Ang buhay-Kristiyano ay higit pa sa pagtakas sa “impiyerno” o sa muling kapanganakan. Sadyang nakagugulat ang libreng regalo ng buhay na walang hanggan ngunit ito ay pasimula lamang. Si Jesus ay marami pang hinanda para saiyo.
Gaya ng?
Kasikatan?
Ngayon, hindi ko tinutukoy ang kasikatan ng sanlibutan- gaya ng pakikipag-agawan ng mga artista, manlalaro at mga social media influencers sa isa’t isa upang makuha ang pagkilala, paghanga ng mga tagahanga at malalaking mga sponsorships. Ang tinutukoy ko ay ang kasikatan kung saan ikaw ay kinilala ng Diyos, na matapos siyasatin ang iyong buhay, ay natutuwa sa iyong paglilingkod. Sa kaisipang Free Grace ang konseptong ito ay bahagi ng doktrina ng walang hanggang gantimpala, isang paksa na masusumpungan sa buong Kasulatan, ngunit hindi nabibigyang diin ng ibang tradisyong teolohikal. Kaya lagi akong natutuwa kapag ako ay nakasusumpong ng mga manunulat na labas sa sirkulo ng Free Grace na napapansin ang parehong pagbibigay diin ng Kasulatan. Halimbawa, si C. S. Lewis ay nakita ang mga pangako ng Kasulatan ng pagkilala sa hinaharap:
Hindi matatakbuhan ang katotohanan na ang ideyang ito ay pangunahin sa Bagong Tipan at sa mga sulat ng mga sinaunang Kristiyano. Ang kaligtasan ay laging nauugnay sa mga palma, korona, puting mga roba, at kagandahang hawig sa araw at mga bituin (“The Weight of Glory”).
Ngunit may mga tao na nahihirapan sa ideya ng pamumuhay upang magtamo ng mga korona, roba at trono, samakatuwid nahihirapan sila sa ideya ng paghahanap ng kasikatan at kaluwalhatian. Ang gawin itong iyong layunin ay tila baga pagiging makasarili at walang kapakinabangan. Ganito rin sa pasimula ang kaisipan ni Lewis:
… dahil ang kasikatan ay nangangahulugan na ikaw ay mas makikilala kaysa sa ibang mga tao, ang pagnanasa na sumikat ay para sa akin tila isang mapagkumpitensiyang kahalingan at nagmumula sa impiyerno at hindi sa langit (“The Weight of Glory”).
Ngunit ito nga ba ay nagmumula sa impiyerno? Sa madaling salita, sadya bang mali ang magnasa ng kasikatan? O baka naman may iba’t ibang uri ng kasikatan- ang iba ay makasanlibutan at ang iba ay maka-Diyos? Habang patuloy na pinagninilayan ni Lewis ang paksang ito sa liwanag ng Kasulatan at sa pamamagitan ng pagbabasa ng ibang manunulat, hindi naglaon nagbago ang kaniyang pananaw:
Nang simulan kong silipin ang bagay na ito, nagitla ako na masumpungan ang mga Kristiyanong gaya ni Milton, Johnson at Thomas Aquinas na nanghahawak sa makalangit na kaluwalhatian sa diwa ng kasikatan o magandang pagkilala. Ngunit hindi kasikatan na binigay sa atin ng ating mga kapwa nilalang- kasikatan sa Diyos, pagsang-ayon o (maaari kong sabihin) na “pagkilala” ng Diyos. At nang ito ay aking pagnilayan, nakita ko na ang pananaw na ito ay ayon sa Kasulatan; walang makahihiwalay sa parabula ng dibinong pagkilalang ito: “Mahusay, ikaw na mabuti at tapat na alipin.” Dahil diyan, ang malaking bahagi ng aking pag-iisip buong buhay ko ay nagiba na tila isang tumpok ng mga baraha (“The Weight of Glory”).
Kung pinakikita ni Jesus ang Kaniyang pagsang-ayon na ang isang bagay ay kanais-nais, hindi ba’t marapat lamang na nasain mo iyan?
Nagsimulang mag-iba ang kaisipan ni Lewis sa paksang ito. Kinumpara niya ito sa kasiyahan na nadarama ng isang bata sa pagsang-ayon ng kaniyang magulang:
Bigla kong naalala na walang sinuman na makapapasok sa langit maliban bilang isang bata; at walang mas lilinaw pa sa isang bata- hindi mayabang na bata ngunit mabait na bata- kaysa sa malaki at hindi natatagong kasiyahan sa pagtanggap ng papuri (“The Weight of Glory”).
Makasalanan ba sa isang bata na magkaroon ng kasiyahan dahil siya ay nasabihang mabuti ang kaniyang ginawa? Hindi. Mayroon bang pagkakamali ang isang bata kung naisin niyang pasiyahin ang kaniyang magulang? Muli, wala.
Kung ikaw ay nahihirapang nasain ang pagkilala ng Diyos, alalahanin mo ang kasiyahang dulot ng papuri ng iyong mga magulang at mga guro at kung paano lubos na nasisiyahan ang iyong mga anak kapag sila ay iyong pinupuri. Gayundin, naiisip mo ba ang kasiyahang iyong mararamdaman kung marinig mo kay Jesus na mahusay ang iyong mga gawa?