Ni Zane Hodges, hinalaw mula sa artikulo na unang nilathala sa Autumn 1991 edisyon ng Journal of the Grace Evangelical Society
Isa sa pinkahuling natalang mga salita ng Panginoong Jesu-Kristo ay ang sumusunod:
Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa (Pahayag 22:12)
Ito ay isang malinaw at tiyak na pangungusap ng Panginoon mismo sa paksa ng gantimpala. Ang hindi maniwala sa mga gantimpala ay hindi paniniwala sa Kaniyang mga salita. Ang Grace Evangelical Society ay tunay na naniniwala sa mga gantimpala!
Gantimpala at Biyaya
May mga Kristiyano ang nababagabag ng doktrina ng mga gantimpala dahil ang doktrinang ito ay tila nagmumungkahi ng “merito” at hindi “biyaya”. Kanilang tinuturo na ang doktrina ng mga gawang may merito ay kabalintunaan ng katotohanang tayo ay wala sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya (Rom 6:14).
Ang pananaw na ito ay isang seryosong maling pag-unawa ng Kasulatan. Sa katotohanan, pinagkakamali nito ang doktrina ng biyaya at ang katotohanan ng tungkuling pantao.
Masdan ulit ang mga pananalita ng Panginoon sa itaas. Malinaw na sinabi ng Panginoon na ang Kaniyang “kagantihan” ay ayon sa “gawa” ng bawat isa. Hindi nito matatakasan ang implikasyon na ang mga “gantimpala” ay pinagsisikapan.
Ang kaligtasan ay hindi pinagsisikapan. Kaya masasabing ito ay “sa pamamagitan ng biyaya… sa pamamagitan ng pananampalataya” at “hindi gawa” (Ef 2:8-9). Ang ating mga gawa ay walang kinalaman kung tayo ay tutungo sa langit o sa impiyerno. Ang kaligtasan ay regalo at ito ay ganap na libre. Ang pananampalataya kay Kristo ang paraan upang tanggapin ang regalong ito.
Malinaw na tinuro ni Pablo na ang biyaya at mga gawa ay hindi mapaghahalo. Mahalaga ang kaniyang mga pananalita:
Nguni’t kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya (Rom 11:6).
Sa liwanag ng malinaw na pahayag na ito, hindi natin dapat ipagkamali ang turo ng Biblia tungkol sa gantimpala at ang katotohanan ng walang kundisyong biyaya ng Diyos sa atin. Kung ating aariing ang mga gantimpala ay “sa pamamagitan ng biyaya” sinasabi nating ito ay walang kinalaman sa “mga gawa”. Ngunit kung sasabihin natin ito, sinasalungat natin ang mga salita ng Panginoon na kinakabit ang Kaniyang “gantimpala” sa “gawa” ng bawat isa.
Kung ating “babaguhin ang kahulugan” ng gawa bilang “biyaya”, ayon kay Pablo binabago natin ang katangian ng mga ito. Ang tinatawag nating “gawa”ay hindi na tunay na gawa, o ang tinatawag nating “biyaya” ay hindi na tunay na biyaya.
Ang Lordship salvation ay larawan ng hindi maiiwasang pagbabagong ito. Dahil ang mga teologong Lordship ay nagtuturo na ang tao ay dapat gumawa ng mabuting mga gawa upang tumungo sa langit, hindi nila tunay na matatawag ang kanilang doktrina ng kaligtasan na “biyaya”. Ngunit inaari nilang nagtuturo sila ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya. Ngunit ayon kay Pablo, ang tinatawag nilang “biyaya”ay hindi tunay na biyaya!
Ang Kabayaran ng Gantimpala
Ngunit ang mga Kristiyanong itinatanggi na ang mga gawang susuriin sa Hukuman ni Kristo ay gagantimpalaan ayon sa kanilang espiritwal na merito ay nahuhulog din sa kaparehong pagkakamali. Sinusubok nilang paglapatin ang “gawa” at “biyaya” sa paraang ayon kay Pablo ay imposible. Sa paraang ito kanilang sinisira ang tunay na kahulugan ng biyaya o sinisira ang tunay na kahulugan ng gawa.
Ngayon sa kaniya na gumagawa’y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang (Roma 4:4).
Sa sitas na ito ginamit ni Pablo ang kaparehong salitang Griyego para sa “kagantihan” na ginamit ni Jesus sa Pah 22:12. Ito ay ang salitang misthos na ang kahulugan ay “bayad, ganti.” Malinaw na minumungkahi nito ang ideya ng pagtanggap ng pinagsikapan. Hindi matatakbuhan ang katotohanang ito ng Biblia. Binigyan tayo ng Diyos ng kaligtasan, ngunit binabayaran tayo para sa ating mga gawa. Ang ipagkamali ang dalawang linyang ito ng katotohanan ay ang wasakin ang doktrina ng biyaya at ang doktrina ng gawa sa Kasulatan. Ito ay paghahalo ng mansanas at dalandan. Ang resulta ay ang pagkalito sa tunay na kalikasan ng mga dakilang paksang ito ng Kasulatan.
Ang Koneksiyon ng Biyaya at Gawa
Hindi ito nangangahulugan na walang koneksiyon ang biyaya ng Diyos sa atin at ang ating mga gawa para sa Kaniya. Ni hindi nga tayo makakagawang may gantimpala para sa Kaniya kung hindi Niya tayo pinanganak na muli ayon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Gaya ng nilinaw ni Apostol Pedro sa atin, sa sandali ng kaligtasan, tinanggap natin “ang lahat ng bagay na may kinalaman sa buhay at kabanalan” (2 Pedro 1:3). Sa madaling salita, binigay sa atin ng Diyos- sa biyaya- ang lahat ng kailangan upang mabuhay nang may kabanalan. Ngunit dapat nating gamiting mainam ang mga probisyon na ito. Nilinaw din ito ni Pedro:
Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman… (2 Pedro 1:5).
Samakatuwid, mabiyayang binigay ng Diyos ang paraan upang mapaglingkuran natin Siya, ngunit ang desisyon na maglingkod, at ang kasipagang gawin ito ay ating bahagi. Samakatuwid ang ating mga gawa ay nangangailangan ng ating pagsisikap at gagantimpalaan.
Ang ganap na pasibong pananaw ng buhay Kristiyano, kung saan wala tayong ginagawang anumang pagsisikap na gawin ang tama o upang pasiyahin ang Diyos, ay walang saligan sa Biblia. Hindi tayo mga pasibong sasakyan ng Espiritu, ngunit mga aktibong dapat kumilos nang may “buong sikap”. Sa ganito, tayo ay tatanggap ng gantimpala.