Kapag ang isang tao ay nanampalataya kay Kristo at naipanganak na muli, lalo na kung ito ay nangyari sa huling bahagi ng buhay, pagkatapos ng isang karanasang krisis, madalas siya ay may pakiramdam na tila isang bagong tao.
Hindi lahat ay may ganiyang pakiramadam nang manampalataya. Halimbawa, ang mga nanampalataya sa murang edad ay maaaring walang maalalang anumang pagbabago.
Ngunit ang isang mananampalataya ay isang talagang bagong tao, meron man siya o walang pakiramdam ng kapanganakang muli. Ito ay talagang totoo na ang mga mananampalataya ay ipinanganak na muli sapagkat iyan ay pangako ni Jesus (Juan 3:3-6, 16).
Ang bagong kapanganakan ay isang positibong aspeto ng bagong ikaw, subalit meron ding negatibong aspeto:
Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo’y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan (Roma 6:6).
Alamin mo ito! Naniniwala si Pablo na ang pagbabagong-isip ay magdudulot ng pagbabagong gawi (cf. Rom 12:2). Alamin mo ito- ikaw ay bagong pagakatao, hindi lamang dahil ikaw ay ipinanganak na muli kundi dahil ang iyong datihang pagkatao ay napako sa krus.
Mayroong tatlong pangunahing paksa rito- ang “datihang pagkatao”, “ang katawang salarin”, at “tayo.” Bawat isa ay nangangailangan ng sarili niyang blog, simula sa datihang pagkatao.
Ano ang “datihang pagkatao”?
Hindi ito ang iyong katawan. Ang iyong pisikal na katawan ay hindi kailan man napakong kasama ni Kristo sa krus.
Sa halip, ang datihang pagkatao ay tila baga ang iyong lumang sarili– “lahat ng kung sino ako kay Adan” (Eaton, Living Under Grace, p. 41); “ang kabuuan ng ating nahulog na kalikasang pantao, ang buong sarili sa kaniyang pagkahulog” (Cranfield, Romans, p. 1:309); o “ang taong hindi pa naipanganak na muli sa kaniyang kabuuan at ang kaibahan nito sa taong naipanganak na muli sa kaniyang kabuuan” (Morris, Romans, 219).
Ang datihang pagkatao ay dapat mamatay.
Alam mo bang mayroon saiyong isang bagay na sira na at hindi na matutubos, at napakamakasalanan na ang tanging magagawa ay ang ipako ito sa krus?
Ito ay isang kahatulan tungkol sa iyong sarili na hindi medaling tanggapin. “Ako? Nararapat na ipako sa krus? Oo, mayroon akong mga dungis, at ako ay nagkakamali, ngunit ang ipako sa krus! Iyan ay tila napakarahas…” Gaya ng sabi ni Newell, “wala ang likas na handang ibilang ang sarili na napakasama’t hindi na mababago anupa’t kailangan nang ipako!” (Newell, Romans, p. 213).
Ngunit ito ang iyong kalagayan. Ang iyong kalagayan ay kahilahilakbot na wala nang anumang uri ng pagbabago ang makatutulong. Kailangan mong mamatay.
Nangangahulugan, na nang ikaw ay manampalataya, dalawang bagay ang nangyari. Sa isang banda, ikaw ay binuhay (Ef 2:1), at sa isang dako, ikaw ay ipinako sa krus.
May mga komentarista na nagsasabing hindi talaga ibig sabihin ni Pablo na ang datihang pagkatao ay patay na. Iginigiit nila na ang pagkapako sa krus ay isang proseso, at gayundin ang kamatayan ng datihang pagkatao. Tama ba sila?
Sa tingin ko hindi. Hindi si Pablo nagbabanggit ng isang proseso kundi ng isang bagay na naganap na. Gaya ng sinabi ni Morris:
ang datihang pagkatao ay isinasakatawan bilang napako sa krus kalakip ni Kristo, at ang diwa ay nagpapahayag na ito ay isang minsanang magpakailan pa m an at isang depinitibong pangyayari ayon sa larawan ng pagkapako ni Kristo. Ang ‘datihang pagkatao’ ay hindi maibibilang na nasa proseso ng pagkapako sa krus kung paanong si Kristo sa Kaniyang kalagayan ay hindi maibibilang na gayon (Morris, Romans, p. 220).
Si Jesus ay napako sa krus. Gayundin ang iyong datihang pagkatao. Ito ay mga katotohanang dapat sampalatayahan, nararamdaman mo man ang mga ito o hindi:
Sa sandaling ikaw ay nanampalataya, ikaw ay ikinabit, isinolda, at nakasarado kay Jesus. Ang Kaniyang pagkapako sa krus ay iyong pagkapako sa krus. Sa bahagi ng isang segundo (nang ikaw ay manampalaya kay Jesus), ang iyong datihang pagkatao ay tumigil na sa pag-iral. Ang iyong lumang sarili ay napako sa krus nang mamatay si Jesus para sa sangkatauhan sa krus (Eaton, Living Under Grace, p. 41).
Ito ay hindi isang uri ng katotohanang nakikita ng mata o nararamdaman ng iyong kamay, ngunit ang uri na naririnig ng iyong tainga. Ito ang ipinahayag ng Diyos sa Kaniyang Salita tungkol sa iyo: ang iyong datihang pagkatao ay naipako na sa krus! Ito ay naganap na! Tapos na!
Ito ay isang pahayag na iyong maaaring malaman. At sa pagkaalam nito, masasampalatayahan mo ito. At sa pagsampalataya rito, malalakaran mo ito. Gaya ng sinabi ni Newell,
“Ang ating datihang pagkatao ay napako sa krus kalakip ni Kristo.” Ito ang ating gawain: ang lumakad sa pananampalataya sa mga salitang ito. Sa katubigang ito, ang Diyos ay inuutusan tayong humakbang at lumakad (Newell, Romans, p. 213).