Panimula
Isang kaibigan ang kamakailan ay nagtanong sa akin na may kinalaman sa evangelismo. Paano natin madedetermina kung ang isang tao ay nanampalataya sa nagliligtas na mensahe kapag tayo ay nagpapahayag ng mensahe ng buhay na walang hanggan?
Sa maraming pagkakataon, kapag ang mga iglesia o mga misyonaryo ay nagbibigay ng evangelio, may pagnanasang ikumpirma kung ang mga tao ay naligtas. Dahil sa pagnanasang ito, maraming laganap na tradisyun ang nadebelop. Maaaring hilingan ng pastor ang mga bagong kumberto na magtaas ng kanilang mga kamay o lumakad paunahan upang patunayang sila ay “totoong” nanampalataya. Isa ring karaniwang metodo ay ang pangungunahan ng evangelista ang tao sa isang “dalangin ng makasalanan.” Ang mga misyonaryo ay umuuwi na nag-uulat ng daang libong “nakarating sa pananampalataya” sa kanilang panahong sa ibang bansa. Kapag tinanong mo sila kung paano nila nadetermina ang mga numerong ito, marami ang sasagot na binautismuhan nila ang mga bagong mananampalataya. Parehong mga akto ng patunay ang tumatagos sa lahat ng mga iglesia sa buong mundo. Ang mga ito ay madalas gawin upang “selyuhan ang usapan” matapos ibahagi ang nagliligtas na mensahe. Ang evangelista ay hindi makatitingin sa isang tao ay malaman kung sila ay nanampalataya, kaya marami ang naghahanap ng at sinasanay sa mga karagdagang hakbang na ito.
Ang problema sa mga halimbawang ito ay tumuturo ang mga ito sa panlabas na aksiyon bilang patunay o balidasyon ng kaligtasan. subalit, ang mga hindi mananampalataya ay hindi naligtas dahil tinaas nila ang kanilang kamay o lumakad paunahan o sa anupamang karagdagang hakbang. Ang hindi mananampalataya ay naligtas nang siya ay manampalataya kay Jesus para sa regalo ng buhay na walang hanggan (Juan 1:12; 3:16; 5:24; 6:40, 47). Ang nakalulungkot, kapag idinagdag ng mga evangelista ang mga arbitraryong hakbang na ito, ang kalituhan ay sumusunod. Ang pagdagdag ng mga hakbang na ito ay nagreresulta sa ibang isiping ang mga ito ay kailangan sa kaligtasan. Winawalang bahala nito ang mensahe ng buhay na walang hanggan bilang isang libreng regalo (Ef 2:8-9; Juan 4:10, 14).
Isa pang signipikanteng isyu ay wala sa Biblia ang mga karagdagang hakbang na ito. Kapag ating pinansin ang Evangelio ni Juan, ang tanging evangelistikong aklat sa Biblia (Juan 20:30-31), wala sa mga subhetibong karagdagang ito ang masusumpungan. Ang ilang manunulat ay pinansing ang pinakamalapit sa “imbitasyon” ng Panginoon ay masusumpungan sa Juan 11:25-26.
Kinakausap ng Panginoon si Martha at ibinabahagi ang nagliligtas na mensahe sa kaniya, na sinasabi:
“Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Ang sinumang sumampalataya sa Akin, bagama’t siya ay mamatay, ay muling mabubuhay. At ang sinumang buhay at manampalataya sa Akin ay hindi mamamatay. Sinasampalatayahan mo ba ito?”
Matapos ihayag ang nagliligtas na mensahe, tinanong siya ng Panginoon kung sinasampalatayahan niya ito. Hindi humiling ang Panginoon ng ilang akto ng pagsunod mula kay Martha upang patunayang siya ay nanampalataya. Hindi Niya hiningi sa kaniyang itaas ang kaniyang kamay, mabautismuhan o lumakad paunahan. Tinanong lamang ng Panginoon si Martha kung sinampalatayahan niya ang mensaheng Kaniyang ibinahagi. Ang Kaniyang halimbawa ay dapat nating sundan. Kapag nagbabahagi ng mensahe ng buhay na walang hanggan, anumang sumusunod na pag-uusap ay dapat nakatuon sa pagkumpirma na ang tao ay nakumbinse ng nagliligtas na mensahe at hindi sa kung anong gawa.
Ang tanong ng aking kaibigan ay nagbibigay-tinig sa pagnanais ng maraming masigurong sila ay malinaw sa pagbabahagi ng nagliligtas na mensahe. Minsan tayo ay nag-eevangelio at inaakala nating tayo ay malinaw ngunit kalauna’y nalaman nating nalilito pa rin ang kausap natin. Maaari nating ipaliwanag ang Juan 3:16 o Ef 2:8-9 ngunit ang hindi mananampalataya ay lalakad palayo na iniisip na maaari nilang maiwala ang kanilang kaligtasan. Ano ang maaari nating sabihin o itanong mtapos magbahagi ng mensahe ng buhayupang masigurong tayo ay nauunawaan. Nais kong magbigay ng ilang mungkahi.
Una, gayahin natin ang halimbawa ng Panginoon. Tanungin natin sila kung sinampalatayahan nila ang ipinangako ng Panginoon sa mga pasaheng ito. Tanungin natin sila kung sila ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, at kung naunawaan nilang ang buhay na ito ay hindi maiwawala kailan man.
Ikalawa, kung sinabi nilang oo, sila ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, tanungin natin sila ng “kahit pa” na mga tanong.
Narito ang ilang halimbawa:
Mayroon ka pa rin bang buhay na walang hanggan kahit pa tumigil kang dumalo sa iglesia?
Mayroon ka pa rin bang buhay na walang hanggan kahit pa magsinungaling o mangalunya ka?
Mayroon ka pa rin bang buhay na walang hanggan kahit pa “punan mo ang puwang.”
Ang metodo ito ay may nagawang dalawang bagay. Tinatanggal nito ang anumang kalituhan tungkol sa karagdagang aksiyon. Hindi ka nagdaragdag o humahanap ng panlabas na patunay sa pamamagitan ng isang gawa gaya ng panalangin o pagtaas ng kamay. Ikalawa, ito ay nagibbigay sa evangelista ng kalinawan sa kung ano ang sinasampalatayahan ng tao. Kung sila ay nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan at naunawaan na ang buhay na ito ay hindi maiwawala, ang sagot ay palaging “oo.” Kahit pa sila ay nahulog sa kasalanan, mayroon pa rin silang buhay na walang hanggan, dahil ang buhay na walang hanggan ay hindi maiwawala. At kung sila ay nanampalataya sa mensahe, sila ay may kumpiyansang sasagot ng “oo.” Sa aking personal na karanasan, maraming tao ang nagsimulang magdagdag sa aking mga halimbawa ng “kahit pa: na pahayag. Ang layon ay mayroon silang katiyakan ng kaligtasan kahit pa mabigo sila kalaunan. Subalit, kung sila ay lito pa rin, sila ay hindi tiyak sa kanilang sagot, o sasagot ng “hindi” sa ilan sa mga “kahit pa” na tanong. Sa kasong ito, hinihikayat ko ang evangelistang bumalik sa nagliligtas na mensahe at sa pangako ng buhay na walang hanggan bilang isang regalo na hindi maiwawala.
Sa 2 Timoteo 2:13, ang Apostol Pablo ay may binanggit na kahanga-hangang pahayag na ito tungkol sa ating Tagapagligtas at Kaniyang katapatan:
“Kung tayo ay hindi tapat,
Siya ay nananatiling tapat;
Hindi Niya maitatakwil ang Kaniyang sarili.
Sa madaling salita, ang apostol ay nagbigay ng isang “kahit pa” na pahayag. Kahit pa tayo ay hindi tapat, ang Panginoon ay nananatiling tapat. Nangako Siyang lahat ng sumampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan (Juan 3:16; 5:24; 6:40, 47; 11:26-27). Kahit pa tayo mabigo, ang Kaniyang pangako ay magpakailan man. Sinasampalatayahan mo ba ito?