Isa sa madalas na tanong na aming natatanggap ay kung ano ang dapat gawin kung walang iglesia na Free Grace malapit sa iyo.
At ang isa sa pinakamadalas naming kasagutang ay, “Magsimula kayo ng isang pagtitipon sa inyong tahanan.”
Ngunit ang tao ay natatakot na magsimula nito. Bakit?
Ito ay marahil dahil tayo ay may malaki’t kumplikadong ideya kung ano ba dapat ang “iglesia”. Iisipin mo ang isang pormal na pagtitipon na kailangang ang mga gusali, mga silid-aralan para sa “Sunday school”, mga palatuntunang pambata, mga kagamitan, budget, entablado, mga manunugtog at mga sinanay na tagapagturo.
Noong 1827, nais ni Anthony Norris Groves na maging isang misyonaryo sa Persia, ngunit siya ay may lumalaking kumbiksyon laban sa ordinasyon. Tinanong niya ang Anglican Church Mission Society kung siya ba ay masusugo bilang isang layman. Sabi nila maaari siyang yumao, ngunit hindi siya maaaring magsimula ng Hapunan ng Panginoon. Para kay Groves, ito ay malaking suliranin. Kung siya ay magtungo sa lugar na may kakaunti o walang Kristiyano, saan siya hahanap ng pari na maaaring magsimula ng Hapunan?
Ngunit nang si Groves ay tumungo sa Kasulatan, isang bagay ang biglang naging malinaw sa kaniya: “ang kaisipan na pumasok sa aking isipan ay walang anumang uri ng ordinasyon upang mangaral ng evangelio ang hinihingi ng Kasulatan. Sa akin, ito ay pag-alis ng isang malaking bundok” (Dunn, Father of Faith Missions, p. 49).
“Magmula noon,” sulat ng tagapagsalaysay ni Groves, “kahit walang pahintulot o suporta ng anumang denominasyon, siya ay nangaral saan man siya pangunahan ng Panginoon, at siya ay nangunguna ng Hapunan ng Panginoon kasama ng sinumang umiibig kay Kristo” (Dann, Father of Faith Missions, p. 49).
Ito ay may epekto hindi lamang sa kaniyang pananaw ng misyon kundi pati sa kung paano dapat magtipon ang mga mananampalataya. Habang nakipag-usap si Groves sa kaniyang asawa at mga kaibigan, sila ay gumawa ng isang desisyon:
Sila ay magtitipon bilang isang samahan ng mga alagad, upang makibahagi sa turo ng mga apostol, pakikisama, panalangin at paghahati ng tinapay, na walang mga ministro, sakramento o anu mang uri ng alituntunin (Dann, Father of Faith Missions, p. 49).
Sa simula ang samahan ay maliit. Ngunit habang kumakalat ang salita, nalaman nila na may mga indibidwal na kaparehong isipan ang nagtitipon rin:
Pagsapit ng Nobyembre 1829, si Bellett, Cronin, Darby at isa pang kaibigan, si Francis Hutchinson, ay nagsimulang magtipon nang regular upang “maghati ng tinapay” sa may kalakihang bahay ni Hutchinson sa Fitzwilliam Square (Dann, Father of Faith Mission, p. 50).
Hindi lamang sila ang mga taong nagugutom sa mas biblikong pagtitipong Kristiyano. Hindi naglaon sila ay sinalihan ng iba pa:
Di-nagtagal sila ay nagdesisyon, sa ngalan ng pagkakaisa kay Kristo, na magtipon sa isa sa kanilang mga tahanan upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon nang sama-sama. Pinagpala nang husto ang oras na ito ng pagsamba anupa’t sila ay nagsimulang magtipon nang regular at hindi naglaon, may iba pa, lalaki at babae, ang nadagdag sa kanilang bilang. Ang kanilang mga pagtitipon ay pasadyang impormal, gaya nang inilalarawan sa Bagong Tipan (Dann, Father of Faith Mission, p. 50).
Hindi naman napakahirap pakinggan, hindi ba? Walang kumplikado sa ganitong uri ng pagtitipon. Hindi nangangailang ng espesyal na pagpaplano, pagsasanay o kagamitan. Bilang minimum, kayo ay “naghahati ng tinapay” at pinag-uusapan ang Panginoon.
Ang ilan sa mga lalaking ito ang kalauna’y naging mga lider sa Plymouth Brethren movement. At gaya nang inyong nalalaman, dalawandaang taon na ang nakalilipas, ang mga pagtitipong Brethren (at iba pang pagtitipong gumaya sa kanila) ay matatagpuan sa buong mundo. Ngunit ito ay nagsimula nang may mga magkakaibigan na sama-samang naghati ng tinapay.
Ang hamon ng pagsusulong ng biblikong soteriolohiyang Free Grace sa iyong bayan ay maaaring magsimula sa pagbawi nang mas biblikong eklesiyolohiya.