Ang imahen ni San Pedrong nakatayo sa perlas na pintuan habang sinusubok ang mga tao kung sila ba ay karapat-dapat pumasok sa langit ay ikoniko sa kulturang Kanluranin. Sa loob ng maraming taon, ito ay ipinasa sa pamamagitan ng mga biro, mga palabas sa telebisyon, at kahit sa mga cartoons gaya ng The Far Side. Ang depiksiyon ng napakahabang pila ng mga taong naghihintay sa alapaap upang malaman kung sino ang papasok sa langit ay naging normal na sa kamalayan ng tao at marahil marami ang nag-iisip na ganito nga ang mangyayari. Ngunit, maraming konseptong hindi biblikal sa mga imaheng ito. Una, sa Juan 5:22, hinayag ng Panginoon ang napakahalagang pahayag na ito: “Sapagkat ang Ama ay hindi hahatol sa sinuman ngunit pinagkatiwala ang lahat ng paghatol sa Anak.”
Hindi hahatulan ni Pedro ang sanlibutan. Ang Panginoong Jesucristo ang pinagkatiwalaan ng Ama ng awtoridad na ito.
Ang kultural na emphasis na ito kay Pedro at sa perlas na pintuan ay nagbibigay din ng isa pang maling konsepto. Ang mga depiksiyong ito ay madalas nagtuturo na ang walang hanggang kaligtasan ay natatamo ng mabubuting gawa. Subalit, malinaw ang Biblia na ang kaligtasan ay hindi sa mga gawa kundi sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Ef 2:8-9; Rom 4:1-5).
Isa pang maling konsepto mula sa mga imaheng ito ay ang pagkakaroon ng iisang huling paghuhukom, kung saan ang lahat ay tatayo sa harap ng Panginoon upang idetermina ang kanilang walang hanggang hantungan. Ito ay mali rin. Ang Biblia ay nagbabanggit ng ilang paghuhukom- na may kinalaman sa iba’t ibang mga tao at iba’t ibang kahihinatnan- na mangyayari sa pagbabalik ng Panginoon. Tatalakayin ng blog na ito ang tatlo sa mga paghuhukom na ito, na magbibigay ng espesyal na atensiyon sa kung sino ang hahatulan, kailan magaganap ang bawat paghuhukom at ang resulta ng bawat paghuhukom. Ang tatlong ito ay maaaring ibilang bilang “pinangalanang paghuhukom,” dahil ang tatlong ito ay espisipikong nilarawan sa Kasulatan at may mga pangalang kaakibat ng mga ito.
-
Ang Dakilang Puting Luklukan
Ang unang paghuhukom na nilarawan ng Kasulatan ay ang Dakilang Puting Luklukan. Ito ay masusumpungan sa Pah 20:11-15. Sinabi sa ating ang mga tatayo sa harap ng Panginoon sa paghuhukom na ito ay mga patay (v12). Hindi kabilang sa paghuhukom na ito ang mga buhay kay Cristo. Ang mga pinanganak na muli sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan ay hindi kailan man tatayo sa harap ng Panginoon para sa paghatol na ito. Sinabi ni Jesus sa Juan 5:24 na ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay “hindi darating sa paghatol, kundi lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay.” Sa madaling salita, ang mga nanampalataya kay Jesus ay inaaliw ng kaalamang ang kanilang walang hanggang kaligtasan ay naganap na at hindi na sila kailan man hahatulan sa Dakilang Puting Luklukan. Ang paghuhukom na ito ay para lamang sa mga hindi mananampalataya at magaganap matapos ang milenyal na paghahari ng Panginoon sa lupa (Pah 20:4-10). Ang resulta ng paghuhukom na ito ay ang mga hindi nasumpungan sa Aklat ng Buhay ay itatapon sa lawa ng apoy (Pah 20:15).
-
Ang Hukuman ni Cristo (Bema)
Ang ikalawang pinangalanang paghuhukom ay ang Hukuman ni Cristo (1 Co 3:10-15; 2 Cor 5:10; Rom 14:10; 1 Jn 2:28; Lk 19:11-27). Ito ay kilala rin bilang Bema. Sumulat si Pablo tungkol dito sa 2 Cor 5:10: “Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay tumanggap ng mga bagay na ginawa sa katawan, ayon sa kaniyang ginawa, mabuti man o masama,”
Ang paghuhukom na ito ay para sa mga mananampalataya sa panahon ng iglesia. Ibinilang ni Pablo ang kaniyang sarili (tayo) sa paghuhukom na ito. Ito ay iba sa Dakilang Puting Luklukan na para sa hindi mananampalataya. Ang Bema ay hindi nagdedetermina ng kaligtasan ng mananampalataya; sa halip, ito ay magdedetermina ng mga gantimpalang tinanggap dahil sa mabuti o masasamang mga gawa. Ang resulta ng paghuhukom na ito ay kung hindi pagsang-ayon at gantimpala ay hindi pagsang-ayon at saway ( 1 Cor 9:24-27; 2 Tim 2:12, 15). Bilang karagdagan, ang paghuhukom na ito ay magaganap sa ibang oras. Samantalang ang Dakilang Puting Luklukan ay magaganap matapos ang milenyal na kaharian, ang Bema ay magaganap matapos ang paghablot (rapture) ng iglesia at bago ang Milenyo.
-
Ang Paghuhukom ng mga Tupa at mga Kambing
Ang ikatlong paghuhukom na pinangalan sa Kasulatan ay ang Paghuhukom ng mga Tupa at mga Kambing sa Mat 25:31-46. Hindi gaya ng Dakilang Puting Luklukan at ng Bema, ang paghuhukom na ito ay parehong kabilang ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya. Ito ay kakaiba dahil ito ay para lamang sa mga buhay sa katapusan ng Tribulasyon (v31). Bilang karagdagan, kabilang lamang dito ang mga Gentil (v32 “mga bansa”). Ang resulta ng paghuhukom na ito ay mamanahin ng mga tupa ang kaharian (v34), samantalang ang mga kambing ay dadalhin sa hades upang hintayin ang kanilang huling kahatulan matapos ang Milenyo. Ang mga tupa ay hindi tumanggap ng buhay na walang hanggan dahil sa kanilang mabubuting gawa. Ang buhay na walang hanggan ay isang regalong ibinigay sa lahat ng nanampalataya kay Jesus (E 2:8-9; Juan 3:16; 4:10). Ang mga tupa ay sinabihang dahil sa kanilang mabubuting gawa, kanilang mamanahin ang kaharian. May pagkakaiba ang pagpasok sa kaharian at ang pagmana nito. Ang pagmamana ng kaharian ay nagbabanggit ng kaligtasan. Ito ay tungkol sa pribilehiyo ng paghaharing kasama ng Hari.
Sa susunod na blog, titingnan naman natin ang tatlong hindi pinangalanang paghuhukom na magaganap din sa pagbabalik ng Panginoon.