Karamihan sa mga relihiyon ay napakakumplikado sapagkat ang kanilang sistema ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ay nakasalalay sa iyong pagsunod sa mga detalyadong batas, ritwal at mga listahan ng pagsusundin upang makaakyat sa langit.
Kabaligtaran sa mga ito ang Biblikong Kristiyanismo (at sa implikasyon ay Free Grace Theology) ay napakasimple.
Paano?
Sa tingin ko ay mabubuod mo ang “katungkulang” Kristiyano sa tatlong salita:
- May isa lamang na kundisyon para magkaroon ng buhay na walang hanggan: manampalataya kay Jesus. Karamihan sa mga relihiyon ay nagtuturo ng mga gawa upang maligtas. Hindi si Jesus. Sa kabalintunaan, ginawa ni Jesus ang lahat ng trabaho sa krus upang ikaw ay magkaroon ng buhay na walang hanggan bilang isang regalo (Ef 2:8-9). Binayaran ni Jesus ang halaga ng kaligtasan upang ito ay iyong matamo nang walang bayad. Paano mo ito natanggap? Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus para rito:
Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16)
- Pagkatapos mong manampalataya, saka pa lamang tunay na magsisimula ang pakikipagsapalarang Kristiyano. Nais ng Diyos lumago ka sa pakikipagkaibigan mo kay Kristo (Juan 15:15). Nais Niya hindi lamang na magkaroon ka ng buhay, ngunit magkaroon ka ng masaganang buhay (Juan 10:10). Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng pananatili kay Jesus. Nangangahulugan ito ng pagbabasa ng Salita ng Diyos at hayaan nating ang mga aral ni Kristo ay “tumatak sa isipan.” Makinig sa Kaniya. Isipin ang Kaniyang tinuro. Pagnilayan ang Kaniyang mga salita, at hayaan ang mga ito na humamon, tumama, humimok at bumago ng iyong isipan. Kung ikaw ay mananatili sa Kaniya, ikaw ay magiging mabunga:
Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. Kung kayo’y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo. Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad. (Juan 15:5-8)
- Ano ang hinihingi saiyo ng Diyos? Ibigin mo ang iyong kapwa. Isipin mo ito- binigyan ka ng Diyos ng libreng kaligtasan upang huwag mong ubusin angiyong buhay sa pagiging relihiyosong nagsisikap na iligtas kaniyang sarili. Sa halip, niligtas ka upang iyong magawang ibigin ang iyong kapwa sa anumang paraan na kailangan siyang ibigin. Kung may nakita kang pangangailangan na kaya mong tugunan, tugunan mo ito. Ingatan mo ang iyong pamilya, pakainin ang dukha, saplutan ang hubad, alalayan ang mga balo, kaibiganin ang mga ulila, sulatan ang mga bilanggo, at gawin ang anumang kabutihan na maari mong gawin:
Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa. (Juan 13:34).
Ang Biblikong Kristiyanismo ay simple, ngunit hindi ko sinabing madali.
Hindi madali panampalatayahang si Jesus ay nagbigay sa iyo ng buhay na walang hanggan bilang isang libreng regalo.
Magbibilang ng taon na pananatili sa Salita ng Diyos upang ito ay magkaroon ng epekto sa iyong pag-iisip at pamumuhay.
At gaya ng iyong nalalaman, ang sanlibutan ay puno ng walang hanggang pangangailangan, kaya ang pag-ibig sa iyong kapwa ay nangangailangan ng malaking pagsasakripisyo sa sarili.
Hindi, ang Kristiyanong pamumuhay ay hindi madali.
Ngunit ito ay simple: manampalataya, manatili at umibig.