Ano ba ang pwedeng mawala sa mga mananampalataya dahil sa kasalanan?
Marami ang nag-aakusa sa Free Grace sa panghahawak sa walang hanggang kasiguruhan habang winawalang bahala ang mga babala ng Kasulatan. Hindi yan totoo. Sa kabalintunaan, seryoso naming kinikilala ang mga babalang ito. Higit sa lahat, kinikilala naming ang mga ito ayon sa konteksto. Halimbawa, ayon kay Santiago ang kasalanan ay nagbubunga ng kamatayan:
Kung magkagayo’y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan. (Santiago 1:15)
Ang buhay na walang hanggan ay walang hangganan. Kapag ito ay nakamit mo na, sa iyo na ito magpakailan pa man. Ngunit totoo ba ito sa ating mga pisikal na buhay? ito ba ay nagpapatuloy kailan pa man?
Hindi.
Malibang kung ikaw ay buhay sa oras ng Rapture, ikaw ay mamamatay pisikal. At gaya ng babala ni Santiago, ang kasalanan ay kayang madaliin ang proseso. Batid mo ba na ang isa sa mga bunga ng kasalanan ay maaari ka nitong dalhin sa maagang libingan?
Ganiyan ang nangyari sa mga taga-Corinto na nagpapakita ng paghamak sa bawat isa sa Hapunan ng Panginoon:
Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. (1 Cor 11:30)
Ang mga taga-Corinto ay mga pinanganak na muli, puspos ng Espiritu, at namatay nang malaon dahil sa kasalanan. Hindi mo maiwawala ang iyong kaligtasan, ngunit maaari mong maiwala ang iyong buhay!
Gayundin naman nagbabala si Juan sa nakamamatay na bunga ng kasalanan:
Kubng makita ng sinoman na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala nang hindi ikamamatay: hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin niya. Lahat ng kalikuan ay kasalanan: at may kasalanang hindi ikamamatay. (1 Juan 5:16-17)
Ayon kay Zane Hodges, may kakaiba sa sinabi ni Juan. Dahil ang lahat ng kasalanan ay maaaring magdulot ng kamatayan (ayon sa San 1:15), bakit sinabi ni Juan na may kasalanang nakamamatay, at mayroong hindi? Ang paliwanag ni Hodges, ang ibig tukuyin ni Juan ay may mga kasalanang direktang nagdudulot ng kamatayan. Isipin mo si Ananias, si Sapphira at ang mga taga-Corinto. Ang paliwanag ni Hodges, ang mga nakamamatay na kasalanang ito ay may kinalaman sa “mahigpit na paglabag sa kabanalan ng pagtitipong Kristiyano” (Hodges, The Epistles of John, p. 233). Sang-ayon si Tony Evans,
Ito ay kasalanang nagdudulot ng pisikal na kamatayan ng isang mananampalataya. Nakikita natin ang mga halimbawa nito sa Kasulatan nang iuwi ng Diyos bago ang kanilang kapanahunan ang mga mananampalatayang hindi nagisisisi (tingnan 1 Cor 3:16-17; 11:30). Ang mga ito ay kalimitang malaking kasalanan sa katawan ni Kristo. Hindi tinatanaw dito ang kasalanan pinanlalabanan ng mga mananampalataya (lalo’t ang simbahan ay ospital para sa mga makasalanan) ngunit ang matigas ang ulong hangal na mayroong marahas at walang maibiging pag-uugali sa bayan ng Diyos.
Kapag may nanggulo sa sambahayan ng Diyos, maaari siyang makaranas ng matinding disiplina mula sa Panginoon (The Tony Evans Bible Commentary, p 1379).
Ayon kay Hodges at Evans, kapag ang iyong gawain ay makasasakit sa simbahan, maaari kang makaranas ng matinding disiplina hanggang kamatayan.
Subalit, napapaisip ako kung si Juan ay mayroong mas malawak na punto tungkol sa lahat ng uri ng kasalanan. Hindi ba’t karaniwang kaalaman na may mga kasalanang mas nakamamatay kaysa sa iba? Halimbawa, ang kawalan ng pasensiya sa iyong mga anak na nagkakalat sa iyong bahay ay isang kasalanan (cf. Ef 4:2). Subalit mamatay ka bang direkta mula rito? Marahil hindi. Ngunit anong maaaring mangyari kung ikaw ay magnakaw sa isang sindikato ng droga? Ang kasalanan ay nakamamatay. Ngunit may mga kasalanang mas nakamamatay kaysa sa iba.
Si R. B. Thieme ay may termino para sa mga Kristiyanong naghihimagsik laban sa Diyos: reversionism. Ayon sa paliwanag ni Thieme, ang mananampalataya ay bumabalik (reverts) sa kaniyang dating kalagayan na nag-iimbita ng disiplina ng Diyos:
Ang kasalanang nagdudulot ng kamatayan ay pinapataw lamang pagkatapos ng matagal at hindi nakokontrol na rebersiyonismo, pagkatapos na mabigo na tumugon sa babala at matinding disiplina (Jer 44:9-12; Ezek 20:13; Filipos 3:18-19). Ang panghuling pagkawasak na ito ay nagtatapos lamang sa buhay na ito at hindi nangangahulugan ng pagkawala ng kaligtasan (Thieme, Reversionism, p. 46).
Ang huling punto ni Thieme ay mahalaga para sa isang ganap na pagkaunawa ng walang hanggang kasiguruhan. Minsan maligtas, ligtas kailan man; hindi ito nangangahulugang ang mga mananampalataya ay maaaring magkasala ng walang konsekwensiya. Higit sa lahat mababasa mo ang mga babala ayon sa kaniyang konteksto. Kung ang sitas ay nagbababala ng pagkawala ng iyong pisikal na buhay, hindi mo ito dapat ipakahulugan na pagkawala ng buhay na walang hanggan. Kung si Santiago ay nagbababala na ang kasalanan ay nakamamatay, iyan ang ibig niyang sabihin.
Sa kabuudan, ang imoralidad ay nakamamatay- kahit pa sa mga ligtas nang mananampalataya, at iyan ay isa pang dahilan upang tumigil sa pagkakasala.