Ang mga atake laban sa nagliligtas na mensahe ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus ay hindi nab ago. Halimbawa, simula sa Gawa 15, ang mga mananampalataya at hindi mananampalatayang Judio ay parehong sinubukang idagdag ang mga gawa sa nagliligtas na mensahe sa pagsasabing ang mga Gentile ay dapat tuliin. Ngayon, ang distorsiyon ng biyaya ay nagpapatuloy. Isang sikat na teolohiya, ang Calvinismo, ay sinisikap na tingnan ang mga “patunay” ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Tinuturo nitong ang mga mananampalatayang tumalikod ay hindi ligtas sa pasimula pa lamang. Ang isa pang teolohiya, ang Arminianismo, ay nagtuturong ang mga gawa ay kailangna upang mapanatili ang buhay na walang hanggan, at ang mga mananampalatayang tumalikod ay naiwala ito. Ang parehong kampo ay pinipilipit ang nagliligtas na mensahe sa pagdadagdag ng mga gawa bilang kinakailangang parte ng walang hanggang kaligtasan. Ang nakalulungkot ay parehong minamaliit ng dalawa ang malinaw na mensahe ng Kasulatan na ang lahat ng nanampalataya lamang kay Jesus para sa buhay na walang hanggan ay taglay ito at hindi maiwawala ito, kahit kalaunan ay tumalikod sila.
Gaya nang nasabi na, ito ay hindi bagong digmaan. Ang digmaan ay nagpapatuloy pa rin sa ating panahon. Subalit, ang digmaan ay nagbabago, at mga bagong metodo ang dinebelop na pumipilipit sa mensahe ng biyaya. Ang digmaan ay mas lalong tumitindi. Ang mga atake na hinaharap ng Simbahan ngayon ay bago. Sa panahong post-moderno kung saan ang mga obhetibong katotohanan ay winawalang halaga, ang katiyakan ng kaligtasan ay nakikita bilang hindi kailangan o minsan ay makasalanan, at ang karanasan ay ginagawang arbitrador sa mga bagay teolohikal.
Isang halimbawa ng mga bagong atakeng ito ay masusumpungan sa nagbabagong lenggwaheng ginagamit upang ilarawan ang nagliligtas na mensahe. Sa halip na tumingin kay Jesus at sa Kaniyang pangako ng buhay na walang hanggan, marami na ngayon ang nag-aangking ang pananampalataya sa “pagkakilanlan o identidad” ng Panginoon ang nagliligtas na mensahe. Sa unang tingin, tila okay lang ito. Siyempre, sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Jesus maliligtas ang isang hindi mananampalataya. Subalit, ano ang dapat malaman ng hindi mananampalataya tungko kay Cristo? Kung sasabihin ng evangelista sa hindi mananampalataya na kailangan niyang manampalataya sa Kaniyang “identidad”, ano ang ibig sabihin nito sa hindi mananampalataya? Ang sagot ay simple pero katastropiko: Ito ay nangangahulugan ng kung anuman ang gusto nilang ipakahulugan dito. Sa ilan, Siya ang Hari. Sa iba, Siya ang Kordero ng Diyos. Siya rin ang ating Punong Saserdote. Siya ay propeta. Siya ay Diyos. Siya ang Prinsepe ng Kapayapaan, at marami pang iba. Isang babae ang aking nakausap sa eroplano ang nagsabi sa aking si Jesus ay “anyo ng Diyos” na kaniyang kinikilala dahil siya ay pinalaking Cristiano, ngunit sa iba, Siya ay maaaring ibang anyo ng pagka-diyos ayon sa kanilang karanasan.
Ang pluralistikong pananaw na ito ay sumasalamin sa nakikita natin sa labas ng Simbahan. Halimbawa, ang mga tao ngayon ay nagpapakilalang “non-binary”, na nangangahulugang ang kanilang kasarian ay nasa isang espektrum. Ang kanilang pagkakakilanlang kasarian ay fluid. Isa pang halimbawa ay makikita sa isang protesta kamakailan nang tanungin ng isang reporter ang grupo ng mga nagpoprotesta kung ano ang kanilang pinaglalaban. Wala silang ideya. Bagama’t kinikilala at nakikibahagi sila sa protesta, hindi nila alam kung anong mensahe ang kanilang pinaglalaban. Ang mga halimbawang ito ay nagpapakita ng panganib ng pagtuturo sa mga hindi mananampalataya sa “pagkakakilanlan” ng Panginoon bilang nagliligtas na mensahe. Una, marami ang iniisip na ang pagkakakilanlan ni Cristo ay fluid. Ikalawa, marami ang naniniwala sa “pagkakakilanlan” ng Panginoon ngunit hindi alam ang Kaniyang mensahe patungkol sa buhay na walang hanggan. Ang mga Catoliko, ang mga Mormons, ang mga Calvinista, at ang babae sa eroplano ay naniniwalang lahat sa isang uri ng pagka-diyos bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng Panginoon. Gaya ng mga nagpoprotesta, maraming naniniwala sa isang anyo ng “identidad” ng Panginoon, ayon sa kanilang depinisyon, ngunit hindi nanampalataya sa mensahe ng buhay na walang hanggan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Habang ang ating mundo ay patuloy na sinisira ang obhetibong katotohanan, hindi nakapagtatakang ang nagliligtas na mensahe ay napakalabo na hindi na ito makilala. Kung sasabihin natin sa mga hindi mananampalataya na manampalataya sa identidad ng Panginoon, binigyan natin sila ng kulang na mensahe ng evangelio. Ang nagliligatas na mensahe ay nagiging anumang gusto ng hind mananampalataya at ito ay sumasalungat sa mga turo ng Panginoon (Juan 3:16; Mat 7:13-14). Ang nakalulungkot, nakikita natin ang pagkilos sa isang malabong mensahe sa simbahan ngayon, at ang hindi ligtas ay nananatiling hindi ligtas.
Sa kabaligtaran, ang Evangelio ni Juan ay paulit-ulit na pinapakita si Jesus bilang Tagapagbigay ng buhay na walang hanggan (Juan 1:12; 3:16; 4:10, 14; 5:24; 6:40, 47; 11:25-27). Sa katotohanan, ang Juan ay madalas banggitin bilang evangelio ng buhay, dahil sa diin nito sa kaloob ng buhay na walang hanggan at masusumpungan ito sa buong aklat. Ang alisin ang buhay na walang hanggan sa Evangelio ni Juan ay ang gupitin ang aklat sa kalahati; inaalis nito ang kalahati ng nagliligtas na mensahe. Ang Evangelio ni Juan ay sinulat upang sabihin sa mga hindi mananampalataya kung paano sila maliligtas (Juan 20:30-31). Ang mensahe ni Juan ay malinaw. Dapat nating ituro ang mga tao kay Jesus bilang Tagapagbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nanampalataya sa Kaniya para rito.
Ang nagliligtas na mensahe ay inaatake ngayon, nasa porma man ng pagdaragdag ng mga gawa gaya ng mga Calvinista at mga Arminiano, o sa malabong lenggwahe ng ating post-modernong mundo. Ayaw ni Satanas na malaman ng mga hindi mananampalataya kung ano ang kaloob ng buhay na walang hanggan. Ngayon, nagdaragdag siya ng mga tila okey na mga termino upang alisin ang kaloob sa mismong mensahe. Gusto niyang manatiling lito ang mga hindi mananampalataya. Habang nagpapatuloy ang Simbahan sa paglaban sa mga atake sa nagliligtas na mensahe, manatili sana tayong matapang na tagapagpahayag ng Tagapagbigay at ng regalo.