Ilang taon na ang nakalipas, nagkaroon ako ng oportunidad na magturo ng isang kurso sa soteriolohiya (doktrina ng kaligtasan) sa Zambia. Sa isa sa mga talakayan, nalaman kong ang depenisyon ng mga estudyante ng makasalanan ay nagdudulot ng kalituhan. Karamihan sa mga estudyante ay mula sa perspektibong Arminiano, na nangangahulugang naniniwala silang naiwawala ang kaligtasan kapag sila ay mahulog sa kasalanan. Samakatuwid, sa kanilang pagkukuro, ang mga makasalanan ay patungong lawa ng apoy. Kung ang isang mananampalataya ay magkasala, hindi na siya banal.
Ang depinisyon ng mga Zambiano ng makasalanan ay hindi naman kakaiba; madalas itumbas ng Calvinismo ang makasalanan sa hindi mananampalataya. Subalit, tinuturo ng Calvinismo na kapag ang isang tao ay nahulog sa kasalanan, hindi siya ligtas sa pasimula pa lamang (at kung ganuon, ay hindi maiwawala ang kaligtasan). Alin man sa dalawa, ang konklusyon ay pareho. Sa parehong pananaw, ang salitang makasalanan ay katumbas ng hindi mananampalataya. Ito ay lumilikha ng isyu sa pag-unawa ng Kasulatan.
Halimbawa, nang ang Panginoon ay kumaing kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan (Mat 9:10-11; Lukas 7:34, 37, 39; 15:1), ang parehong pananaw ay nagpapalagay na ang Panginoon ay kumakain kasalo ng mga hindi mananampalataya. Ngunit hindi ito hinayag sa konteksto. Sa halip, ang termino ay pangunahing ginagamit upang kilalanin ang pamumuhay ng mga taong ito. Halimbawa, ang mga maniningil ng buwis, ay tinitingnan bilang mga marumi sa lipunan, dahil sila ay nakikitrabaho sa mga Romano. Subalit, hindi nito inaalis ang posibilidad na ang ilan sa mga taong tinukoy na makasalanan ay nanampalataya kay Jesus para sa regalo ng buhay na walang hanggan. Nang ginamit ng mga manunulat ng Evangelio ang termino gaya ng pagkaunawa ng mga Fariseo, ang salitang makasalanan ay hindi paraan ng pagtukoy sa hindi mananampalataya. Sa halip, ito ay pantukoy sa tindig ng tao sa komunidad, kung siya Judiong may katuwirang moral o Judiong may sosyal na karumihan, na ang resulta ay, hindi kabilang sa pagsamba sa templo.
Ang interesante ay, ang Panginoon ay tinawag ding makasalanan ng mga Fariseo sa paglilitis ng bulag na lalaki sa Juan 9.
Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito’y hindi galing sa Dios, sapagka’t hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa’t sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila (Juan 9:16).
Pansining ang depinisyon ng mga Fariseo ng makasalanan ay ang taong “hindi nangingilin ng sabbath.” Ito ay tanda ng pamumuhay, hindi ng espirituwal na estado.
Ang salitang makasalanan ay ginamit din sa mga epistula sa paglarawan ng mga naliligaw na mananampalataya. Halimbawa, sa San 4:7-8, ang kapatid ng Panginoon ay pinagsabihan ang kaniyang mambabasa, na nagsasabing:
7 Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa’t magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. 8 Magsilapit kayo sa Dios, at siya’y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala (may dagdag diin).
Si Santiago ay sumusulat sa mga mananampalataya (1:2, 16-18), ngunit tinawag niya silang mga makasalanan. Katatapos niya pa lang talakayin ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at ngayon ay hinihimok silang magpasakop sa Panginoon sa pagsisisi. Ang mga wala sa nananahang lakad kasama ng Panginoon ay hinimok na lumapit sa Kaniya at linisin ang kanilang mga kamay. Minsan pa, ang isyu ay hindi ang kanilang eternal na estado, kundi isyu ng pamumuhay. Ito ay nilinaw sa pagtatapos ng epistula ni Santiago ang sabihin ng hating-kapatid ng Panginoon:
19 Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya’y papagbaliking loob ng sinoman; 20 Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan (may dagdag na diin).
Minsan pa, kinilala ni Santiago ang kaniyang mga mambabasa bilang mga kapatid at nagbigay ng halimbawa ng isang nalilihis mula sa kanilang samahan. Sa madaling salita, kapag ang isang mananampalataya ay nahulog sa kasalanan, ang simbahan ay dapat habulin ang taong iyan upang ibalik silang muli sa kawan. Ang mananampalatayang tagumpay na binalik ang nagkakasalang kapatid pabalik sa Panginoon ay niligtas ang nagkakasalang kapatid mula sa pisikal na kamatayan. Tanging si Cristo ang magkapagliligtas ng kaluluwa ng isang tao mula sa lawa ng apoy. Sa kontekstong ito, ang kaluluwa (psyche) ay tumutukoy sa pisikal na buhay ng tao.
Komento ni Zane Hodges:
“… ang sinumang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya (hodou, daan) ay nagbabalik sa kaniya palayo sa makasalanang daang hahantong sa pisikal na kamatayan (tingnan ang 1:15). Samakatuwid, ang mga pagpapagal ng isang Cristiano sa pagbabalik-loob ng kaniyang kapatid tungo sa daan ng pagiging masunurin ay nagliligtas ng buhay.” GNTC, p. 561
Tama si Hodges sa kaniyang punto na ang sitas ay patungkol sa pagbabalik-loob ng isang kapatid kay Cristo, hindi ng isang hindi mananampalataya, at kinilala niya rin ang empasis sa nagpapatuloy na pagsunod. Sa maikli, ang mananampalataya ay maaaring mahulog sa kasalanan, salungat sa tinuturo ng Calvinismo. Pinakikita rin nitong ang nakataya ay hindi ang eternal na kapalaran ng tao, kundi ang temporal na mga konsekwensiya ng pagsuwail, salungat sa tinuturo ng Arminianismo.
Siyempre, lahat ng nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan ay tamang tawaging mga banal. Subalit, dahil sa ang apostol Pablo mismo ay binilang ang kaniyang sarili bilang makasalanan sa katapusan ng kaniyang buhay (1 Tim 1:15), ang mga Cristiano ngayon ay dapat handang amining tayong lahat ay mga makasalanang banal.

