat na pagtupad ng mga gawa.
Ngunit madaling panghinaan ng loob at mapagod, na iniisip na ang lahat ay ginawa sa walang kabuluhan (Heb 12:3, Gal 6:9). Tinatakwil ng mga tao ang mensahe ng biyaya. Marahil mahabang taon ng ministri ang nadurog sa pagpasok ng kasalanan at eresiya. Karamihan ng mga gawa para sa Panginoon ay tila supling ng kuneho sa kaliwa, isang napakanipis na tangkay. Subalit, gaya ng ating Tagapagligtas sa ating unahan, maaari rin tayong magkaroon ng kumpiyansa sa ating Ama. Anumang ginawa para sa Kaniya ay may eternal na halaga (Rom 8:18, 31-39; Heb 11:35-40).
Sa mga salita ng isang manunulat ng himno:
When darkness seems to hide His face, (Kapag ang kadiliman ay tila nagtatago ng Kaniyang mukha,)
I rest on His unchanging grace; (Ako ay nagpapahinga sa Kaniyang hindi nagbabagong biyaya;)
In every high and stormy gale, (Sa bawat naglalakihan at nag-aalimpuyong alon,)
My anchor holds within the veil. (Ang aking sinepete ay sa loob ng tabing nakabaon.)
(Edward More, “My Hope Is Built on Nothing Less”)

