Hindi maganda ang kalagayan ng lipunan. Isang konserbatibong kaibigan ang nagrekomenda sa akin ng The Rule of Saint Benedict upang iligtas ang Kabihasnang Kanluranin mula sa pagwasak ng kaniyang sarili. “Ang lipunan ay naghihintay para isang bagong San Benedikto na tutulong sa ating matawid ang kaguluhang ito.” Sa tingin ko isasagot ni Pablo na ang mga kautusan ay hindi makapagliligtas ng sinuman. Kailangan natin si Jesus.
Sa Roma 8:2 sinabi ni Pablo na ang Kristiyano ay pinalaya na sa pinaghaharian ng kautusan upang manirahan sa pinaghaharian ng Espiritu. Paano ito nangyari?
Paliwanag ni Pablo:
Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan (Roma 8:3ab).
“Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan.” Ano ang hindi magawa ng kautusan? Hindi ka maililigtas nito. Gaya ng sabi ni Eaton,
Ang Kautusan ni Moises ay hindi ka maihahayag na matuwid, hindi ka maidedeklarang matuwid sa harap ng Diyos. Hindi ka nito maipapanganak na muli, ibig sabihin, mabigyan ka ng anumang uri ng espiritwal na buhay. Hindi ka nito mapapabanal. Sa katotohanan, ginigising nito ang kasalanan sa sinumang hindi mananamapalataya at ginagawa ang kaniyang kundisyon na mas masahol pa kaysa dati. Ang kautusan ay hindi makapagbibigay ng katiyakan ng kaligtasan, hindi ka mapapalaya mula sa mga pag-aalinlangan. Hindi ka nito mabibigyan ng pakikisama sa Diyos at sa halip ay naglalagay ng hadlang sa pagitan natin at ng Diyos (Eaton, Everlasting Assurance, p. 10)
Kung ituturing ang lahat ng binanggit na ni Pablo tungkol sa interaksiyon ng kautusan at ng laman, ang tawagin ang kautusan na “mahina” ay isang pagmamaliit. Ang kautusan ay “walang kapangyarihan, impotent” (Jewett, Romans, p. 482), hindi dahil sa mayroong likas na masama rito, ngunit dahil sa kahinaan ng laman. Gaya ng inamin ni Pablo, walang anumang mabuti sa kaniyang laman (Roma 7:18) ngunit mayroong tunay na masama na naninirahan dito, i. e., ang kasalanan (Roma 7:20, 23). At ang kautusan ay walang kapangyarihang pigilan ang kasalanan at gawin tayong banal. Bakit? Dahil ang kasalanan, na naninirahan sa ating mga laman, ay binabaluktot ang mga utos ng Diyos kaya sa halip na pigilan ang kasalanan, ang kautusan ay humihimok sa kasalanan na lumikha ng kamatayan (cf. Roma 7:10-11, 13). Sa mukha ng kasalanan, ang kautusan ay walang kapangyarihan.
May dapat na gawin tungkol dito.
Kung kaya kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan, ginawa ng Diyos.
Sinugo ng Diyos si Jesus, ang “Kaniyang Sariling Anak,” upang gawin ang hindi magawa ng kautusan. Sa pamamagitan ni Jesus, sinimulan ng Diyos ang isang ganap na kakaibang pamamaraan ng pakikitungo sa sanlibutan, isang pakikitungong nasa labas ng kautusan. “Kung kaya ang Diyos ay nakikitungo sa sangkatauhan, hindi na sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng Kaniyang Sariling Anak” (Nygren, Romans, p. 313).
Sinabi ni Pablo na ang Anak ng Diyos ay dumating “sa anyo ng makasalanang laman,” na tumutukoy sa inkarnasyon. Ngunit ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ng sinulat niyang “sa anyo ng makasalanang laman?” Ang lengguwaheng iyan ay nagpapahiwatig ng “isang pagkakapareho ngunit pagkakaiba” (Jewett, Romans, p. 484), o “isang pagkakakilanlan na hindi ganap na pagkakakilanlan” (Fitzmyer, Romans, p. 485).
Marahil ang ibig sabihin ni Pablo ay bagama’t si Jesus ay tunay na tao, at ipinanganak sa isang mortal at nahulog na katawang nakararanas ng gutom, panunukso, at kamatayan, hindi Siya nagkasala. Siya ay “tumayo sa kaparehong kundisyong kinatatayuan natin” (Nygren, Romans, p. 314), ngunit walang moral na pagkakasala sapagkat ganap na sinunod ni Jesus ang Diyos. Gaya ng sabi ni Fitzmyer, “Ang paggamit ni Pablo ng pariralang sarx hamartias ay tumutukoy hindi sa guilting kundisyon ng sangkatauhan, kundi sa pagkahilig ng sangkatauhang binubuo ng laman na nakaoryent sa kasalanan” (Fitzmyer, Romans, p. 485). Naranasan ni Jesus ang paghilig ng laman tungo sa kasalanan kung kaya’t siya ay maaaring matukso na gaya natin, ngunit kailan man hindi Siya lumampas sa linyang ito. Gaya ng sabi ni Eaton, “Ang lahat ng kahinaang dumating sa sangkatauhan ay nasumpungan kay Jesus. Ngunit ang pagiging makasalanan ay hindi nasumpungan kay Jesus” (Eaton, Everlasting Assurance, pp. 11-12). Samakatuwid si Jesus ay hindi dumating sa makasalanang laman kundi sa anyo ng makasalanang laman. Iyan ang pagkakaiba (cf. 2 Cor 5:21).
At ito ay isang krusyal na pagkakaiba!
Si Jesus ay sinugo “tungkol sa kasalanan.” Pansin ni Stott na ang pariralang kai peri hamartias ay ang karaniwang salin ng Septuagint sa “handog sa kasalanan” sa Levitico at Bilang (Stott, Romans, p. 220). Binigyang pansin niya pa na ang handog sa kasalanan ay para sa mga kasalanang hindi sinasadya, na “eksaktong kalikasan ng kasalanan sa Roma 7 (‘Ginagawa ko ang ayaw kong gawin’)” (Stott, Romans, p. 220). Ito ba ang pinatutungkulan ni Pablo? Kung oo, hindi nakapagtatakang walang kasalanan si Jesus. Dahil kung meron, hindi siya kwalipikado na maging handog para sa kasalanan.
Ang ilang komentarista ay nagsasabing ang pakahulugan ni Pablo ay dumating si Jesus patungkol sa kasalanan sa pangkalahatang diwa ng pagdating upang “harapin ang kasalanan, o gapiin ang kasalanan, o alisin ito, o magbayad ng kasalanan.” Ang sangnilalang ay may problema ng kasalanan na hindi kayang ayusin ng kautusan. Kaya dumating si Jesus bilang isa sa atin, upang gapiin ang kasalanan, at iligtas tayo. Gaya ng sinulat ni Fitzmyer: “Dahil siya ay napasakop sa mga kapangyarihang laban sa buhay tao, nagawa niyang gapiin ang mga ito” (Fitzmyer, Romans, pp. 485-86).
Ginawa ni Jesus ang hindi magawa ng kautusan- ng anumang uri ng kautusan.
Ang mga alituntunin ay hindi pamalit para sa Manunubos.