Maraming tao ang narinig na ang apat na Evangelio- Mateo, Marcos, Lukas at Juan. Ngunit alam mo bang maraming mag-aaral ng Biblia ang tumutukoy sa aklat ni Isaias bilang ang Ikalimang Evangelio? Maraming dahilan para sa palayaw na ito.
Gaya nila Mateo, Marcos, Lukas at Juan, ang aklat ni Isaias ay nagbabanggit ng buhay ni Cristo. Ang Kaniyang Unang Pagparito, kamatayan, at Ikalawang Pagbabalik ay hinula sa aklat. Nagbibigay ito ng komprehensibong larawan ng darating na Tagapagligtas. Kapag kinunsidera ang aklat sa liwanag na ito, “Ang Ikalimang Evangelio” ay akmang palayaw.
Dahil sa empasis na ito sa buhay ni Cristo, kakabit ng palayaw, ang layon ni Isaias ay madalas ituring na ebanghelistiko. Halimbawa, si Jerome ay madalas sipiing nagsabi na ang propeta Isaias ay isang evangelista dahil sa kaniyang paglalarawan ng mga misteryo ni Cristo. Pinapalagay na ang “mabuting balita” o “evangelio” sa Isaias ay tumutukoy sa eternal na kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo.
Maraming problema sa aplikasyong ito sa Isaias. Una, ang Isaias ay sinulat sa bansang Israel, ang piniling bayan ng Diyos, na binubuo ng mga mananampalataya at hindi mananampalataya (1:1-3; 40:1). Ang unang bahagi ng aklat (kab 1-39) sa pangkalahatan ay patungkol sa temporal na paghuhukom. Dahil sa paghihimagsik ng Judea, hinayaan ng Panginoon ang mga Asirio at, kalaunan ang mga taga-Babilonia, na apihin at itapon ang bansa sa pagkabihag. Ang mensaheng hinayag ni Isaias ay mensahe ng paghuhukom, hindi ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ito ang mensahe na hindi pinakinggan ng bansa, dahil sa katigasan ng kanilang puso (6:9-10) at nagresulta sa pagwasak ng mga taga-Babilonia sa templo at sa pagkabihag sa loob ng pitumpong taon.
Subalit, simula sa kabanata 40, may pagbabago, at may kapahayagan ng mabuting balita. Ngunit ano ang mabuting balita? Sinulat ni Isaias:
9 Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, “Tingnan ang inyong Dios!”
10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso. (Isaias 40:9-11)
Sinabihan ng propeta ang mga Israelita na ipahayag ang mabuting balitang ito, o evangelio. Sa pagsisimula ng kabanata 40, ang bansa ay nasa Babilonia. Dito, ang propeta ay nagbibigay sa bansa ng salita ng kaaliwan (v1) na titipunin sila ng Panginoon palabas ng Babilonia. Pagkatapos ng pitumpong taong pagkakabihag, hindi sila itatakwil ng Panginoon (41:8-9). Itataas ng Panginoon ang Kaniyang kamay upang iligtas sila, una paalis ng Babilonia at sa huli, gaya ng paglalarawan ng ikalawang bahagi ng aklat, sa paghahari ng darating na Mesiyas. Samakatuwid, ang kaligtasan sa Isaias ay korporeyt at pisikal na kaligtasan ng mga nalalabi ng Israel, una mula sa Babilonia at kalaunan mula sa Tribulasyon.
Ang “Ikalimang Evangelio” ay nagbabanggit ng mabuting balita. Nagbabanggit ito ng mabuting balita ng darating na Hari. Ang darating na Haring ito ay pinanganak ng isang birhen, magdurusa at mamamatay. Subalit, ang mabuting balita ng Isaias ay higit pa sa Unang Pagdating ng Panginoon, sapagkat umaasa ito sa Kaniyang ikalawa, kapag Kaniyang pinasinayan ang matuwid na kaharian. Ang Haring ito ay magliligtas ng bansang Israel mula sa kaniyang manlulupig. Ibabalik din Niya ang Israel at gagawin siyang matuwid na bansa. Ito ang kaligtasan at mabuting balita ng “Ikalimang Evangelio.” Subalit, kung ang mambabasa ng Isaias ay naghahanap ng malinaw na mensahe ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, mahihirapan siyang gawin ito. Ang Isaias ay may mabuting balitang ibabahagi, ngunit hindi para sa hindi mananampalataya.
Bakit mahalaga ito?
Ang Isaias ay aklat ng kasalanan, pagsisisi at mga gawa. Sinasaway ng Panginoon ang bansa dahil sa kaniyang mga kabiguan. Nananawagan si Isaias sa buong bansa na tumalikod sa kaniyang mga kasalanan upang maligtas mula sa poot ng Diyos. Ang poot na ito ay makikita sa darating na pananalakay ng mga Gentil. Samakatuwid, kung nakikita ng isang tao ang aklat bilang evangelistiko, may panganib na magdagdag siya ng mga gawa sa nagliligtas na mensahe.
Bilang karagdagan, may epekto ito kung paano ipaliwanag ang ilang sitas ng BT gaya ng ministerio ni Juan Bautista. Kung paanong si Isaias ay nananawagan sa bansa na magsisi upang maligtas sa disiplina ng Diyos, ganuon si Juan ay nananawagan sa bansa na tumalikod mula sa kaniyang mga kasalanan upang maghanda para sa ministerio ni Cristo. Kung gagawain nila ito, maliligtas ang Jerusalem mula sa pagkawasak. Ang nakalulungkot, parehong hindi pinakinggan si Isaias at si Juan, at ang bansa ay nangalat, una sa kamay ng Babylonia, at kalaunan noon AD 70, sa kamay ng mga Romano. Subalit, ang mabuting balita ni Isaias ay nananatiling totoo. Hindi itinakwil ng Panginoon ang bansa, at isang araw Siya ay darating muli upang tipunin ang Kaniyang bayan minsan pa.