Sola fide o fides caritate formata? Tayo ba ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalatya lamang o ng pananampalataya na binuo ng pag-ibig?
Nuong Reformation, isa iyan sa mga tanong na hinarap ni Martin Luther, at ito ay isang pagtutol na hinaharap pa rin ng Free Grace ngayon. Ang pananampalataya kay Jesus ay hindi sapat, sabi ng iba, dapat itong lakipan ng pag-ibig!
Ang mga nagsasabi nito ay kalimitang umaayon (sa isang tingin) na tayo ay hindi naligtas sapamamagitan ng pananampalataya na may lakip na gawa. Iyan ay dahil kanilang inaakala na ang paggawa ng pag-ibig bilang kundisyon sa katuwiran ay hindi kapareho ng paggawa ng gawa bilang kundisyon ng katuwiran. Tama ba sila?
Binabasa ko ang aklat ni Philip S. Watson na Let God be God! An Interpretation of the Theology of Martin Luther (Philadelphia: Muhenbergerg Press, 1949), isang buhay na buhay at nakatutulong na introduksiyon sa katangian ng teolohiya ni Luther. Pinaliwanag ni Luther kung bakit kinilala ni Luther ang fides caritate formata bilang isang uri ng legalismo.
Ang Pag-ibig ay Kautusuan
Ang unang dapat maunawaan ay ang pag-ibig ay hindi kakaiba sa Kautusan ng Diyos, kundi buod ng Kautusan na ito. Ang sabihin na kailangan ang pananampalatayang binuo ng pag-ibig , ay kapareho ng pagsabi ng kailangan natin ang pananampalataya at gawa:
“Ang Kautusan ng Diyos ayon sa pagkaunawa ni Luther, ay nahayag sa tatlong baitang. Una ay ang Batas ng Kalikasan (Natural Law), o ang kamalayan,, na gaya ng ating nakikita, na likas sa lahat ng mga tao, na dapat nilang sambahin ang Diyos, at dapat nilang gawin sa iba ang gusto nilang gawin ng iba sa kanila. Ang pangalawa ay ang Batas ni Moses, ang Sampung Utos, na ang unang tabla ay naghahayag ng katungkulan ng tao sa Diyos, at nag pangalawa ay ang katungkulan ng tao sa kaniyang kapwa- si Moises ay hindi lamang tagabigay ng batas ngunit tagapaliwanag ng Batas ng kalikasan na sinira ng kasalanan. Ang ikatlong baitang ay ang kautusan ng Ebanghelyo na ibigin ang Diyos at ang kapwa, kung saan inihayag ng Panginoon ang tunay na diwa ng Kautusan, at inilarawan ng Kaniyang mga turo at ng Kaniyang halimbawa” (pp 105-06).
Ang pag-ibig ay panloob na katuparan ng Kautusan:
“Subalit ang Kautusan ay natupad, lamang kung ang ating gawi ay pinangungunahan ng pag-ibig sa ating mga puso,at ang uri ng pag-ibig na ito ay ang uri na ‘gagawin ang gawa’ kahit hindi inutos. Ang katuparan na ito ang pinakadiwa at ang hindi matatanggihang hinihingi ng Kautusan. Hindi gaya ng kautusan ng mga tao, ang Kautusan ng Diyos ay hindi matutupad ng mga gawa lamang, sapagkat ang Diyos ay humahatol ng ayon sa kung ano ang nasa puso, ang Kaniyang Kautusan ay humihingi ng pagsunod sa pinakapuso at kalooban. Hinihingi nito ang ganap na pag-ibig, malaya sa anumang makasariling pagnanais” (p. 106).
Ang Pag-ibig ay Humihingi ng Kaganapan
Ano ba ang hinihingi ng Kautusan? Iilan lamang ang nakauunawa na ito ay humihingi ng kaganapan. Ang mga tradisyong legalistiko ay hindi humihingi ng kaganapan. Kung oo, maraming tao ang susuko agad! Samakatuwid ang legalismo ay may mga paraan upang baluktutin ang hinihingi ng Kautusan ayon sa nais ng kanilang mga tao. Pero hindi ganito ang Kautusan ng Diyos.
Ang Kautusan ay humihingi ng kaganapan. Labagin mo ang isa, nilabag mo na silang lahat (Santiago 2:10). Ang sabihin na ang kundisyon ng katuwiran ay pananampalatayang binuo ng pag-ibig ay kapareho ng pagsasabi na ang kundisyon ng katuwiran ay pananampalataya na dinagdagan ng ganap ng mga gawa.
“Ang Kautusan ay humihingi na tayo ay umibig nang buong puso, buong lakas, at tayo ay nagkakasala kung hindi natin ito buo”(pp. 108-109).
Mayroon na bang umibig na gaya nito? Mayroon na bang umibig nang buong puso at buong lakas. Ako hindi. Naalala ninyo kung paano inilarawan ni Pablo ang pag-ibig?
“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo. Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama; Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan; Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.” (1 Corinto 13:4-8).
Ang sinuman na umaasa na maging matuwid sapamamagitan ng pananampalatayang binuo ng pag-ibig ay dapat na magkaroon ng isang tapat ng pagsulyap kung sila ay may tunay na inibig sa kanilang buong buhay. “Ang pag-ibig ay hindi nananaghili.” Mayroon bang pag-aari ang iba na nais mo? “Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri.” Hindi ka ba napuno ng iyong sarili? “Ang pag-ibig ay hindi nayayamot.” Nayayamot ka na ba ngayon? Kung ganuon may masama akong balita saiyo. “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailan man.” E ang pag-ibig mo?
Ang pag-ibig ang pinakamataas at pinakamaraming hinihinging Kautusan na iyong makikita. Kumusta ang iyong kasukatan sa harap nito?
Kapag ang mga legalista ay nahaharap sa tunay na panloob na hinihingi ng Kautusan, madalas kanilang iniiwasan ito. Imbes na tuparin ang Kautusan nang buo, binabago nila ito upang ito ay umayon sa uri ng legalismo na kanilang pinanghahawakan. Ngunit pinapakita lamang nito kung ano ba talaga ang tunay na anyo ng legalismo- ito ay relihiyong gawa ng tao. Ang Kutusan ng Diyos ay hindi nagbabago sapagkat ang kabanalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Ngunit ang relihiyong gawa ng tao ay nagbabago lagi. Ito ay tila isang wax na laging binabago ang kaniyang sarili ayon sa pagkakataon. Gusto ng mga legalista na magmukhang maawain kaya binabago nila ang Kautusan. Sasabihin nila ang mga bagay na gaya nito, “Nadapa ka? Huwag kang mag-alala. Manalangin ka ng isanlibong Ave Maria at ikumpisal mo ulit sa umaga. Nairita ka ngayon o nagalit? Huwag mag-alala, may pagsisisi para diyan. Hindi mo naabot ang kasukatan ng Kautusan? May sakramento tayo na magpupuno sa iyong kakulangan. Gawin mo kung ano ang nasa iyo. Iyan ang hinihingi ng Kautusan.”
Maaaring iyan ang hinihingi ng mga batas ng tao, ngunit ang Batas ng Diyos ay hindi ganiyan. Hindi nito hinihingi ang ating pinakamahusay na pagpapagod. Hinihingi nito ang kaganapan at anumang hindi aabot ay aani ng kahatulan:
“Ang Kautusan ay humihingi ng kaganapan, ayon kay Luther, at ang sinumang hindi makaabot ay nasa ilalim ng kahatulan nito. Ngunit ang humingi ng kaganapan ay ang humingi ng imposible- hindi dahil sa ang ganap ng pag-ibig ay imposible, kundi dahil ito ay lubos na nasa labas ng kakayahan ng tao” (P. 108).
Ang Kautusan ay isang salamin. Paano ka aasta kapag nakita mo ang tunay mong repleksiyon? Sana, durugin nito ang iyong puso. Akala mo may ilan kang kakulangan. Ngunit ang Kautusan ay nagpapakita na ang puso ay masama nang higit sa ating nauunawaan. Sana naunawaan mo na ikaw ay isang makasalanan na walang maibibigay sa Diyos. At baka lamang, baka, ikaw ay maging bukas sa pakarinig ng mabuting balita na nilalagak ni Jesus ang katuwiran sa lahat na nanampalataya sa Kaniya. Hindi lamang na hindi tayo pinatuwid ng Diyos dahil sa ating mga gawa, ginawa Niyang matuwid ang mga makasalanan na hindi gumagawa ngunit nananampalataya lamang: ”Datapuwa’t sa kaniya na hindi gumagawa, nguni’t sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran” Roma 4:5
Tayo Ba Ay Matuwid Dahil sa Pananampalatayang Binuo ng Pag-ibig?
Ngayon sumapit na tayo sa sagot ni Luther sa tanong kung bakit hindi tayo magiging matuwid nang dahil sa pananampalatayang binuo ng pag-ibig. Ang dahilan ay ito ay isang payak at malinaw na kaligtasan ng dahil sa mga gawa. Wala isa man sa ating na umibig nang ganap. Wala sa atin na umibig sa ating kapitbahay, lalo na sa sanlibutan. Ang ating pag-ibig ay hindi tayo maililigtas. Ngunit ang ating kawalang kakayahang umibig ay may kakayahang hatulan tayo sa ilalim ng Kautusan. Walang pag-asa para sa atin duon. Ang tanging pag-asa natin ay ang ariing matuwid dahil sa pananampalataya kay Kristo, hiwalay sa mga gawa ng Kautusan. Ang fides caritate formata ay isa lamang uri ng legalismo:
“Bakit kung ganuon hindi pinapayagan [ni Luther] na tayo ay ariing matuwid ng pananampalatayang binuo ng pag-ibig? Marami ang masasabi sa bagay na ito ngunit sapat nang pansinin kung paanong ang kaisipan na ito ang pinakamataas na legalismo, at samakatuwid isang kaisipang natutuon sa tao. Ang kaisipang ang pananampalatayang binuo ng pag-ibig ang kundisyon upang ariing matuwid, ay nakasalalay sa pag-aakala na hindi tatanggapin ng Diyos ang tao na makisama sa Kaniya malibang taglayin muna nito ang pag-ibig na hinihingi, at sa ganuon ay maging katanggap-tanggap sa Tagabigay ng Kautusan. Kung hindi niya ito matatamo sa natural na kakayahan, ito ay dapat ‘ikabit’ sa kaniya sa pamamagitan ng supernatural na gawain ng biyaya. Sa madaling salita, ang tao ay dapat pabanalin ng ibang paraan upang maging matuwid sa harap ng Diyos na banal at matuwid. Ang prinsipyong iyan ang nasa ilalim ng doktina ng katuwiran ayon sa fides caritate formata. Wala itong pinagkaiba sa anumang mahalagang diwa mula sa ‘relihiyon ng gawa’, sapagkat ito ay sa kaniyang pinakadiwa, legalistiko” (P. 53, dinagdagang diin).