Sa Lukas 16:19-31, ang Panginoon ay may kinuwentong isang nakahahalinang kwento tungkol sa isang mayamang lalaki at isang pulubing nagngangalang Lazaro. Sinimulan Niya ang kwento sa grapikong paglalarawan sa dalawa. Ang mayaman ay nakasuot ng lilang lino, kumakain nang masagana at namumuhay sa karangyaan. Samantala ang sakiting pulubi ay nakaupo sa labas ng pintuan ng mayaman, nagugutom, nagnanais na makakain ng tira-tirang pagkain mula sa hapag ng mayamang lalaki. Ang masaklap pa, si Lazaro ay binibisita ng mga aso- na tinuturing na maruming hayop sa kultura ng mga Judio ng panahong iyon- at bilang karagdagang insulto, dinidilaan nila ang mga sugat ng pulubi, na walang duda ay naging sanhi ng karagdagang impeksiyon at marahil ay karamdaman.
Ang dalawa ay parehong namatay. Ang hindi mananampalatayang mayaman ay pumunta sa lugar ng paghihirap sa Sheol, samantalang si Lazaro, isang mananampalataya ay nakasama ni Abraham sa ibang bahagi ng Sheol. Maraming kakaibang aspeto sa pasaheng ito. Makikita nating bago ang krus, ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya ay parehong tumutungo sa Sheol. Para sa karagadagang kaalaman sa paksang ito, silipin ang blog insert html here na ito ni Bob Wilkin.
Subalit, may isang sekondaryong isyu na karapat-dapat talakayin. Sa v22 sinabi sa atin kung ano ang espisipikong nangyari kay Lazaro at sa mayamang lalaki nang sila ay mamatay:
At nangyari, na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham at namatay naman ang mayaman at inilibing.
Una, nakikita nating ang mga anghel ay may malinaw na ginampanang bahagi sa pagsama sa mga mananampalataya sa kanilang kamatayan. Sinulat ni Constable tungkol sa sitas na ito:
“Ang mga anghel ay kaalalay ng Diyos sa pagmamalasakit sa mga tao (Heb 1:14). Sinamahan nila ang espiritu ni Lazaro sa sinapupunan ni Abraham samantalang ang mayamang lalaki ay naranasan ang paglilibing nang walang kaakibat na parangal mula sa langit. Ang punto ay ang pagmamalasakit na kinalat ng Diyos kay Lazaro” (Tom Constable, www.Bible.org, dinagdagang diin).
Kabaligtaran ng lumalabas na walang karangalan ng mayamang lalaki, ang implikasyon ay pinarangalan si Lazaro ng kaniyang mga konsorteng anghel. Ito ay nagpapaalala sa atin ng kamatayan ni Esteban sa Gawa 7:54-56. Sa parehong kwento, may isang diwa kung saan ang parehong lalaki ay binigyan ng malaking parangal sa kanilang pagpasok sa buhay matapos ng buhay na ito. Si Lazaro ay binigyan ng pribadong konsorte, samantalang si Esteban ay personal na binati ng Panginoon sa Kaniyang pagtayo upang salubungin ang martiro sa luklukang silid ng Diyos. Ang parehong pasahe ay nagpapakita ng ideya ng gantimpala dahil sa katapatan sa pagsasakit. Ang konseptong ito ay sinusuportahan ng nangyari kay Lazaro. Sinabi ng Panginoon na si Lazaro ay nilagay sa pinakasinapupunan ng patriarkang Abraham.
Sinulat ni Valdes patungkol sa puntong ito:
“Samantalang ang ibang tao ay nilagay ang pulubi sa pintuan ng mayaman, siya ngayon ay nagtatamasa ng malapit na pakikisama kay Abraham, ang ama sa laman ng bansang Judeo at espirituwal na ama ng lahat ng sumampalataya kay Jesus” (Al Valdes, “Luke,” GNTC, 155).
Minsan pa may kaakibat na mataas na parangal at pribilehiyong sa pagpasok ni Lazaro sa paraiso. Ang tamasahin ang pagiging malapit kay Abraham at personal na aliwin ng ama ng pananampalataya ay hindi gantimpalang binigay sa lahat ng mananampalataya. Nakikita natin ito sa ibang bahagi ng BT, kung saan ang pag-upong katabi ng mga patriarka ay pinakikita bilang isang gantimpala (Mat 8:11; Luk 13:28-30).
Ang mga turo ng Panginoon tungkol sa mga gantimpala ay hindi lamang sa Lukas 16 masusumpungan. Sa unahang bahagi ng Ebanghelyo ni Lukas, ang Panginoon ay nagbigay ng ilang tiyak na pangako sa mga mananampalatayang buong katapatang sumunod sa Kaniya sa gitna ng kasakitan. Samantalang nakikipag-usap sa mga alagad, may binigay Siyang ilang pahayag. Una, sinabi ng Panginoon na ang mga nagugutom ay mabubusog (v21). Sinabi Niya ring ang mga inihiwalay ay gagantimpalaan isang araw sa langit (v22-23). Dapat bigyang pansin na malinaw na ang pasaheng ito ay patungkol sa mga katotohanan ng pagiging alagad. Walang naligtas mula sa lawa ng apoy dahil sila ay nagsakit sa buhay na ito o dahil sa sila ay mahirap. Hindi rin awtomatikong dinadala sa lawa ng apoy ang mga mayayaman. Si Abraham ay isang napakayamang tao at maliwanag na isang mananampalataya. Subalit, nakikita natin sa pasaheng ito na ang mga mananampalatayang nagsasakit, at tinitiis ito nang may katapatan, ay pinangakuan ng gantimpala sa kahariang darating.
Sa pagbabasa ng mga sitas na ito sa kabanata 6, mahirap na hindi makita si Lazaro bilang isang halimbawa ng ganitong uri ng mananampalataya. Ang lenggwahe ng dalawang pasahe ay halos magkapareho. Si Lazaro ay mahirap, nilarawan bilang nagugutom, at hiwalay mula sa hapag ng mayamang lalaki. Subalit ang pagkakapareho ay hindi rito nagtatapos. Sinabi rin ng Panginoon sa kabanata 6 na ang mayaman ay dapat kaawaan dahil natanggap na nila ang kanilang kaaliwan sa buhay (v24). Bilang pagkukumpara, sinabi ni Abraham sa mayamang lalaki sa kabanata 16 na samantalang si Lazaro ay nakaranas ng masasamang bagay sa kaniyang buhay, siya ngayon ay inaaliw (v25). Siyempre, ang kaaliwang naranasan ni Lazaro ay higit sa anumang bagay na iniaalok ng buhay na ito ngayon.
Samantalang si Lazaro ay hiwalay at hindi nabigyan ng maayos na trato sa buhay na ito, siya ay nakaranas ng malugod na pagtanggap sa eternidad. Siya ay pinapasok ng mga anghel, nilagay sa pinakasinapupunan ni Abraham, at binigyan ng pribadong kaaliwan sa kaniyang mga bisig. Bilang karagdagan nais kong imungkahi ang isang pinal na gantimpala na madaling mamintisan at marahil ay nakahihigit sa ibang gantimpala. Marami ang nakapansin na hindi kailan man binigay ng Panginoon ang pangalan ng mayamang lalaki. Samantalang ang tila walang saysay na pulubi ay binanggit sa pangalan ng Hari ng mga Hari. Hindi lamang iyan, sa loob ng 2000 taon ang kwento ni Lazaro ay tinuro sa henerasyon ng mga mananampalataya. Ang isang tao na walang duda ay dapat malimot sa kasaysayan ay hindi lamang inalala ng Panginoon kundi naging isang pamilyar na pangalan sa mga mananampalataya sa iglesia. Sa maikling salita, nakita ng Tagapagligtas ang buhay ni Lazaro bilang karapat dapat ng pagkilala at pag-aaral. Ang tinuturing ng sanlibutan na walang saysay ay pinahalagahan at tinaas ng Panginoon.
Ang makita ang mga pribilehiyong ito na ibigay sa isang kagaya ni Lazaro ay hindi lamang nakapagpapalakas ng loob kundi isang nakatutulong na paalala sa mga mananampalataya sa lahat ng panahon. Si Lazaro ay isang paalala na nakikita ng Tagapagligtas ang ating paghihirap. Pinaalala Niya sa atin na kaya ng DIyos ang malalaking mga bagay kahit sa kahinaan. At sa kahuli-hulihan ang mahirap na pulubing ito ay nagpapakita na hindi kinakalimutan ng Panginoon ang Kaniyang mga pangako. Nakikita Niya ang lahat mula sa sikat na patriarkang gaya ni Abraham hanggang sa mababang pulubing gaya ni Lazaro. Anuman ang kalagayan, nakikita at naalala ng Tagapagligtas ang lahat ng tapat sa Kaniya.