Sa halip na magdala ng buhay, ang kautusan ay nagdala ng kamatayan. Ngunit iyan ay hindi kasalanan ng kautusan. Gaya nang sabi ni Cranfield, “Hindi ito dapat sisihin sa resultang ito kung paanong ang ebanghelyo ay hindi dapat sisihin sa kabila ng katotohanang ang mga tumatanggi rito o gumagamit nito sa kanilang masamang mga layunin ay napapailalim sa mas masahol na kahatulan kung hindi nila narinig ang ebanghelyo” (Cranfield, Romans, pp. 162-63).
Ang kamatayan ay kasalanan ng kasalanan, at hindi kasalanan ng kautusan. Ginamit ng kasalanan ang kautusan upang gisingin at hamunin ang masasamang pagnanasa na dati nang nananahan sa iyo – iyan ang nagdadala ng kamatayan.
Kaya sa kabila na tila baga siya ay laban sa kautusan, binigyang-diin ni Pablo ang kabutihan nito:
Kaya’t ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti (Roma 7:12).
Bakit ito ay banal, matuwid at mabuti?
Pangunahin sa lahat, ang kautusan ang gumagawa ng banal na gawain ng pagpapahayag ng kung ano ang matuwid at hindi matuwid, mabuti at masama, banal at hindi. Ipinahahayag nito ang perpektong pamantayan ng Diyos nang walang paumanhin, at ito ay parehong mabuti at nakatatakot!
Sa pagpapahayag ng pamantayan ng Diyos para sa inyong pag-uugali, “ang kautusan ay nagsasabi sa atin ng katotohanan, ang buong katotohanan, at walang iba kundi ang katotohanan lamang tungkol sa ating mga sarili” (Zahl, Grace in Practice, p. 2). Ang pagsasabi ng katotohanan tungkol sa iyo ay isang mabuting gawa, kahit hindi ito maganda! Ang kautusan ay nagpapakilala ng iyong kasalanan at kinukumbikta ka niya nito (Roma 7:7), nagpapatunay na ikaw ay hindi kasimbuti na gaya ng iyong iniisip- hindi kahit kaunti.
Ito ay mabuting gawain dahil ang mga tao ay gumawa ng lahat ng uri ng subhetibong pamantayang moral na nagsisilbi lamang sa kanilang mga sarili. Minamanipula natin ang kautusan upang tayo ay magmukhang mabuti, magmukha ang iba na masama, at higit sa lahat, ginagawa ang huwad na ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa tila posible.
Kapag sinasabi ko sa mga tao ang libreng regaloi ng buhay na walang hanggan, hindi ko masabi sa iyo kung gaano karaming tao ang tumatakwil nito dahil sila ay naniniwala na ang kaligtasan ay nakadepende sa pagiging mabuti, at para sa kanila sila ay gumagawa ng tama. Siyempre, hindi sila perpekto, ngunit kung sila man ay magkulang, nagtitiwala sila na si Jesus ay magiging maawain.
At ito ang gumagawa ng gawa ng kautusan na nakatatakot. Kapag napagtanto mo ang lalim ng iyong pagiging makasalanan, marahil ikaw ay sisigaw kasabay ni Pedro, “Lumayo ka sa akin Panginoon, sapagkat ako ay isang makasalanan!” (Lukas 5:8). At mabuti ang kautusan sa gawaing ito.
Salamat na lang at ang Panginoon ay hindi lumalayo sa iyo.
Sa halip, pagkatapos na dumating ang kautusan kasama ang banta ng kamatayan, si Jesus ay lumalapit sa iyo na may pangako ng buhay, at ngayon ay maaari kang magkaroon ng tainga upang marinig ito: “Ang sinomang sumampalataya sa Akin ay may buhay na walang hanggan” (Juan 6:47).