Ang “Bulwagan ng Pananampalatayang” masusumpungan sa Hebreo 11 ay nagbibigay sa atin ng lista ng mga bayani ng Lumang Tipan, kabilang na ang mga lalaking gaya ni Noe, Moises at Abraham. Ilang babae ng pananampalataya rin ang nakabilang sa listahan. Madalas tingnan bilang mga higante ng pananampalataya, ang mga taong ito ay iniharap sa atin bilang mga Olimpianong nakatayo sa kanilang mga tuntungan sa isang seremoniya ng paggantimpala. Sila ay mga tapat na mananampalataya, karapat-dapat ng ating pansin at imitasyon.
Subalit, nakatago sa listahan ng mga “bayani,” ang may-akda ng Hebreo ay dinala rin sa ating atensiyon ang apat na taong tila hindi nararapat.
Sa v. 32 sinulat ng may-akda ng Hebreo:
At ano pa ang aking sasabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang patungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte…”i
Sa listahang ito, may nabanggit na apat na lalaking nasumpungan sa aklat ng mga Hukom: sila Gideon, Barac, Samson at Jefte.
Ito ay kakatwang karagdagan para sa may-akda ng Hebreo. Kapag tayo ay bumalik sa Aklat ng Mga Hukom at binigyang-pansin ang mga tala ng mga lalaking ito, hindi tayo matatagalan bago natin makitang sila ay may seryosong kakulangan.
Sa kaso ni Gideon, ang may-akda ng Hukom ay nagpinta ng isang nerbiyoso at hindi mapagtiwalang halimbawa ng isang mananampalataya. Una, sinubok niya ang Panginoon gamit ang balat ng tupa. At nang iyan ay hindi pa sapat, ginawa niya itong makalawa nang may ibang estipulasyon (Hukom 7:36-40). Kalaunan, kumuha ng ginto si Gideon mula sa bayan ng Israel, at hinulmang maging efod (Hukom 8:24-29). Sinabi sa atin na dahil dito ang bansa ay naging patutot, at ito ay naging katitisuran para kay Gideon at sa kaniyang pamilya. Samakatuwid tinapos ni Gideon ang kaniyang buhay, na pinangunahan ang bansa, at ang kaniyang pamilya, muli sa daan ng idolatriya at kapahamakan.
Kapag tiningnan natin si Barac, nakita rin natin ang kaparehong kakulangan. Sa Hukom 4, nabasa natin ang kwento ni Barac at Debora. Inalok ng pagkakataon si Barac upang gapiin ang kaaway ng Israel, kabilang ang kanilang pinunong si Sisera sa isang digmaan. Sinabi ni Debora kay Barac na kung siya ay lalaban kay Sisera, ibibigay ng Panginoon ang pinuno sa kaniya, at kaniyang aariin ang tagumpay at pagkilala (4:7). Subalit tumangging makidigma si Barac nang hindi kasama si Debora. Dahil sa kaniyang kaduwagan, ang pagkilala ng paggapi kay Sisera ay napunta sa isang babae (Hukom 4:8-9). Samakatuwid, si Barac ay nakilala sa kasaysayan bilang isang lalaking nagtago sa saya ng isang babae at naiwala ang pagkilala bilang tagagapi ng kaaway ng Israel.
Pagkatapos inilista ng may-akda ng Hebreo si Samson. Marahil, pinakakilala sa apat, si Samson ay habambuhay na babaero. Pinakasalan niya ang isang pagano (Hukom 14:1-3), tumabi sa isang patutot sa Gaza (16:1) at sa katapusan ay namatay dahil sa kaniyang pagkasangkot sa patutot na si Delila (Hukom 16:4ss). Ang kaniyang habituwal na imoralidad sekswal ay hindi maitatanggi, subalit ito ay madalas na sinasantabi kapag pinag-uusapan ang lalaking ito.
Sa katapusan, mayroon tayong tala ni Jefte (Hukom 11:1ss).
Anak ng isang patutot, si Jefte ay pinakilala bilang isang pinalayas at kumikilos kasama ang isang grupo ng mga tulisan (v3). Ginamit siya ng Panginoon upang gapiin ang kaaway ng Israel, ngunit pumayag lamang siyang lumaban kung ang mga matatanda ay pumayag na gawin siyang pinuno nila (vv 9-11). Sa madaling salita, hindi tumungo sa digmaan si Jefte nang dahil sa kabutihan ng kaniyang puso; ito ay isang negosyong pagkakaperahan. At ang nagpasahol pa sa sitwasyon, sumumpa si Jefte na ang kaniyang nag-iisang anak ang nagbayad sa kaniyang pagkakamali.ii Kapag binasa mo ang tala ni Jefte, ang masusumpungan mo ay isang lalaking ang pananampalataya ay nalililiman ng kahangalan at kapakinabangan sa sarili.
Sa listang ito ng apat na lalaki, wala tayong mga makinang na halimbawa ng mga mananampalatayang walang kasalanan. Sa halip, nakikita natin ang mga nagkakamali at magugulong lalaking mas akmang humanay sa harap ng mga pulis, at hindi sa hanay ng mga Olimpiano.
Ang isang mananampalataya ba ay maaaring mamuhay sa kasalanan? Ang isa bang mananampalataya ay maaaring magkaroon ng pag-aalinlangan, makibaka sa kaduwagan o gumawa ng mga hangal na desisyong mayroong pangmatagalang konsekwensiya?
Ang isa bang lalaking gaya ni Samson, isang habambuhay na babaero, at isang sekswal na imoral na lalaki, ay maaaring maging isa sa mga dakilang bayani ng pananampalataya?
Ayon sa may-akda ng Hebreo, oo. Sa kabila ng mga malilinaw na halimbawang ito, ito ay ay madalas na itanggi ng karamihan sa Sangkristiyanuhan. Ang mga Arminian ay magsasabing naiwala ng mga lalaking ito ang kanilang kaligtasan. Ang mga Calvinista ay magsasabing ang sinuman namumuhay sa kasalanan ay patunay na hindi talaga siya ligtas sa pasimula pa lamang.
Ganuon pa man, ang mga ito ay masusumpungan sa Bulwagan ng Pananampalataya. Ang may-akda ng Hebreo ay hinila ang mga magugulo’t imperpektong lalaking ito at sinabing sila ay marapat gayahin.
Sa paanong paraan?
Tunay, na ang nasa isip ng may-akda ng Hebreo ay ang temang kumon sa apat na ito. Ang apat ay nagtiwala sa Diyos at humarap sa kanilang mga kaaway. Sabihin nang mas maigi sana kung sila ay handang lumabas nang walang balat ng kasiguruhan ng mga tupa. Ganuon pa man, lumabas sila sa pakikibaka. Para sa mga mambabasa ng Hebreo, ito ay signipikante, sa kanilang pagharap sa kanilang sariling mga kalaban. Si Gideon ay nerbiyoso, si Barak ay kailangan ng babae, at si Jefte ay nangangailangan ng suhol, ngunit sa katapusan ng araw, lumabas sila sa digmaan at ginawa ang inutos sa kanila ng Diyos.
Marapat na bigyang pansin ang mga kasalanan ng mga lalaking ito ay may konsekwensiya. Naiwala ni Barak ang pagkilala bilang tagagapi ni Sisera, naiwala ni Jefte ang kaniyang anak na babae, at naiwala ni Samson ang kaniyang buhay. bagama’t hindi maiwawala ng mga mananampalataya ang kanilang buhay na walang hanggan dahil sa kabiguan, maaari nating maiwala ang ating mga pribilehiyo, gantimpala at pagkilala kapag tayo ay nagkasala. Ang mga lalaking ito ay nagtuturo rin sa ating may konsekwensiya ang pagsuway.
Marami sa Sangkristiyanuhan ang lumalayo sa sitas na ito sa Hebreo 11. Nilalagpasan nila ang mga listahang ito ng depektibong bayani at nais lumukso sa mga “dakila.” Ang bigo nilang makita ay kung titingin ka lamang sa mga bayaning walang kapintasan, mauuwi ka mga tuntungang walang laman.
Sa kabaligtaran, ang may-akda ng Hebreo ay nagsasabing maraming matututunan sa mga imperpektong lalaking ito. Pinakita nila sa atin na ang eternal na kasigurahan ay hindi nakadepende sa ating mga gawa. Hindi natin maiwawala ang ating kaligtasan nang dahil sa ating mga kasalanan. Pinapaalala rin nila sa atin na kahit sino ay maaaring maging dakila sa kaharian ng langit, kahit pa ang may mga kwentong may mantsa. Sa katapusan, ang apat na ito ay tumindig na katabi ng iba, bilang kapantay na miyembro ng mga ulap ng saksi (12:1), karapat-dapat ng ating imitasyon at pag-aaral.
- Ang ilang komentarista ay nagmumungkahing ang v 32 ay binubuo ng tatlong pares ng lalaki, na ang pinakakilalang dalawa ang unang nilista: Gideon-Barak, Samson-Jefte, David-Samuel.
- Dahil si Jefte ay kabilang sa listahang ito, malabong inalay niya ang kaniyang anak na babae. Ang pinakamarahil na nangyari ay inutusan niya siya na maging birhen habambuhay, na hindi makapag-aasawa at hindi makapagbibigay sa kaniya ng mga apo.