Ano ang maaaring mawala ng isang ligtas na mananampalataya nang dahil sa kasalanan?
Minsang nagbigay si Jesus ng isang Parabula ng Mina, kung saan ang isang maharlika ay tumungo sa isang malayong lupain upang tumanggap ng isang kaharian (hulaan ninyo kung sino Siya?). Ngunit bago siya umalis, iniwan niya sa kaniyang mga alipin (hulaan ninyo kung sino sila?) ang ilang salapi upang ikalakal, na ang bilin, “Ipangalakal ninyo ito hanggang sa aking pagbabalik” (Lukas 19:13). Sa pagbalik ng maharlika, sinuri niya kung ano ang ginawa ng mga alipin at ginantimpalaan sila ayon sa kanilang gawa. Ngunit, kaniyang natuklasan na hindi sila lahat pareparehong pinalad. Ang unang alipin ay kumita ng sampung mina at bilang kapalit ay ginantimpalaan ng pamamahala sa sampung lunsod. Ang ikalawang alipin ay kumita ng limang mina at binigyan ng limang lunsod. Ang ikatlong alipin ay walang ginawa sa kaniyang salapi. Ni hindi niya nilagak sa banko upang makatipon ng tubo. Ang resulta ay wala siyang natanggap na kahit isang lunsod. Sa katotohanan, naiwala niya kahit ang kakaunting nasa kaniya:
“At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina. At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya;y mayroong sangpung mina. Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa’t mayroon; datapuwa’t ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya” (Lukas 19:24-26).
Ang aliping iyan ay nawala ang gantimpalang maghari sa mga lunsod sa kaharian ng kaniyang Panginoon, ngunit hindi ito nangangahulugan na nawala ang kaniyang buhay na walang hanggan. Ang pagkakaiba ng buhay na walang hanggan at ng gantimpalang walang hanggan ay isang napakapangunahing aral sa biblikong pag-aalagad at sa isang ganap na pag-unawa ng walang hanggang kasiguruhan, anupa’t hindi ko matigil ang pagbibigay diin dito. Ang pagkaunawa ng pagkakaiba ng buhay na walang hanggan at gantimpalang walang hanggan ay nagbibigay liwanag sa napakaraming babala sa Kasulatan anupa’t mahirap ilista silang lahat.
Ngunit hayaan ninyong bigyan ko kayo ng isang halimbawa.
Hindi ko masabi kung ilang beses nang ginamit ang 2 Tim 2:11 bilang pagtutol sa walang hanggang kasiguruhan, ginagamit nila ito bilang patunay na mawawala ang walang hanggang buhay. Ngunit sa liwanag ng patunay ng Bibliya sa walang hanggang gantimpala, lalo na sa liwanag ng paghaharing kasama ni Kristo, tatanungin ko kayo, “Ano ba talaga ang babala ni Pablo rito?”
Tapat ang pasabi: Sapagka’t kung tayo’y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya: Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo: Kung tayo’y hindi mga tapat, siya’y nananatiling tapat; sapagka’t hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili (2 Tim 2:11-13).
“Kita mo!” sabi ng tumututol. “Ikakaila niya ang magkakaila sa Kaniya. Ano pa ba ang mas lilinaw? Nawala ang kanilang kaligtasan!”
Ngunit ito nga ba ang sinabi ni Pablo?
Ngayong ang konsepto ng paghaharing kasama ni Kristo ay nasa inyong mga radar, basahin muli ang babala ni Pablo kay Timoteo. Ano ba ang matatamo o mawawala ng isang mananampalataya?
Kung tayo’y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya.
Ano ba ang ibig sabihin ng maghaharing kasama Niya? Ito ay ang paghaharing kasama ni Kristo sa Kaniyang kaharian, gaya ng nasa Parabula ng Mina. Ano ang kailangan upang magharing kasama ni Kristo? Pananampalataya lamang ba? Hindi. Kailangan mong magtiis. Sa buhay na ito ng pagsubok, ng kaguluhan, at ng paghihirap, kailangan mong magtiis sa pananampalataya at mabuting gawa sa paglilingkod kay Kristo. At kung ikaw ay makakatiis sa paglilingkod na iyan, ikaw ay gagantimpalaan ng paghaharing kasama ni Kristo.
Ano ang mangyayari kung ikaw ay nakapagtiis? Ano ang mangyayari kung ikaw ay nalibang ng buhay na ito, napaibig ng sanlibutan at ginawa mo ang kasiyahan ng iyong laman ang iyong pangunahing layunin sa iyong buhay?
Kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo.
Kung ikaila natin si Kristo, ano ang mawawala saiyo? Hindi binanggit ng direkta ni Pablo ngunit ito ay pinahihiwatig sa nakalipas na sitas: ikakaila Niya sa atin ang karapatang magharing kasama Niya. Ikaw ay matutulad sa masamang alipin sa parabula ng mina, ie, wala kang lunsod na paghaharian at kahit ang kaunti na nasa iyo ay aalisin at ibibigay sa aliping nagtiis at nagsikap sa pangangalakal.
Bilang paglilinaw, ang mga mananampalatayang nawalan ng karapatang maghari kasama ni Kristo ay ligtas pa rin at may walang hanggang kasiguruhan. Ito ay usapang gantimpala, hindi usapang kaligtasan. Ang ipagkaila saiyo ang karapatang maghari kasama ni Kristo ay nangangahulugan ng mas limitadong paglilingkod kay Jesus. Hindi ba’t ito ay isang seryosong negatibong konsekwensiya? Hindi mo ba nais na mapaglingkuran ang Panginoon sa paraang pinakakaaya-aya sa Kaniya? Kung oo, mabuhay ka sa paraang matatamo ang Kaniyang pagsang-ayon- magtamo at maghari.