Isa sa mga paborito kong pelikula ay ang The Lord of the Rings. Pinapanuod ko ito taon-taon, madalas kapag malapit na ang Pasko. Bagama’t karamihan sa mga tauhan ay nakawiwili, ang tauhan na may pinakakomplikadong sikolohiya at pinakaenteresante kung espirituwal ang pag-uusapan ay si Gollum. (Sa tingin ko makalilikha ka ng isang mahusay na argumentong si Gollum ang tunay na bayani ng kwento.)
Sa pelikula, si Gollum ay pinakikita bilang mayroong hating katauhan. Nagsimula siyang inosente, anak ng isang aristokratong pamilya, at nagngangalang Smeagol. Ngunit nakaranas siya ng pagkahulog nang kaniyang patayin ang kaniyang pinsan para sa isang gintong singsing. Pagkatapos nang tusong pagtago ng bangkay, umuwi si Smeagol at sinimulang gamitin ang Singsing upang tuksuhin at pahirapan ang kaniyang pamilya hanggan sa siya ay palayasin sa paraiso, nakilala bilang si Gollum, at itinapon ang kaniyang sarili sa malungkot na daigdig sa ilalim ng Misty Mountains. Binuhay siya ng Singsing sa loob ng daang-daang taon ngunit hindi siya nito iningatan nang husto. Pagkatapos isang Hobbit na nagngangalang Bilbo Baggins ang nakasumpong sa Singsing at kinuha ito mula kay Gollum.
Ilang taon ang nakalipas, nang ang pamangkin ni Bilbo na si Frodo, ay nasalubong si Gollum sa kaniyang paglalakbay patungong Mount Doom, natuklasan nating si Gollum ay may parehong taglay na mabuti at masamang bahagi. Sa isang banda, taglay pa rin ni Smeagol ang bakas ng kainosentehan, na nabubuhay sa tuwing babanggitin ni Frodo ang kaniyang tunay na pangalan. Sa kabilang banda, taglay din ni Smeagol ang malahalimaw, baluktot ang moral na bahagi- ang bahaging Gollum- na pinalalala ng kaniyang adiksiyon sa Singsing.
Si Gollum kung ganuon ay nakikibaka sa kaniyang sarili kung ano ang dapat niyang gawin. Nakikita ng manunuod kung paanong ang kaniyang naglalabang mga personalidad ay nag-aagawan ng kontrol. Bagama’t alam ni Smeagol na dapat niyang tulungan si Frodo, nais ni Gollum na saktan siya at sa huli nagwagi ang kasamaan.
Makikilala ni Apostol Pablo ang ganiyang uri ng pakikibaka. Maraming tao ang makikilala ito, maging sa parte ng hindi pa pinanganak na muli. Ang manunulang Romano na si Ovid ay nagsabi, “Nakikita ko ang mas maiging mga bagay, at sumasang-ayon ako, ngunit sinusunod ko ang mas nakasasama” (Barclay, Romans, p. 98). Nasumpungan ni Pablo- o natuklasan (heurisko)- ang isang bagong kabatiran tungkol sa panloob na pakikibakang ito, na kung babanggitin, ay mayroong digmaan sa pagitan ng dalawang kautusan sa loob niya:
Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig mong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit. Sapagkat ako’y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao (Roma 7:21-22).
Sa kaniyang panloob na pagkatao, nagagalak siya sa kautusan ng Diyos. Ang Griyego ay nagsusuhestiyon ng “sosyal na dimensiyon” o kasiyahan sa kautusan “kasama ng iba,” marahil kasama ng ibang Pariseo (Jewett, Romans, p. 469). Handa si Pablo na magalak sa kautusan gaya ng iba. Ngunit, may natagpuan siyang kasamaan sa loob:
Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako’y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan (Roma 7:23).
Bagama’t ang panloob na katauhan ni Pablo ay nagnanais na gumawa ng mabuti, isang kakaibang “kautusan” ang gumagawa sa kaniyang hindi pa napanganak na muling katawan (i. e., sa kaniyang “mga bahagi”). Sabi ni Cranfield, “Tila ginagamit ni Cranfield ang salitang ‘kautusan’ bilang metaporika upang ipakahulugan ang isinagawang kapangyarihan, karapatan, at kontrol na isinagawa sa atin ng kasalanan” (Cranfield, Romans, p. 168). Sa madaling salita, muling binigyang katauhan ni Pablo ang kasalanan. “Ito ay isang mapuwersang paraan upang gawin ang punto na ang kapangyarihan sa atin ng kasalanan ay isang teribleng kalokohan, isang kakatuwang parodya, ng karapatan sa atin na sa katuwiran ay pag-aari ng banal na kautusan ng Diyos” (Cranfield, Romans, p. 168-69). At ang kapangyarihan ng kasalanan ay espesyal na nakikita sa pamamagitan ng katawan. Gaya ng sinabi ni Hodges, “bagama’t ang Espiritu sa loob natin ay buhay, ang pisikal na katawan ay nananatiling ganap na patay sa kalooban ng Diyos” (Hodges, Romans, p. 199).
Kung ang iyong sariling katawan ay hadlang sa kabanalan, anong pag-asa mayroon ka upang mamuhay ng banal na pamumuhay? Kailangang maligtas ni Pablo ngunit natuklasan niyang ang pag-aaring-matuwid ay hindi makaliligtas sa kaniya. Hindi rin ang kaalaman, o paggawa ng resolusyon o maging ang kautusan ng Diyos. Kung hindi maliligtas ni Pablo ang kaniyang sarili mula rito, sino ang makagagawa nito?
Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? (Roma 7:24).
Ang Kristiyanong ipinganak nang muli ay ramdam ang panloob na pakikibaka na gumawa ng mabuti at ang sakit ng hindi pagkaabot sa kalooban ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Cranfield, “Habang lumalago ang mga tao sa Kristiyanong pamumuhay, at habang tumatanda sila sa kanilang pagiging alagad, mas lumilinaw ang kanilang pagkaunawa ng taas na kinatawag sa kanila ng Diyos, at mas mahapdi ang kabatiran ng distansiya sa pagitan ng kung ano dapat sila, ano ang nais nila, at kung ano sila” (Cranfield, Romans, p. 169).
Kailangan nga ni Pablo ng kaligtasan mula sa kaniyang mortal na katawan. Ngunit kung hindi niya pa ito naranasan, kailan pa? “Ang tanong ay may kinalaman sa hinaharap,” pansin ni Govett (Govett, Romans, p. 278). Sino ang magliligtas sa kaniya sa hinaharap?
Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin! (Roma 7:25a).
Pinuri ni Pablo ang Diyos at ipinahiwatig na si Jesus ang kasagutan sa kaniyang katanungan. “Sa pamamagitan Niya naipanalo na ang kawagian. Sa pamamagitan Niya maaari tayong tumingin nang may kumpiyansa sa araw ng huling katubusan,” sabi ni Nygren (Nygren, Romans, p. 302).
Ngunit paano ito gagawin ni Jesus?
Mas marami pang sasabihin si Pablo tungkol sa Kristiyanong pamumuhay sa Roma 8, ngunit bago makarating sa talakayang iyan, nagtapos siya ng pagbubuod:
Kaya nga ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan (Roma 7:25b).
Narito ang malaking aralin: Ang kabanalan sa pamamagitan ng kautusan ay hindi uubra. Kailan man. “Sa pamamagitan ng kautusan, walang tao, maging Kristiyano, ang magiging matuwid” (Nygren, Romans, p. 303). Sa kabalintunaan, sa tuwing ang Kristiyano ay sumusubok na mapabanal ng kautusan, pinalalala niya lang ang digmaan sa pagitan ng kaniyang panloob na katauhan at kaniyang mortal na katawan at masusumpungan niyang may dalawang kautusang naglalaban para sa kontrol sa kaniyang buhay; at wala sa alin man sa dalawang ito ang makagagawa ng gawain ng kabanalan.
Hayaan ninyong humugot ako ng isang analohiya sa pagitan ng kautusan at ng Singsing ng Kapangyarihan.
Sa simula, marami sa mga bayani sa Lord of the Rings ang natuksong itago ang Singsing at gamitin ito sa kabutihan, upang matanto na ang paggamit nito ay may kabaligtarang epekto. Sa halip na daigin ang kanilang kaaway, ang Singsing ay humihimok sa kanilang gumawa ng masama. Sa halip na gamitin ito, kailangan nilang wasakin ito. Masasabi mong ganito rin ang kaparehong punto ni Pablo tungkol sa kautusan sa Roma 7. Maaaring nais ng mga Kristiyanong gamitin ang kautusan para sa kabutihan, sa pagsulong ng kanilang kabanalan, ngunit ang katotohanan ay may kabaligtaran itong epekto. Hindi dapat gamitin ng mga Kristiyano ang kautusan. Sa halip, dapat silang maligtas mula rito, at ito ang mismong ginawa ni Jesus.