Ang Yellowstone ay isang makabagong dramang western tungkol sa pakikibaka ng pamilya Dutton na iligtas ang piksyunal na Yellowstone Dutton Ranch, ang pinakamalaki sa Montana.
Dahil sa ang lupain ay nagkakahalaga ng daang daang milyong dolyares, lahat ay nais agawin ang rancho mula sa mga Dutton.
Nais ng Confederated Tribes of Broken Rock ang lupang pag-aari ng kanilang mga ninuno upang magtayo ng isang bagong casino. Nais ng mga developers na gawin itong ikalawang tahanan para sa mayayamang taga-California. At isang firm sa New York ang may mga planong magtayo ng airport at ski resort. At nariyan pa ang iba’t ibang magnanakaw ng baka, mga nagtataguyod ng supremasiya ng mga puti, mga nangangalakal ng droga, at mga embironmentalista na banta din sa mga Dutton.
Laban sa mga panganib na ito, walang anumang hindi gagawin si John Dutton, ang tumatandang patriarka, upang protektahan ang kaniyang lupain. Ginamit niya ang kaniyang mga anak bilang mga sandata laban sa kanilang mga kaaway, at ang resulta ay gaya nang inaasahan- apat na kabanata ng pagkakanulo, trauma, karahasan at kamatayan.
Ang matinding pokus ni John Dutton sa Yellowstone, at ang mga nakamamatay na konsekwensiyang sumunod, ay larawan ng isang mahalagang punto na ginawa ni Pablo tungkol sa Cristianong pamumuhay:
Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga yaon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu. Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu (Roma 8:5-6).
Ang mga Cristiano ay maaaring magkaroon ng dalawang uri ng kaisipan na may dalawang magkaibang konsekwensiya.
Ang salita para sa nagtutuon ng isipan ay phronema, na nangangahulugang “ang pakuldad ng pagtuon ng kaisipan ng isang tao sa isang bagay, paraan ng pag-iisip, (kalagayan-) ng pag-iisip” (BDAG, p. 1066), o ang “pangkalahatang tutok ng kaisipan at motibo” (MM, p. 676). Gaya ng paliwanag ni Stott, ang pagtuon ng isipan “ay ang katanungan ng kung saan nakatuon ang ating isipan, ang mga ambisyon na nagtutulak sa atin at mga kaabalahang pumupuno sa atin, kung paano natin ginagamit ang ating oras at enerhiya, kung saan tayo tumututok at ibinibigay natin ang ating sarili” (Stott, Romans, p. 223).
Nanghahawak si Pablo na ang iyong isipan ay maaari mong matuon sa laman o sa Espiritu.
Ano ba ang ibig sabihing ituon ang mga isipan sa laman? Bagama’t maraming komentarista ang buong sigasig na nagsasabing hindi ang katawan ang tinutukoy ni Pablo, sa tingin ko oo. Ang katawan ay nasa unahan ng pag-iisip ni Pablo sa kabuuan ng Roma 6-7. Para kay Pablo, ang problema ng Cristianong pamumuhay ay ang problema ng paghahaya sa “kasalanang maghari sa inyong mga katawang may kamatayan upang sundin ang mga pita nito” (Roma 6:12). Ang iyong katawang hindi pa naipanganak na muli ay puno ng pita sa mga bagay na pinagbawal ng Diyos, at nagreresulta sa digmaan laban sa bahagi mong naipanganak nang muli. Kaya sa katapusan ng Roma 7, humiyaw siya, “Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan ng kamatayang ito?” (Roma 7:24). Ang laman ay ang kabuuan ng kung sino ikaw sa iyong pagkahulog hiwalay kay Cristo. Sa tingin ko tama lang sabihing ang laman ay higit pa sa iyong katawan, ngunit hindi kulang.
Bagama’t hindi mo mapipigil ang iyong laman mula sa kaniyang mga pagnanasa, mapapasahol mo ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagtutok sa mga ito. Gaya ng paliwanag ni Cottrell:
“Kabilang dito ang mga pangarap, mga layunin, interest, pagnanais, pag-iisip at pananaw ng isang tao. Ang taong ang buong buhay ay nakatuon sa laman ay laging okupado ng mga bagay ng laman, ie, mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng katawang nabubuhay sa pisikal na mundo” (Cottrell, Romans, p. 266).
Ang kakatuwa, ang resulta ng ganitong uri ng pokus ay kamatayan! Sinasabi kong kakatuwa dahil ang isa sa mga madalas na pangangatuwiran sa pagtupad ng lahat ng pagnanasa ng katawan ay upang ang buhay ay mas maging kaaya-aya- “Isabuhay ang buhay sa kapunuan!” Ngunit sinasabi ni Pablo na ang ganitong uri ng pamumuhay ay may baligtad na resulta, kamatayan.
Ano ang alternatibo kung ganuon? Ang “ituon ang inyong isipan sa Espiritu.” Aaminin kong hindi ito ang bagay na tipikong ginagawa ko sa aking Cristianong pamumuhay, at ang mga iglesiang Evangelical o Baptist, na aking dinaluhan ay may kakaunting banggit tungkol sa Espiritu. Ngunit si Pablo ay maraming sasabihin kung ano ang kahulugan nito habang nagpapatuloy ang kabanata. Sapat nang sabihin na samantalang ang makalamang kaisipan ay nagdudulot ng kamatayan, ang maka-Espiritung kaisipan ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan.
Maraming komentarista ang nakikita ang matinding salungatan na ito’t nagsasabing marahil inilalarawan ni Pablo ang mga mananampalataya at hindi mananampalataya dahil hindi nila lubos maisip ang isang Cristianong ganap na nakatuon sa laman anupa’t nagresulta ito sa kamatayan. Ngunit hindi nahirapan si Pablo na mag-isip sa ganitong paraan. Gaya nang sinabi niya sa mga taga-Corinto, “Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo” (1 Cor 3:1, dinagdagang diin). Ang mga taga-Corinto ay makalaman at nagpakasasa sa kanilang laman sa iba’t ibang eskadalosong bagay kabilang na ang Hapunan ng Panginoon kung saan, ang resulta, sabi ni Pablo, “marami ang mahina at may sakit sa inyo at ang marami ay natutulog” (1 Cor 11:30). Sa madaling salita, ang mga taga-Corinto ay namamatay dahil sa karnalidad- gaya nang babala ni Pablo sa mga taga-Roma.
Sa halip na mamatay, maaari kang mabuhay. Ang espirituwal na kaisipan ay lumilikha ng buhay at kapayapaan– at sa tingin ko nag-iisip si Pablo ng ganitong mga epekto patungkol sa hinaharap at sa buhay ngayon at dito. Gaya ng paglalarawan ni Eaton, “Ito ay ang pagtatamasa ng buhay ng may gana at enerhiya mula sa loob na manggagaling lamang sa Diyos. Ang “buhay’ na itong dumadaloy mula sa kalooban (Juan 4:14) ay may epekto sa buong personalidad” (Eaton, Everlasting Assurance, p. 23). At ang kaisipang ito ay lumilikha ng kapayapaan, na inilalarawan ni Eaton bilang “pagkikipagkasundo sa Diyos at katahimikang dumarating na resulta nito. Ang kapayapaan ay ang pananatili sa kalooban ng Diyos at nababatid ito” (Eaton, Everlasting Assurance, p. 23).
Hindi kailangang mamatay ng mga taga-Corinto. Ganuon din ang mga taga-Roma. Ganuon ka din. Maaari kang mamuhay nang buong buhay at may katahimikan din, kung ikaw ay nakatuon sa Espiritu.