Ang kwento ni Lot ay nagpapaalala sa akin ng kwento ng alibughang anak.
Maalala ninyo na si Lot ay pamangking lalaki ni Abraham at sumunod sa kaniyang amain sa Lupang Pangako. Ang dalawang lalaki ay yumaman, anupa’t ang lupain ay hindi kayang suportahan ang kanilang mga hayop, at ang kanilang mga tauhan ay nag-aaway.
Mayroong kailangang bumigay.
Maaari sanang gamitin ni Abraham ang kaniyang ranggo. Siya ang mas nakatatanda at ipinangako ng Diyos ang lupain sa kaniya at hindi kay Lot. Maaari sanang ipaglaban ni Abraham ang pinakamahusay na lupain at ibigay kay Lot ang tira-tira. At marahil papalalain lamang niyan ang sitwasyon. Sa halip ibinigay ni Abraham kay Lot ang unang pagpili. At ito ay isang gawang galing sa biyaya at galing sa pananampalataya. Gaya ng sinabi ni Allen Ross, “Ang pananampalataya ni Abraham ay nagpapakita na mayroong mas maiging pamamaraan ng paglutas ng isang potensiyal na hindi pagkakasundo, ang daan ng pagtanggi sa sarili” (Ross, Creation and Blessings, p. 289).
Si Abraham ay nagpapaalala sa atin ng ama sa Parabula ng Alibughang Anak. Bagama’t ang pag-aari ay sa ama, ibinigay nang maaga niya ang kaniyang pamana sa kaniyang anak na lalaki. Sa halip na makipagtalo sa kaniyang anak na lalaki, pinili ng ama ang daan ng pagtanggi sa sarili, ipinahayag niya sa larawan ang kaniyang sarili na patay upang makuha ng anak na lalaki ang kaniyang mana. Marahil nagtsismisan ang mga kapitbahay tungkol dito. Marahil marami ang nagrekomenda na ang anak na lalaki ay batuhin hanggang mamatay dahil sa kaniyang paghihimagsik, sa halip na bigyan ng salapi.
Ilang komentarista rin ang nagbigay pansin na ang ginawa ni Abraham ay isang gawa ng malaking pananampalataya. Ipinangako ng Diyos na ibibigay sa kaniya ang lupain at pinanampalatayahan ito ni Abraham. Sa madaling salita, nananampalataya si Abraham na kahit pa kunin ni Lot ang lupain para sa kaniyang sarili, ibibigay pa rin ng Diyos ito sa kaniya anumang mangyari.
Kaya hinayaan ni Abraham si Lot na umalis. At saan pinili ni Lot na tumungo? Sa Sodom! Isang lunsod na napakasama anupa’t winasak ito ng Diyos. Ganuon din naman, saan tumungo ang alibughang anak? Hindi sa isang monasteryo kundi sa malayong lupain upang lustayin ang kaniyang kayamanan sa masamang pamumuhay.
Madali ba kay Abraham na ibigay kay Lot ang unang pagpipili o sa ama na ibigay sa kaniyang anak na lalaki nang maaga ang kaniyang pamana? Hindi. Ngunit hindi sinabi ni Jesus na ang pagpapakita ng biyaya ay madali, o ito ay laging magtatagumpay, o ito ay hindi magmumukhang kamangmangan sa mata ng sanlibutan. Ang pagpapakita ng biyaya ay isang gawa ng pananampalataya, at makikita mo lamang ang kapakinabangan sa pangmatagalan. Halimbawa, tungkol sa pagpapalaki ng mga anak, sinabi ni Paul Zahl:
Ang mga gantimpala ng biyaya ay napahahalagahan nang husto kapag binabalik-tanaw. Mahal mo ang iyong anak na lulong sa droga sa pamamagitan ng mga papalit-palit na mga programa ng pagpapagaling. Hindi mo pinakikinggan ang tinig ng kautusan na habambuhay na nagsasalita ng “matigas na pagmamahal” at “pananagutan”; kundi inaabot mo ang kamay ng pagmamahal nang paulit-ulit (Zahl, Grace in Practice, p. 171).
Sa maikling panahon, ang pagpapakita ng biyaya ay mahirap. Ang taong pinapakitaan mo ng biyaya ay maaaring hindi ito pinahahalagahan. Ang alibughang anak ba ay agarang nabago ng kaniyang ama, na buong biyayang ibinigay ang kaniyang pamana nang maaga? Hindi naman di ba? Kung kaya si Zahl ay nagbababala:
Ang iyong kamay ay makakagat. Maaaring maputol ito. Ngunit ang biyaya ay hindi nakakakilala ng limitasyon, sapagkat ang mga salitang “limitasyon” at “hangganan” ay kultura ng kautusan (Zahl, Grace in Practice, p. 171).
Pagkatapos nang pagpapakita sa kanila ng biyaya, ang iyong anak na lalaki o anak na babae ay maaaring kailangan pa ring bumalik sa rehab o sa isang nakalalasong relasyon o bumalik sa selda. Ngunit kapag sila ay umatras at bumalik sa iyo, pakikitaan mo sila ng biyaya kung paanong ang Diyos ay nagpapakita sa iyo ng biyaya sa tuwing ikaw ay bumabalik sa Kaniya.
Hindi ito nauunawaan ng sanlibutan. Iniisip nito na ang biyaya ay kahangalan para sa mga hangal na tao. At aminin natin, madalas ito ay tila iresponsable. Tila iresponsable kay Abraham na hayaan ang kaniyang pamangkin na lalaki pumili ng lupain, lupain na dapat ay kaniyang mamanahin. Tila iresponsable para sa ama na magbigay ng pamana sa kaniyang napariwarang anak na tiyak na lulustay nito. At marahil ang biyaya ay iresponsable, maliban sa isang salik: ang Diyos.
Sasabihin sa iyo ng mga tao na ginagantimpalaan mo ang iresponsabilidad. Ngunit alam mo kung ano ang mas maigi. Alam mo na sa pangmatagalan, ang biyaya ay hinihila ang kaniyang sarili pabalik sa tahanan (Zahl, Grace in Focus, p. 171).
Bakit natin alam na ang biyaya ay hihila ng mga tao sa pangmatagalan? Sapagkat ang pagpapakita ng biyaya ay isang gawang nananampalatayang ang Diyos ay gumagawa sa mga paraan na hindi mo nakikita at hindi mo mauunawaan.
Ang pagpapakita ng biyaya sa mga tao, sa halip na sikapin silang kontrolin sa pamamagitan ng kautusan, ay isang gawang nananampalatayang ang Diyos ay may kontrol at nakapangyayaring humihila ng tao sa Kaniyang Sarili (ngunit hindi ko ipinapakahulugan ang determinismo). Ang Diyos ang humihila, ngunit tayo ay malayang labanan ito.
Subalit ang pagtanggi sa panawagang bumalik sa tahanan ay mas mahirap kung ang tahanang iyan ay puno ng biyaya. Madali ang tumakbo at habambuhay na lumayo mula sa isang mapamuna at legalistikong tahanan. Ngunit kapag ang isang alibugha ay sinunog at binasag ng isang sanlibutang walang biyaya, isa sa pinakamakapangyarihang paraan na siya ay hinihila ng Diyos ay ang pagpapaalala sa kaniya ng pag-ibig na iyong paulit-ulit na pinapakita.
Sa pangmatagalan, ang daan ng biyaya ay nangtataboy samantalang ang daan ng biyaya ay humihila.