Nang magkagayo’y kaniyang sinabi sa kanila, Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis; at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagka’t ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong mangamanglaw; sapagka’t ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan. (Neh 8:10).
Daan-daang tao na ang aking nakausap na pinahihirapan ng kanilang pagdududa sa kanilang kaligtasan. “Ligtas ba talaga ako? Hindi ko alam! Naglalakad ako na iniisip na ako ay ligtas, tapos maya-maya iniisip ko na marahil ako ay pupunta sa impiyerno.”
Habang sila ay puno ng kabagaban at kalumbayan, sila ay walang taglay na kagalakan. At hindi nakapagtataka! Ano ba ang silbi kung lahat ay maayos sa iyong buhay, kung hindi ka naman nakatitiyak kung saan mo gugugulin ang iyong eternidad?
Ngunit sa sandaling maunawaan nila ang kapayakan at kabiyayaan ng kaligtasan- na ang payak na pananampalataya kay Jesus para sa libreng regalo ng buhay na walang hanggan ang tanging hinihingi upang maligtas kailan pa man (cf. Juan 3:16; Ef 2:8-9)- tila baga nawalan ng bigat ang kanilang mga dibdib at sila ay napuno ng kagalakan.
Ang kagalakan ay maaari ring maging bahagin ng iyong buhay Kristiyano sapagkat ito ay bunga ng Banal na Espiritu:
Datapuwa’t ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat (Gal 5:22).
At ang kagalakan ay dapat maglarawan ng iyong pagsamba:
Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo! (Fil 4:4).
Sa kabuuan, ang kagalakan ay dapat maging bahagi ng buhay ng bawat mananampalataya- dahil tayo ay may taglay na kaligtasang walang hanggan at dahil tayo ay nasisiyahan sa ating nagpapatuloy na pakikisama sa Diyos.
Subalit, maaaring maiwala ng isang mananampalataya ang kaniyang kagalakan.
Paano?
Kung ang isang ligtas ng mananampalataya ay sinasadya, may kabatiran at patuloy na nagkakasala laban sa Diyos, maaari niyang patayin ang ningas ng Espiritu (cf. 1 Tes 5:19) at dahil dito maiwala ang kanyang kagalakan.
Naaalala ninyo si Haring David?
Ang munting David ay puno ng pananampalataya, isang lalaking ayon sa puso ng Diyos, at nakasumpong ng biyaya sa harapan ng Diyos. Ngunit pagkatapos ng kaniyang relasyon kay Bathseba, at ang kaniyang bahagi sa kamatayan ni Uriah, (cf. 2 Sam 12:1-13), naiwala ni David ang kaniyang kagalakan. Nanatili siya sa ganiyang mahirap na kalagayan hanggan sa ang propetang si Nathan ay kinompronta siya at dinala siya sa pagsisisi. Ang Awit 51 ang kaniyang kapahayagan ng kaniyang kasalanan. Pansin ang kaniyang kahilingan:
Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu (Awit 51:12).
Nais ni David na mabawi ang kaniyang kagalakan.
Si J. Vernon McGee ay may mahalagang paglilinaw:
Hindi nawala kay David ang kaniyang kaligtasan. Nawala niya ang kagalakan ng kaniyang kaligtasan, at nais niyang maibalik ang kaniyang pakikisama sa Diyos. Nasumpungan niya, gaya ng pagkasumpong ng alibughang anak, na walang kasiyahan sa malayong lupain na tutumbas sa kasiyahan sa tahanan ng Ama (McGee, Thru the Bible: Joshua Through Psalms, p. 766).
Kung ikaw ay may buhay na walang hanggan, hindi ka mapapahamak, hindi ka hahatulan, at hindi ka mamamatay (cf. Juan 3:16, 18; 11:26). Ibig sabihin, hindi mawawala ang iyong kaligtasan. Subalit, ang ligtas na mananampalataya ay maaaring mawala ang kaniyang kagalakan ng kaligtasan, gaya ni David. Dahil sa kasalanan, maaari kang makaranas ng espiritwal na kalumbayan, guilt, galit, kalungkutan, pagkasuya at kabagabagan. Ganiyan ang nangyari kay David. Ngunit pagkatapos siyang harapin ni Nathan, natauhan si David. Kinilala niya ang kaniyang kasalanan, tinaghuyan ang kaniyang kaawang awang espiritwal na kalagayan at nais niyang mabawi ang kaniyang kagalakan. Ngunit iyan ay darating lamang kung kaniyang ipahahayag ang kaniyang kasalanan.
Salamat na lang at ang pagbalik ng pakikisama sa Diyos ay kasin-biyaya ng regalo ng buhay na walang hanggan. Gaya ng paliwanag ni Merrill Unger,
“Ang daan sa paglilinis at pakikisama ng isang mananampalataya ay laging sa buo at malayang pagpapahayag ng kaniyang kasalanan, na may buong pagtitiwala (ie. pananampalataya) sa biyaya at kaawaan ng Diyos. Ang mananampalatayang ligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay iniingatan sa pakikisama sa parehong pamamaraan- sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya” (Unger, Commentary on the Old Testament, pp 819-20).
Kung ikaw ay isang mananampalataya na naiwala ang kagalakan ng dahil sa kasalanan, huwag kang gumaya kay David na naghintay pa na may mamagitan. Lumapit ka na sa Panginoon, ipahayag ang iyong kasalanan, manampalataya sa Kaniyang pangakong kapatawaran at may kagalakang umawit ng papuri sa Diyos.