Hindi lahat ng lokal na iglesia ay espiritwal na malusog.
Ang iba ay masagana, ngunit ang iba ay matamlay.
Ang ilan ay nabubugkos ng maibiging layunin, habang ang ibang iglesia ay nahahati, mapaghati at nanghihina.
Kapag ang isang tao ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, mula sa puntong iyan, walang makapaghihiwalay sa kaniya sa pag-ibig ni Kristo (cf. Rom 8:35). Ang mananampalataya ay ginagarantiyahan na makakasama ang Panginoon, siya may ay gising o tulog moral (cf. 1 Tes 5:10). Subalit walang garantiya na ang lokal na iglesia ay mananatili kailan pa man. Ang pagkaunawa sa pagkakaiba ng dalawang ito ay bahagi ng isang balanseng paniniwala sa walang hanggang katiyakan at mas maiging pagkaunawa sa mga babala ng Kasulatan.
Halimbawa, sa Aklat ng Pahayag, si Jesus ay may diniktang mga sulat sa nagkailang iglesia. Ito ang sabi ni Jesus sa iglesia sa Efeso:
“Sa anghel ng iglesia sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na yaong lumalakad sa gitna ng pitong kandelerong ginto: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila’y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan; At may pagtitiis ka at nagbata ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod” (Pah 2:1-3).
Ang mga taga-Efeso ay mahusay sa pagsubok at pagdiskubre ng mga bulaang apostol. At sila ay hindi tumigil sa paggawa para kay Jesus. Subalit, bagama’t ang kanilang panlabas na gawain ay tila maganda, may hindi tama sa kanilang motibasyon:
Nguni’t mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pagibig. Kaya’t alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka (Pah 2:4-5).
Ang mga taga-Efeso ay naglilingkod sa Diyos ngunit ang kanilang paglilingkod ay kulang sa napakahalagang sangkap- pag-ibig. Sila ay kumikilos sa panlabas na kilos ng pagiging alagad Kristiyano, ngunit ito ay hindi nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Gaya ng minsang sinulat ni Pablo sa mga taga-Corinto:
At kung magkaroon ako ng kaloob ng panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa’t wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa’t wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin (! Cor 12:2-3).
Bilang isang lokal na iglesia, ang mga taga-Efeso ay iniwan ang kanilang unang pag-ibig, at ito ang dahilan kung bakit ang kanilang mga gawa ay walang kapakinabangan. Dahil dito sila ay tinatawagan ng Panginoon na “magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa.” Naalala mo nang ikaw ay bagong mananampalataya at nagliliyab para sa Panginoon? Naalala mo ang mga unang buwan ng iyong kasal, nang kayo ay marubdob na nag-iibigan? Ganiyan ang apoy na kailangan ng mga taga-Efeso upang muling magliyab para kay Jesus. Ngunit walang garantiya na gagawin iyan ng mga taga-Efeso. Ang babala ni Jesus, “kung hindi paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelerosa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka.” Ano ang ibig sabihin nito?
Alam natin na ang kandelero ay kumakatawan sa lokal na iglesia (Pah 1:20). Sa madaling salita kung nagbababala si Jesus na aalisin ang kandelero ng mga taga-Efeso, ito ay babala ng napipintong pagsara ng kanilang iglesia. Gaya ng sinulat ni William MacDonald, “ang katipunan ay titigil sa pag-iral. Ang kaniyang patotoo ay mamamatay” (Believer’s Bible Commentary, p. 2356).
Kapag ang isang ligtas na mananampalataya ay nagpatuloy sa kasalanan, hindi nila maiwawala ang kanilang kaligtasan, subalit maaaring isarado ni Jesus ang pintuan ng kanilang lokal na iglesia. Ang kasalanan ay maaaring mag-iwan ng lokal na iglesia sa pagkaguho. Maaari mo pa ring bisitahin ang mga guho sa Efeso ngayon.