Kamakailan, sa isang podcast narinig ko ang isang mangangaral na ang pangalan ni Saulo ng Tarso ay binago sa Pablo matapos niyang makumberte. Nilarawan niya ang mga mahimalang transpormasyon sa buhay ni Pablo, at sinasabing dahil sa transpormasyong ito ay nakatanggap ang apostol ng bagong pangalan mula sa Panginoon. Nagpatuloy ang mangangaral sa pagkabit ng kaligtasang sa mga panlabas na pagbabago sa gawi. Ang panlabas na patunay ay nakikita bilang kailangang patunay sa panloob na kapanganakan. Ang ilan ay binabago ang kanilang pangalan matapos maligtas upang ipakita ang pagbabagong ito.
Ang pananaw na ito ay isang matagal nang misinterpretasyon sa iglesia ngayon, na sa kasamaang-palad ay pinakakalat ng mga guro ng Biblia kagaya ng podcaster na ito. Sa katotohanan, ang pagbabago ng pangalan ni Pablo ay hindi milagroso. Sa katotohanan, walang pagbabago. Sigurado akong marami sa mambabasa ng blog na ito ay alam nang ang Saulo ay kaniyang pangalang Hebreo samantalang ang Pablo ay ang kaniyang pangalang Latino o Romano. Siya ay tatawagin sa parehong pangalan, bago at matapos na maligtas. Dapat ding pansining ang pag-aangking binigyan siya ng Diyos ng bagong pangalang ito ay isang ganap na piksiyon. Kailan man hindi sinabi ng Biblia na ang Panginoon ay nagbigay ng bagong pangalan sa isang apostol.
Subalit, ang pagkakamaling ito ay laganap at humuhugis kung paano nakikita ng ilan ang paggamit ng pangalan sa Biblia, na madalas gamitin bilang patunay ng kaligtasan. Ang pananampalataya ay tinuturing na hindi sapat na katunayan ng kaligtasan. Dahil sa maling pagkaunawang ito, maraming pasahe ang hindi naiinterpreta at nagagamit nang maayos.
Halimbawa, ang maling pagkaunawang ito ay madalas gamitin sa isang pasahe tungkol sa patriarkang Jacob. Sa Genesis 32, si Jacob ay nakipagbuno sa Anghel ng Panginoon, na walang iba kundi si Cristo bago Siya nagkatawang-tao. Pinagpala si Jacob at siya’y tumanggap ng bagong pangalan, Israel. Ang pagkikitang ito ay madalas makita bilang kaligtasan ng patriarka. Sinasabi ng mga gurong Lordship na ang pakikipagbuno ni Jacob at ang kaniyang ganap na pagsuko sa wakas ay indikasyon ng kaniyang “pagsuko” sa pagka-Panginoon ni Cristo, na kailangan upang kaniyang matamo ang walang hanggang kaligtasan. Ang pagbabago ng kaniyang pangalan ay nakikita bilang panlabas na patunay ng panloob na transpormasyon ng kaniyang espirituwal na kapanganakan.
Maraming problema sa interpretasyong ito, at ang pangunahing problema ay ang kaligtasan ay sa pananampalataya lamang at hind isa pagsuko sa Panginoon o pakikipagbuno sa Kaniya. Ito ay interpretasyong nakasalig sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa at kung ganuon ay dapat itakwil. Sa katotohanan ang pasaheng ito ay patungkol sa sanktipikasyon ni Jacob. Kamakailan ay sumulat si Bob Wilkin tungkol sa isyung ito sa isang blog na mababasa ninyo rito.
Patungkol sa pagbabago ng pangalan, ang bagong pangalang ito ay ginamit upang kilalanin ang angkan ng patriarka at samakatuwid ay may mas malawak at korporadong diin patungkol sa piniling bayan ng
Panginoon. Ito ay sinusuportahan ng isa pang pagbabago ng pangalan na naganap sa aklat ng Genesis. Natanggap ni Abram ang isang bagong pangalan sa Genesis 17:5, 15. Si Abraham ay hinayag na matuwid sa Genesis 15 ngunit hindi niya natanggap ang bagong pangalan kundi maraming taon matapos nito. Malinaw na ang pagbabago ng pangalan ni Abraham ay hindi indikasyon ng kaniyang kapanganakang muli. Ang pagpapalit ng pangalan ay signipikante bilang tanda ng tipang ginawa ng Diyos kay Abraham. Ang pangalang Abraham ay nangangahulugang “ama ng marami,” at pahiwatig ng tiyak na pangako ng Panginoon. Si Abraham ay magkakaroon ng tagapagmana at sa pamamagitan ng tagapagmanang ito, isang bansa ang ipanganganak. Ang pareho ay masasabi kay Jacob, dahil ang bansa ay tatawaging Israel. Dapat panisining ang dalawang pangalan- Jacob at Israel– ay ginagamit nang salitan para sa patriarka matapos ang Genesis 32.
Kung ang pagbabago ng pangalan ay indikasyon ng kapanganakang muli ng isang tao, aasahan nating minsan man ay hindi na siya muling tatawagin ng Panginoon bilang Jacob. Subalit, ang Panginoon ay tinawag si Jacob sa pangalang iyan nang maraming ulit. Halimbawa, tinukoy siya ng Panginoon sa ganitong pangalan sa nasusunog na puno (Ex 3:14-16), ilang siglo matapos nang pakikipagbuno ni Jacob sa Panginoon sa Peniel. Ito ay ginamit din sa BT (Mat 22:31-32) at sa buong LT. Sa mga halimbawa ni Abraham at Jacob, ang kanilang mga bagong pangalan ay indikatibo ng kanilang gampanin bilang mga patriarka ng bansa at ng kanilang mga tipan sa Panginoon. Parehong hindi tumutukoy ang dalawa sa kanilang kapanganakang muli.
Sa unang sulyap, tila ito ay napakasimpleng isyu. Totoo, ang mga mananampalataya ay nabago sa sandali ng kaligtasan, sa kanilang kapanganakang muli sa pamilya ng Diyos. Ang bagong pangalan ay maaaring isang paraan upang isalamin ang estadong ito. Subalit, kung ang mga estudyante ng Biblia ay iaakibat ang bagong pangalan sa patunay ng kapanganakang muli, ito ay maaaring magresulta sa misinterpretasyon ng nagliligtas na mensahe. Si Jacob ay hindi naligtas dahil siya ay nakipagbuno sa Panginoon, sinuko ang kaniyang buhay o tumanggap ng bagong pangalan. Siya ay naligtas sa parehong paraang naligtas ang kaniyang lolo, sa pamamagitan ng pananampalataya lamang sa darating na Mesiyas para sa buhay na walang hanggan (Gen 15:6; Roma 4:1-4).