Totoo ba na “Ang lahat ng pag-ibig ay pag-ibig”?
Hindi.
Hindi lahat ng tinatawag ang kaniyang sarili na pag-ibig ay nangingibig.
Hindi lamang iyan, hindi lahat ng pag-ibig ay magkakatumbas.
Alam mo ba na kahit ang hindi mga Kristiyano ay maaaring maging halimbawa kung paano ibigin ang iba? Sabi ni Jesus, “At kung kayo’y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? Sapagka’t ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila’ (Lukas 6:32).
Kahit ang mga hindi mananampalataya ay umiibig din. Si Jesus mismo nagsabi niyan. Maaari silang magpasimula ng mga karidad, mag-alay ng kanilang oras at pera, at subukang bawasan ang paghihirap ng iba dito sa bayan natin at sa ibang bayan. Bilang mga Kristiyano hindi nating kailangang isawalang bahala ang kanilang pag-ibig.
Ang totoo, alam mo bang ang mga Kristiyano, magpa-indibidwal man o bilang isang katawan, ay maaaring mamuhay nang mababa pa sa minimum na pamantayan ng pag-ibig?
Alam mo bang ang mga simbahan ay maaaring umasal na masahol pa sa mga hindi mananampalataya? Iyan ang dahilan kung bakit binalaan ni Pablo ang mga taga-Galacia laban sa pagkakagatkagatan at paglilipulan ng bawat isa (Gal 5:15)- ito ay maaaring mangyari! Ilang simbahan na ba ang “nang-iwan sa kanilang unang pag-ibig” (Pahayag 2:4)?
Minsan ang mga hindi mananampalataya ay mas mahusay umibig kaysa sa mga mananampalataya. Sa papel, iyan ay isang mababang pamantayan. Gaya ng aking nabanggit na, hindi lahat ng pag-ibig ay magkakatumbas. Bagama’t ang mga makasalanan ay umiibig sa mga umiibig sa kanila, si Jesus ay tumatawag sa iyo sa mas mataas na daan. Bigyang pansin ang dalawang “bawa’t isang” mga utos na ito:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa. Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:34-35).
“Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo” (Juan 15:12).
“Isang bagong utos.” “Ang aking utos”. Sa anong diwa ang utos ni Kristo bago o kaya ay Kaniya?
Hindi ba’t ang Kautusan ni Moises ay nag-utos ng pag-ibig, “iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili.” Subalit ang pamantayan sa pagtrato sa iba ay gaya ng pagtrato mo sa iyong sarili. Bagama’t iyan ay isang matalinong gamit ng natural na sariling pang-interes ng tao bilang motibasyon sa paggawa ng mabuti sa iba, ang pag-ibig na ito ay nalilimitahan ng katotohanang ang mga inabuso, nawasak o makasalanang tao ay hindi alam kung paano ibigin ang kanilang mga sarili.
Ngunit ang “bagong utos” ni Jesus ay binago ang pamantayang ito, hindi ba?
Ayon sa mga utos na ito, ang pamantayan sa kung paano umibig ay hindi kung paano mo ibigin ang iyong sarili kundi kung paano ka inibig ni Jesus! Samakatuwid, ang “bagong utos” ni Jesus ay nakatuon kay Kristo.
Paano umibig si Jesus?
Basahin ang Kaniyang mga aral (hal. Ang Sermon sa Bundok), ngunit higit diyan, pagmunihan ang halimbawa ng Kaniyang buhay.
Sa isang dako, ang pag-ibig ni Jesus ay “napakakaraniwan” gaya ng pag-ibig na Kaniyang pinakita nang Siya ay kumain kasama ng mga tinanggihan ng lipunan. Kaya rin nating gayahin ito.
Sa ibang dako, ang Kaniyang pag-ibig ay lubhang kakaiba gaya ng Kaniyang ibangon ang namatay na anak na lalaki ng isang babaeng balo (Lukas 7:11-14) o gaya ng pagpigil Niya sa pagbitay ng babaeng nahuli sa pangangalunya.
Ngunit ang pinakamataas na pagpapakita ng Kaniyang pag-ibig ay nang mamatay Siya sa krus para sa Kaniyang mga kaaway (cf Rom 5:7-10). Kaya mo bang gawin iyan? Ganyan ba ang pag-ibig na naglalarawan sa iyong buhay-simbahan?
Imbes na sabihing, “Ang lahat ng pag-ibig ay pag-ibig,” ang pamantayang Kristiyano ay, “Ang Kaniyang pag-ibig ay pag-ibig.”