“Ang guilt ay unibersal,” sinulat ni Paul Tournier, isang Kristiyanong psychiatrist (Tournier, Guilt and Grace, p. 152). At ayon sa kaniya, maaari mong gawin ang alin man sa dalawang bagay: maaari mo itong supilin o kilalanin.
Ang pagsupil sa iyong guilt ay “maaaring magdulot ng galit, paghihimagsik, katakutan at pag-aalala, pagkamatay ng konsensiya, isang lumalawak na kawalang kakayahang kilalanin ang sariling pagkakamali, at lumalagong paghahari ng mga agresibong tendensiya” (Tournier, Guilt and Grace, p. 152). Sa madaling salita, ang pagsupil ng iyong guilt ay magreresulta lamang sa mga gawing nagpapalaki nito!
Sa isang banda, ang pagkilala ng iyong guilt ay “tumutungo sa pagsisisi, sa kapayapaan at kasiguruhan ng dibinong kapatawaran, at sa paraang iyan ay isang progresibong pagpapabuti ng konsensiya at isang matibay na panghihina ng mga impulso” (Tournier, Guilt and Grace, p. 152).
Kung kikilalanin o susupilin mo ang iyong guilt ay naiimpluwensiyahan ng uri ng relihiyon na iyong taglay. Ayon kay Tournier, mayroong mga relihiyon ng moralismo at mayroong mga relihiyon ng biyaya.
Idinagdag ni Tournier na ang mga moralistikong relihiyon ay ginagawang mas masahol ang guilt. “Ang isang moralistikong relihiyon, isang depormasyon ng relihiyong punong puno ng ideya ng mga taboo at inilalarawan ang Diyos bilang isang nananakot na indibiduwal, ay gumigising ng katakutan, at nagsasakilos ng saliwaang mekanismo ng katigasan ng ulo, paghihimagsik at kasamaan” (Tournier, Guilt and Grace, p. 152). Sa madaling salita, sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa mga batas at regulasyon, ang mga moralistikong relihiyon ay ginagawa ang eksaktong binababala ni Pablo na gagawin ng anumang relihiyong nakabase sa kautusan, ie, mas maraming kasalanan! (Roma 7:7-11).
Ang alternatibo ay isang relihiyon ng biyaya na sisira sa “marahas na sirkulong ito at magdadala ng pagsisisi at samakatuwid kalayaan mula sa guilt” (Tournier, Guilt and Grace, p. 152).
Kapag binasa mo ang Biblia, masusumpungan mo ang parehong uri ng mga sitas- mga nakatatakot na sitas na nagbabanggit ng paghatol at mga sitas na nang-aaliw na nagsasalita ng biyaya ng Diyos. Ang kakatuwa, sa kaniyang trabaho bilang psychiatrist, nasumpungan ni Tournier na ang mga tao ay mahusay sa pagpili ng mga sitas sa Biblia na hindi lapat sa kanilang sarili.
Ang ibig niyang sabihin ay nasumpungan ni Tournier na ang mga taong nakaismid na binibilang ang kanilang mga sariling matuwid, na “nagpapakita ng kasiyahan sa sarili, kapalit ng pagsupil ng kanilang guilt, na nanunuya at naghahatol sa ibang tao at pinupuri ang kanilang mga sarili base sa kanilang kalakasan” ay ang nakapapansin ng mga sitas na nagsasalita tungkol sa “katiyakan ng biyaya,” at hindi pinapansin ang mga sitas tungkol sa paghukom (Tournier, Guilt and Grace, p. 153).
Samantala, ang mga taong higit na nakakakilala ng kanilang mga kasalanan, at siyang higit na winasak ng kanilang guilt, ay hindi napapansin ang mga sitas ng biyaya at inaabala ang kanilang mga sarili ng mga sitas tungkol sa paghatol ng Diyos. Sabi ni Tournier, “sa halip na humugot sa Biblia ng mga kahangahangang kaaliwan na eksaktong para sa kanila, sila ay may kakatuwang kasiyahan na hanapin ang mga teksto tungkol sa kahigpitan ng Diyos, ang Kaniyang poot, sumpa at kaparusahan” (Tournier, Guilt and Grace, p. 153). Halimbawa, pinaliwanag ni Tournier kung ilang mga kliyente ang obsess sa pag-aalala na kanilang nagawa ang kasalanan ng paglapastangan sa Banal na Espiritu (Markos 3:29) o nakarating na sa puntong imposible nang maibalik sa pagsisisi (Heb 6:4-6).
Masasabi ko na sa aming podcast, marami kaming natatanggap na katanungan sa mga sitas na ito!
Ano kung ganuon ang magagawa?
Sumusunod sa mahabang linya ng mga teologong naghihiwalay sa pagitan ng kautusan at ebanghelyo, sinabi ni Tournier na kailangan natin pareho ang mga sitas na ito, ngunit sa magkakaibang panahon at sa mgakaibang mga tao. “Kailangan natin ng katiyakan ng biyaya upang tugunan ang atin kumbiksiyon ng guilt, at kailangan natin ang kahigpitan ng Diyos upang itulak tayo laban sa ating mga sarili, sa pagkilala ng ating mga guilt at paghihirap, at upang itulak tayong lalong magtiwala sa dibinong biyaya” (Tournier, Guilt and Grace, p. 158).
Kung ikaw ay napakasensitibo sa iyong mga kasalanan at nakatuon ang iyong pagbabasa ng Biblia sa mga sitas na naglilista ng mga dahilan kung bakit ikaw ay dapat hatulan, hinihikayat ko ikaw na tumigil at ituon ang iyong atensiyon sa ibang bagay. Narinig mo na ang isang bahagi ng kwento ng Biblia- ang bahagi ng kautusan, at ngayon ay oras na upang pakinggan mo ang kabilang bahagi- ang bahagi ng biyaya.
Hayaan mong tumulong ako.
Oo ikaw ay makasalan, “Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin” (Roma 5:8).
Oo, ikaw ay masama, “Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masasamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran” (Roma 4:5).
Oo karapatdapat ka sa galit, ngunit “Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya” (Roma 5:9).
Gaano man kalaki ang iyong mga kasalanan, ang pag-ibig ni Jesus at ang Kaniyang ginawa para sa iyo ay mas malaki.