At nang isang panahon ako’y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa’t nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako’y namatay; at ang utos na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito’y sa ikamamatay” (Roma 7:9-10).
“Ako’y nabubuhay” at “ako’y namatay.”
Sino ang “Ako”? Ano ang ibig sabihin ng nabubuhay na walang kautusan, at sa anong diwa siya namatay?
Ito ang isa sa pinakamapanghamon na sitas sa Roma; ngunit sa isang banda ito rin ang pinakapayak.
Bahagi ng hirap ay pag-alam kung sino ang nagsasalita. Ginamit ni Pablo ang unang panaong panghalip (“Ako,” egō) sa unang pagkakataon sa sulat na ito at gagamitin niya pa ito nang makapitong beses sa kapitulong ito. Tila baga binabanggit ni Pablo ang kaniyang sariling karanasan. Ngunit gaya ng banggit ni Bruce, “Ang interpretasyong awtobayograpikal ay hindi na malawakang tinatanggap ngayon gaya ng dati” (Bruce, Romans, p. 140).
Sabihin nating sinulat ni Pablo ang kaniyang awtobayograpiya. Kailan niya naranasan ang pangnagdaang karanasan sa kautusan? Ito ba ay bago o pagkatapos niyang makarating sa pananampalataya kay Kristo? Sa anong diwa siya buhay nang hiwalay sa kautusan? At sa anong diwa siya namatay?
Lahat ay mahihirap na mga katanungan.
Gaya nang iyong iniisip ang mga komentarista ay hindi nagkakasundo.
Iniisip ni Cranfield na tinutukoy ni Pablo, “ang sitwasyon ng tao bago ibinigay ang kautusan, marahil nasa kaisipan niya ang kalagayan ng tao gaya nang pinakikita sa Gen 1:28ff at bago ang Gen 2:16-17.” Binabanggit ni Pablo kung ano siya kay Adan.
Salungat naman si Harry Bultema na iniisip na ito ay nang kabataan ni Pablo bilang isang Judio:
Kung bayograpikal si Pablo rito at walang duda na oo, may isa lamang punto ng kaniyang buhay na siya ay walang kautusan- ang panahon ng kaniyang pagkabata bago ang ikalabindalawang taon, kung kailan siya ay naging bar mitzvah, anak ng kautusan. Pagkatapos niyan dumating ang kautusan, at itinaas ng kasalanan ang kaniyang ulo tulad ng isang ulupong upangsiya ay tuklawin (Bultema, Romans, p. 43; cf Jewett, Romans, p. 450; Witmer, Romans, p. 466).
Samantala, iniisip ni Robert Govett na ito ay karanasan ni Pablo, hindi bilang isang bata, kundi bilang isang hindi pa naipanganak na muling Judio, nang ang kaniyang konsensiya ay sa wakas natusok ng kautusan: “Ibinilang niya ang kaniyang sarili ng matuwid na lalaki sa lahat ng punto. Naniwala siya na siya ay ligtas sa harap ng Diyos dahil sa patotoo ng kautusan.” Ngunit sa kalaunan, napagtanto ni Pablo kung ano ang tunay na hinahanap ng kautusan. “Ang kumbiksiyon ay dumating sa isang sandali, na tila isang kidlat… naramdaman niya ang kasalanan sa kaniyang kalooban… ang kapahamakan ng kasalanan ay nasa kaniya. Hindi niya ito mababaligtad ng kahit anong gawa mula sa kaniyang sarili. Ang kasalanan ng masamang pag-iisip ay nanahan sa kaniyang dibdib” (Govett, Romans, pp. 259-260).
At iniisip naman ni Zane Hodges na binabanggit ni Pablo ang unang bahagi ng kaniyang Kristiyanong pamumuhay, nang siya ay buhay sa diwa ng “pamumuhay nang may harmoniya sa Diyos”, subalit “ang kautusan ay kinompronta siya nang isa sa mga utos nito” at iyan ay “gumising ng kasalanan sa kaniya na nagresulta sa pagtatapos ng kaniyang pagkaranas ng buhay” (Hodges, Romans, p. 193).
Sino ang tama?
Hindi ko alam.
Nakikisimpatiya ako kay Leon Morris na nagsabi, “Hindi natin matiyak kung anong panahon sa karera ng apostol nang ang kautusan ay nagsimulang gumising sa kaniyang makasalanang pagnanasa” (Morris, Romans, p. 251).
Pasalamat na lang at ang pagkaalam kung kailan ito nangyari kay Pablo ay hindi mahalaga sa kaniyang punto, na may kinalaman sa trabaho ng kautusan at kung ano ang ginagawa nito kanino man. At iyan ang nagtulak sa aking sabihin na ang sitas na ito ay napakapayak.
Ang payak na punto ni Pablo ay kapag sinubukan ng tao na maging banal sa pamamagitan ng kautusan, ang kabaligtaran ang nangyayari. Inilarawan niya ito sa apat na baitang-
Una, ikaw ay buhay hiwalay sa kautusan. Ito ay higit pa sa pagiging buhay pisikal. “Ang pakahulugan niya ay siya ay nalulugod, malaya sa pag-aalala at nabubuhay nang Masaya na walang kakaibang nararamdamang guilt” (Eaton, Romans, p. 119).
Ikalawa, ang kautusan ay dumating. Hindi mo lang ito narinig, kundi naunawaan mo kung ano ang tunay na hinihingi nito at sinubukan mong isabuhay ito.
Ikatlo, sa halip na maging banal, ang kautusan ay gumising ng kasalanan sa kalooban mo.
Ikaapat, ikaw ay namatay. Maaaring kabilang dito ang pisikal na kamatayan, ngunit ginagamit ni Pablo ang kamatayan sa kaniyang metaporikal na diwa- naranasan mo ang kamatayan sa halip na buhay.
Iyan ang karanasan ni Pablo sa kautusan, at iyan din ang iyong magiging karanasan, kahit pa ikaw ay ipinanganak na muling Kristiyano. Nakita na ni Pablo ang mga Kristiyano sa Galacia na sinubok maging banal sa pamamagitan ng kautusan at nabigo (cf Gal 3:2-3). Ayaw niyang makita ang kaparehong kabiguan sa Roma.
Sa halip na maranasan ang kamatayan sa pamamagitan ng legalismo, nais ni Pablo ang mga Romano na maranasan ang mamatay (mahiwalay mula) sa legalismo.