May mga tagapagturo ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa na pinapalambot- o kinukubli- ang kanilang mensahe sa pagsasabi na ang paggawa ng mabuti ay kailangan para sa kaligtasan, ngunit ang mga gawang ito ay walang merito. Sa kanilang pananaw ang pangangailangan ng gawa sa kaligtasan ay problema lamang kung iniisip mo na ang mga ito ay nagiipon sa iyo ng daan patungong langit.
Maaari ba itong maging isang biblikong posisyon?
Pansinin ang sinabi ni Pablo tungkol sa utang at kabayaran-
“Ngayon sa kaniya na gumagawa’y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. (Roma 4:4).
Ito ay isang diretsahang prinsipyo- kung ikaw ay binayaran para sa iyong gawa, matuturing ba iyang biyaya? Hindi. Kung ikaw ay nagtrabaho para sa iba, may utang siya sa iyo. Kapag ikaw ay binayaran ng iyong amo para sa pagtrabaho ng apatnapung oras sa isang linggo, hindi niya ito ginagawa dahil sa biyaya kundi pagbayad ng kaniyang tamang utang. Siya ay may utang sa iyo.
Sa madaling salita, nais ni Pablo na makita ninyo ang pagkakaiba ng paggawa nang may bayad at ng pagtanggap ng regalo. Para sa kaniya, ang lahat ng gawa ay may merito. Ang lahat ng gawa ay usapang utang at bayad. Ang kabaligtaran naman nito ay:
Datapuwa’t sa kaniya na hindi gumagawa, nguni’t sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran (Roma 4:5).
Marahil ang inaasahan mo ay ikukumpara ni Pablo ang gumagawa at hindi gumagawa. Sa halip, kinumpara niya ang gumagawa at ang sumasampalataya. Ang mga gawa ay may kinalaman sa bayad. Ang pananampalataya ay patungkol sa biyaya.
Para kay Pablo, mayroon lamang dalawang posibilidad sa usapang relihiyon: ikaw ay nanghahawak sa sistema ng gawa at bayad o kaya naman sa sistema ng pananampalataya at biyaya. Ang hindi maaari ay ang magkaroon ng paghahalo ng mga gawang walang merito at ng biyaya. Ang isa ay tumatanggi sa isa:
Nguni’t kung ito’y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya (Roma 11:6).
Huwag magpalinlang- ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawang walang “merito” ay isa lamang ibang pangalan ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Ito ay kalaban ng biyaya. Tanggihan mo ito kung paanong tinanggihan ito ni Pablo, sapagkat kapag ang isang bagay ay naaayon sa gawa, hindi na ito ayon sa biyaya.
Ang argumento para sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawang walang merito ay walang merito.